Cover Photo By Benildean Press Corps
Cover Photo By Benildean Press Corps.

Balik Alindog: Wallet Edition


Ang sakit kaya ‘pag wala kang pera habang nakikita mo ang iyong mga kaibigan na todo sa paggastos sa kanilang naipong pera. Ito ang ilang tips sa pag-iipon para ikaw naman ang magsaya at makabawi ngayon 2016.


By Benildean Press Corps | Saturday, 16 January 2016

Sabi nga nila, ang pag-iipon daw ang isa sa mahirap gawin dahil maraming bagay sa paligid na nakakatuksong paggastusan. Pero sabi rin ng isang kanta ni Eva Eugenio, “O tukso, layuan mo ako,” hinay-hinay lang at try mo simulan ng paunti-unti, dahil sa bandang huli, mapapasaiyo ang huling halakhak.


Go for the Goals

Mag-set ka ng goals o mga bagay na gusto mong maisagawa sa taon na ito na hindi mo naasam noong nakaraang taon. Mga bagay na matagal mo nang gustong magawa, bilhin, puntahan o mga bagay na magbibigay sa’yo ng kasiyahan dahil ito ang fuel mo para lalong maging disiplinado sa pag-iipon ng pera. Ito rin ang magiging motivation mo para iwasan ang mga bagay na maaring makasira sa iyong plano.


Mahiwagang Listahan

Isa sa pinakamadali at pinakamabilis para makatipid ay ang pagkakaroon ng listahan kung mamimili o kung may bibilhin, dahil maari mo lamang makuha ang mga bagay na kakailanganin mo. Ang kakulangan ng listahan ay maaring magresulta sa pagbili ng mga bagay na wala sa plano. Hindi lang ito para mapunan ang kakailanganin sa plano, ito ay para maiwasan mo rin ang mga bagay na mabilis lamang na mawawala tulad ng pagkain. Magkaroon din ng disiplina sa pagawa ng listahan at tukuyin ang mga bagay na masasayang lang sa bandang huli.


Iwas iwas din sa gala

Ang pagkain sa labas o pagpunta sa mga lugar na alam mong mapapagastos ka nang wala naman sa plano ay talaga namang sisira sa budget o allowance mo. Sa halip maggala, gumawa ng alternatibong paraan para makasama sila pero may halong kasiyahan. Halimbawa, imbis kumain sa labas pag-breaktime, subukang gumawa ng sariling baon or pagkain sa bahay. Kung hindi talaga kaya, magkaroon ng disiplina at pigilan ang sarili dahil ikaw din ang makikinabang sa sakripisyo mo sa bandang huli.

Maraming alternatibong paraan

Sabi nga nila, kung gusto may paraan, kung ayaw may dahilan. Kung gusto talagang maka-ipon iwasan natin ang mga nakagawian. Halimbawa, kung kaya naman mag public transport, iwasan muna ang pagsakay sa taxi pwera na lamang kung may dahilan kang pangseguridad. Iwasan na rin ang pagbili sa mga mamahaling kape, sa halip, bumili ka nalang ng kape sa vendo machine. Maraming alternatibong bagay na kayang bumili ng nakagawian na pwedeng magresulta ng pangmatagalang kasiyahan.

Ayon nga kay Bo Sanchez, isang best-selling author, entrepreneur, preacher and lay minister sa bansa, maari natin sundan ang “10-20-70 Rule”. Maari natin ilaan ang ating 10% ng ating pera sa pagtulong, 20% para itago o ilaan sa pag-iipon, at 70% para gastusin sa pang-araw-araw na pamumuhay. Para lalong maging mabisa ang pag-iipon, aminin natin sa ating sarili na kailangan natin mag-ipon at tigilan ang paggastos nang lubos. Ipa-intindi natin sa ating sarili ang kahalagaan at binipisyo nito sa bandang huli. Hindi lang sa pag-iipon ito may implekasyon, meron din ito sa ating buong pagkatao lalong lalo na sa pangsariling disiplina.

Dibuho ni Francis Tadeo

 

 

 

Last updated: Saturday, 17 July 2021
Tags: tipid