Kuha Ni Ysabel Victoriano
Kuha Ni Ysabel Victoriano.

Sundan at Tuklasin: Tatlong Bituin At Isang Araw


“3 Stars and a Sun” ng Philippine Educational Theater Association (PETA) binuhay ang musika ng yumaong master rapper na si Francis M.


By Benildean Press Corps | Wednesday, 24 February 2016

 

Muling nabigyang buhay ang musika ng yumaong master rapper na si Francis Michael Magalona o mas kilala bilang Francis M. sa isang dula na binuo ng Philippine Educational Theater Association o PETA. Isang makabuluhang musical ang nagbigay kulay at ningning sa kaniyang musika, sa ilalim ng direksyon ni Nor Domingo at sa panulat nina Rody Vera at Mixkaela Villalon. Sa pamamagitan nito ay hinanapan ng lunas ang sakit ng istruktura ng gobyerno at lipunan, upang tuluyang makamit ang katarungan at muling masilayan ang liwanag. Ito ay ang “3 Stars and a Sun”, kung saan mabubuhay muli ang pamanang sining ni Francis.

Img 5385 1 768x512 Img 5490 1 768x1152 Img 5367 1 768x512 

Ang pagsabog

Ang dulang ito ay inumpisahan sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa nagdaang pagputok ng ikatlong digmaang pandaigdig noong taong 2026. Sa pamamagitan nito ay malinaw na naiparating ang nakaraan kung bakit mayroong Stormdome, o ang matibay na tirahang sinasabing magliligtas sa lahat simula nang sumabog ang bombang nuclear, hanggang sa susunod na 70 taon. Ito ay sumasailalim sa pamumuno ni Grand Vidame Inky na ginampanan nina Che Ramos at Carla Fortaleza. Sa kaniyang katauhan ay naipakita ang isa sa sakit ng mga nagiging pinuno ng lipunan – ang labis na paghahangad sa kapangyarihan. Sa loob ng malaking dome na ito ay nahahati sa dalawang estado ang mga nakatira; ang Lumino at ang Diliman – isang bagay na nagpapakita ng kasalukuyang kaganapan sa ating bansa.

Img 5435 1 768x512

Burahin ang alaala, itapon ang nakaraan

Sa pagganap nina Bodjie Pascua at Raffy Tejada bilang Mang Okik, nabigyang linaw ang kahalagahan ng kasaysayan sa ating buhay. Kung wala ito, ang pagkakakilanlan ng Pilipinas bilang isang malayang bansa ay mababalewala kung titigil na lamang ang pagpapasa ng kasaysayan sa mga susunod na henerasyon. Hindi na maipapaabot ang tungkol sa mga pinaglaban ng mga bayani at ang tinamasa ng mga ninuno nating Pilipino. Iwinawaksi ang nakaraan sa Stormdome. Ang mga anak ni Vidame Inky na sina Chino na ginampanan nina Paolo Valenciano at Gio Gahol at si Diane, na ginampanan naman nina Justine Peña at Giannina Ocampo ang siyang pagpapasahan ng pamamahala sa Stormdome sa taong 2096.

Img 5422 1 768x512

Makabagong atakeItinalaga si Chino bilang tagapangasiwa sa pagbubura ng alaala ng mga tumataliwas sa paniniwala ng Lumino, sa tulong ng Protektanod ng dome. Ang pag-re-recondition sa mga nagtatrabaho para sa Lumino ay isang gawaing nagpapakita ng pagkabulag sa katotohanan sa tunay na sitwasyon ng lipunan upang magpatuloy ang katiwalian at kawalang-katarungan ng mga nasa pwesto. Naipakita nang mahusay ang paniniwala ni Vidame Inky na upang manatili ang sinasabi niyang kaayusan ay kailangang tapakan ang kaguluhan, o ang mga hadlang sa kaniyang balak.

Img 5469 1 768x512

May halo mang katatawanan sa ilang parte ay maigi at epektibong naiparating ang mensahe sa bawat parte. Nailabas nang husto ang pinakaimportanteng parte sa pamamagitan ng mahusay na pagganap ng mga aktor. Si Sol, na ginampanan nila Gold Villar at Nicco Manalo, ay ang lider ng Tropang Gising mula sa Diliman, na siya ring nanguna sa isang pag-aaklas laban sa tiwali at ‘di patas na pamamalakad ng mga nasa Lumino, o ang nakaaangat na sektor sa Stormdome. Sa tulong ni Diane, unti-unting napalapit sa pagtatagumpay ang plano ng Tropang Gising na baliktarin ang mundo. Naipakita rin na sa gitna ng katiwalian ay mayroon pa ring nagnanais ng pagbabago sa buong lipunan; isang pagbabagong mag-aalis sa konsepto ng estado sa lipunan. Sa huli ay napagtagumpayan din nila Sol ang pagpapabagsak sa baluktot na pamumuno ng Lumino sa buong Stormdome.

Img 5494 1 768x512

Ang boses para sa lahat

Ang dulang ito ay malaki ang kontribusyon upang maging boses ng lahat ng mga taong naaapakan ang karapatan sa lipunan. Ginamit ang gintong boses ng mga nagsipagganap at ang musika ni Francis M. upang muling maipakita sa lahat ang kasalukuyang sitwasyon sa ating gobyernong puno ng politika. Isa rin sa mabisang naipakita sa dula ang tungkol sa hangarin ng Lumino na maging maayos, mapayapa at masagana ang buong stormdome, ngunit puros dahas at kapangyarihan naman ang nangingibabaw sa lahat ng kanilang mga pamamaraan upang sila ang tuluyang maghari sa stormdome at upang mapigilan ang balak ng mga taga-Diliman na pabagsakin ang kasalukuyang namumuno sa kanila.Img 5471 1 768x512


Sa kabuuan, ito ay umikot sa patuloy na paghahanap sa liwanag na matagal nang inaasam. Hindi lamang sa liwanag ng bagong araw, kundi pati sa kaliwanagan ng pag-iisip, kaliwanagan sa kasalukuyang istruktura, pati na rin ang kaliwanagan sa tunay na nangyayari sa ating lipunan at ang paghahanap ng sagot sa mga problema at katarungan sa mga nababalewala. Dito ay mabisang tinalakay ang pinakaimportanteng isyu sa ating lipunan na unti-unti nang umaabot sa kaalaman ng nakararami at patuloy nang hinahanapan ng solusyon para sa ikabubuti ng lahat.

Ang palabas ay nag-umpisa noong ika-4 ng Pebrero at magtatagal hanggang sa ika-5 ng Marso. Para sa karagdagang detalye sa mga araw ng palabas at sa pagbili ng tiket, maaaring bumisita sa https://www.ticketworld.com.ph/Online/3starsandthesun o sa opisyal na website ng PETA, http://petatheater.com/3-stars-and-a-sun/.

Kuha ni Ysabel Victoriano

 

 

 

Last updated: Sunday, 18 July 2021