Ang pobreng Badong

Ang pobreng Badong

Walang makapagsasabing sa gitna ng digmang yumanig sa ating bansa noong 1945 ay isisilang ang isang batang sa ‘di kalaunan ay kikilalanin at titingalain sa lupang sinilangan at maging sa ibayong dagat.  Ang salitang “Badong” ay salitang balbal na tumutukoy sa isang mayaman o isang taong may mataas na antas sa lipunan, ngunit kung kikilalanin natin si Badong,  taliwas ito sa kanyang pagkatao at paraan ng paglikha at disenyo. Dito umiikot ang  tema ng eksibit na pinamagatang “Badong: Salvador Bernal Designs the Stage” layunin nitong mas makilala ng nakararami ang naging ambag ni Badong sa lahat ng antas ng sining at mas palalimin pa ang pagkakakilala sa kanya.

Photo by Aly Mananquil
Photo by Aly Mananquil

Paglalakbay na nakaguhit sa linyang pula

Si Salvador Floro Bernal ay ipinanganak noong Ika-pito ng Enero taong 1945 sa Dagupan city. Lumaki sa isang marangya at kilalang pamilya, na nagmamay-ari ng isang patahian sa Pangasinan, na kilala sa tawag na “Ubalda”. Dahil sa namanang negosyo niya mula sa kanyang ina, natutunan niya ang iba’t-ibang mga istilo sa pananahi.

Nagtapos sa kursong BS Philosophy noong 1966 sa Ateneo de Manila bilang isang cum laude. Kung saan ginawaran siya ng pagkilala ng “Mulry Award (Poetry)” dahil sa kanyang husay sa pagsusulat ng mga tula at husay sa literatura.

Taong 2003, nang unang kilalanin sa kasaysayan ng teatro ang kahusayan ni Salvador F. Bernal, na naging dahilan upang kilalanin siya ng ating bansa bilang isang Pambansang Alagad ng Sining sa Dula. Na naging dahilan upang kilalanin siya bilang “Father of Philippine Theatre Design”.

Kolaborasyon ng institusyon ng sining at akademiko

Badong, ang exhibit na ito ay matatagpuan sa ika labindalwang palapag ng SDA. Ito ang kolaborasyon ng De La Salle College of Saint Benilde at Cultural Center of the Philippines, upang magbigay kilala sa isa sa mga nagpamalas ng galing sa larangan ng teatro, at naging daan upang makilala ang ating bansa sa larangang ito.

Photo by Aly Mananquil
Photo by Aly Mananquil

Mula sa dalumat hanggang sa pagkatha

Para kay Badong, ang proseso ng kanyang pag disenyo ay nagsisimula kasabay ng kanyang paggawa ng konsepto, na kumakatawan at nagrerepresenta sa tema ng dula o sayaw, na interpretasyon ng mga direktor o koreograpo.

Makikita dito ang talambuhay ni Salvador Bernal, mula sa kanyang pagkabata hangang sa kanyang pagpanaw. Ang eksibit na ito ay mahahati sa 5 seksyon, kung saan ipinapakita ang mga istilo at disiplina ni Badong sa paglikha ng mga disenyo. “Space,” “Surfaces,” “Symbol,” “Sources,” at “Silhouettes.”

Ang makatang pantas ng sining

Maliban sa mga naiambag niya sa larangan ng teatro, makikita rin dito ang  koleksyon ng kanyang mga gawang tula sa wikang ingles na nagbigay parangal sa kanya. Makikita din dito ang kanyang mga gawang tula para sa kanyang ina, kalikasan, at kababaihan. Maliban sa mga likhang tula at disenyo, ay masasaksihan ang kanyang malalim na samahan o pagkakaibigan sa pagitan niya at ni Doreen. Isa na rito ay ang pagpapalitan nila ng mga “Postcards” na nagmula sa mga bansang kanilang napuntahan, na may kasamang maiikling liham para sa isat-isa.

Sa tula aking sasambitin

Hindi man tuwirang nilahad ang relasyon ni Badong at Doreen, sa dulo ng pulang guhit na simbolo ng kanyang mahabang paglalakbay, ay lalaruin ang iyong isip ng isang tula na puno ng lungkot at pamamaalam sa isang babae na nagngangalang  “Doreen.” Makikita rito ang matatamis na salita at huling tula niya para sa babaeng kanyang minsa’y inibig.

Photo by Aly Mananquil
Photo by Aly Mananquil

Sa pagitan ng mga entrepanyo

Sa limang bahagi ng exhibit, ay makikita ang iba’t-ibang diorama ng kanyang mga likha para sa iba’t-ibang mga produksyon at dula. Sa kabilang banda naman ay iba’t-ibang koleksyon ng mga kasootan na kanyang dinisenyo na may iba’t-bang tema, materyales at burda na angkop sa mga tauhan na bahagi ng dula.

Photo by Aly Mananquil
Photo by Aly Mananquil

Pupukaw sa inyong paningin ang isang diorama, na sinabayan ng isang “video projection” ng isang babaeng sumasayaw sa gitna ng entablado na tila dinadala ka sa loob ng isang tanghalan at pinapatikim sa atin ang karanasan na manood ng isang dula. Bago matapos ang eksibit at mabusog ang ating mga mata sa ganda at kalidad ng kanyang mga likha ay mapapanood natin sa isang telebisyon ang isang kuha mula sa isang dula habang maririnig natin ang isang lalaking umaawit na katunog ng isang Adhan.

Ang eksibit na ito ay magtatagal hanggang sa disyembre ng taong ito. Ang lahat ay inaanyayahang bumisita at kilalanin ang ating Pambansang Alagad ng Sining sa Dula, na si Salvador “Badong” Bernal.


The Benildean Press Corps © 2017 . All Rights Reserved