Cover Photo Ni Brian Paolo Castillo
Cover Photo Ni Brian Paolo Castillo.

ABAKADA kaba


Tila kandilang kahit anong ihip ng panahon, hindi mamatay-matay ang mga istoryang kababalaghan na bumabalot sa ating kultura at pamumuhay.


By Benildean Press Corps | Wednesday, 2 November 2016

 

Mga matang nakamasid, aninong tila sumusunod, mabilis na pagkabog ng dibdib, pagtayo ng balahibo at biglang pag-ihip ng malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa ating balat ilan lamang ito sa mga senyales at pakiramdam na may kakaiba o tila may kababalaghan na nangyayari ating kapaligiran. Kababalaghang binubuo ng kakaibang elementong waring hindi naman likas talaga sa ating mundo. Habang sumasapit ang undas o todos los santos, lumalakas at naglalabasan daw ang mga ito kasabay ng samu’t saring mga kwento ng mga saksi patungkol sa kani-kanilang karanasan na minsa’y hindi natin akalaing kapani-paniwala. Kaya minabuti naming puntahan ang isang lugar sa probinsya ng Sariaya, Quezon upang tuklasin ang bulong-bulungan na misteryong bumabalot sa isang paaralang matatagpuan sa gitna ng kagubatan. Isasalaysay sa lathalang ito ang mga pinagtagpi-tagping kwento mula sa aming mga nakausap sa naturang lugar at sariling karanasan. ‘Wag kukurap, buksan ang imahinasyon, basahin nang taimtim at simulan na natin ang paglalakbay.

Ingat baka ika’y maligaw

Pagkababa pa lang sa lansangang-bayan o highway sakay ng isang pampasaherong bus, dama ko na kung anong klaseng lugar ang aming tatahakin. Tanaw sa posisyon na aking kinatatayuan ang malawak, masukal at madilim na gubat na aming susuungin marating lamang ang pakay na paaralan. Ngunit ang mas nakakakilabot sa paglalakbay na ito, hindi lamang sa mismong paaralan ang may kakaibang misteryo, kundi pati na rin ang bawat parte ng gubat na aming madadaanan. Una na rito ang usap-usapan at tinatawag nilang “Manliligaw”. Ito’y mga elemento na lumalabas sa mga kawayan at nagpapalit ng anyo, maaring gayahin nito ang anyo ng kanilang mga natipuhan o nagustuhan. Hindi lang sa pagpapalit-katauhan natatapos ang kanilang mithiin, ginagaya rin nila ang mga tao para mang-akit at iligaw ito. May mga pangyayari umano na ‘pag nagustuhan nila ang isang dayo sa naturang lugar, agad nila itong inaakit at sinasama sa kanilang lugar. Tinawag nila itong “pito-pito” dahil ikukulong daw ng mga elementong ito sa loob ng pitong (7) araw ang kanilang biktima nang hindi nila namamalayan. Makapangyarihan ang mga ito dahil tuluyan nilang binubulag ang kanilang biktima na sila’y nasa isang paraiso. Kung mapalad ka, paglalaruan ka lang ng mga ito at ililigaw hanggang mahirapan kang makalabas sa kagubatan. Dahil na nga sa gantong uri ng misteryo, pinayuhan kaming huwag agad sumama kung kani-kanino sapagkat baka raw ang inaakala naming kaibigan at kasamahan sa paglalakbay, ay isa na palang manliligaw.

Tulay o buhay?

Sa kalagitnaan ng gubat, mararating ang isang maliit na tulay na pinalilibutan ng mga puno ng niyog. Kapansin-pansin din ang unti-unting paglaho ng mga kabahayan na kung saan isang indikasyon na nasa puso na kami ng kagubatan. Isa sa nakakakilabot na kwento rito ay ang kwento ni Manong Ato, isang residente sa naturang lugar. Binabagtas umano niya ang naturang gubat sakay ng isang tricycle nang huminto na lang bigla ang kanyang sasakyan sa mismong tulay. Habang pilit niyang pinapaandar ang kanyang tricycle, bigla na lang niyang nakita ang isang napakalaking asong itim sa loob ng kanyang sasakyan. Sa kanyang takot, agad niya itong pinaalis at humarurot ng takbo. Lagi raw itong makikita sa tulay at nag-aabang ng kanyang hahabuling biktima. Sabi rin nila, maririnig mong umaalulong ito tuwing may buntis at may mamamatay na matanda sa lugar na iyon.

Ang paaralan

Sa patuloy na paglalakad, sumalubong ang kulay dilaw na munting paaralan. Mistulang kakaiba ang iyong mararamdaman sa oras na ito’y pagmasdang maigi, na sa tingin ko’y dahil na rin sa ‘di-pangkaraniwang kinaroroonan nito. Ramdam ang biglang pagbigat ng kalooban at tila may iba pang taong nagmamasid bukod sa aming grupo. Swerte rin maituturing ang pagkakataong iyon dahil isang mag-aaral nito ang natagpuan kong naka-istambay malapit sa naturang paaralan. Siya si Gabriel Adrian Jaime, isang dating mag-aaral doon ngunit napilitang lumipat dahil sa matinding takot dulot ng mga kagimbal-gimbal na karanasan sa paaralan. Ani niya, isang araw habang sila’y nagkaklase, nagpaalam siya sa kanyang guro kung maaaring pumunta sa palikuran upang umihi at agad naman siya nitong pinayagan. Sa kanyang pagbukas ng pinto, bumungad sa kanya ang isang babaeng mahaba ang buhok at may namumulang mata na tila lumuluha. Tumakbo siya pabalik at agad itong sinabi sa kanyang mga kamag-aral at guro ngunit nang balikan nila ito, bigla na lang itong naglaho. Dagdag pa rito, isa ring guro ang nakaranas ng makapanindig-balahibong pangyayari sa paaralan iyon. Salaysay ni Ma’am Tes, habang nasa harapan ng pinto dahil bubuksan niya na ang paaralan, hindi niya maitulak ang pinto papasok ng paaralan sapagkat parang may kumokontra raw dito upang hindi siya makapasok. Tinutulak rin daw ito ng kakaibang elemento na nasa loob. Lumipas ang ilang minuto at kailangan na nilang magsimula ng klase kung kaya ay sinubukan niyang pinakiusapan ang sinumang bumabagabag sa kanila. “Papasukin mo na kami dahil magsisimula na ang klase ng mga bata” ani niya. Sa kanyang pagkagulat ay bigla na lang bumukas ang pinto at nang kanyang tingnan ang paligid, wala naman daw tao sa loob.

Isang kathang isip man o katotohanan, mahalagang maging bukas pa rin ang ating isipan sa mga posibleng mangyari sa bawat araw. Tulad ng mga taong aming nakapanayam na nakasaksi ng mga kakaibang elemento, ang mga misteryong bumabalot sa kani-kanilang karanasan ay maaari ring mangyari sa kung sinuman. Sa kabilang banda ng mga kwentong aming narinig, tila nakakabahala na sa bawat pagbigkas ng ABAKADA ng mga bata sa paaralan, kasabay nito ang kanilang kaba na baka sila’y gambalain. Nakakalungkot ding malaman ang kalagayan ni Gabriel na kailangan niya pang lumipat sa iba at malayong paaralan dahil lamang sa mga ganitong karanasan. Lagi namang nananaig ang takot kay Ma’am Tes na baka isang araw, hindi na niya kayanin magturo sa paaralang iyon dahil sa mga elementong ito. Hindi tuloy makakailang talaga ring may malaking epekto ang mga kababalaghan sa pang-araw-araw na pamumuhay ng tao, na kung minsan ay nagiging perwisyo pa nga. Kung kaya sa mga sitwasyong ganito, magdasal at patuloy na manalig sa nakakataas dahil ito lamang ang tangi at mabisang panangga mo sa masasamang elemento.

Kuha ni Brian Paolo Castillo at Alyssa Mananquil

 

 

 

Last updated: Sunday, 18 July 2021