EDSA: Rebolusyong Nakaukit sa Pusong Pinoy

EDSA: Rebolusyong Nakaukit sa Pusong Pinoy

Isinagawa ng Edsa People Power Commission ang kauna-unahang Experiential Museum noong Ika 25-26 ng Pebrero sa Camp Aguinaldo.

Tunay na hindi nakakalimot ang bawat Pilipino sa pangyayaring nagpabago sa ikot ng kasaysayan ng ating bansa. Patunay na riyan ang pagbuo ng EDSA 30 Experiential Museum sa pangunguna ng EDSA People Power Commission na naglalayong muling balikan ang mapapait at magandang kwento sa pamamagitan ng pagpasok sa mga bulwagan o kwarto na talaga namang ibabalik ka sa kasaysayan.  Ito’y binubuo ng siyam na kwarto na may kanya-kanyang kwento at pagpapakahulugan noong bago, habang at pagkatapos ng EDSA Revolution.

DSC_7298
Photo Courtesy of EDSA People Power Commission
DSC_7393
Photo Courtesy of EDSA People Power Commission

Ang mga kwarto ng lungkot at luha

Ang unang bahagi ay tinawag nilang Hall of Restless sleep. Dito, bubungad sa’yo ang mga black and white video footages ng pagdedeklara ni Pangulong Marcos ng Martial Law at mga taong nakahiga na may piring sa kanilang mga mata. Piring na sumisimbolo sa simula ng pambubulag sa karapatan ng bawat Pilipino. Sa iyong pagpapatuloy, makakarating ka sa madilim na kwarto ng Hall of False Dream. Kapansin-pansin sa madilim na kwartong ito ang maliliit na butas at rinig ang ingay ng mga taong nagsasaya kasabay ang tugtuging pangsayaw, ang kantang “Dahil Sa Iyo” na paborito ni Imelda Marcos. Sa sobrang pagtataka, mapapasilip ka sa mga butas at makikita mo ang kasiyahan o sayawan ng mga taong may magagarang kasuotan na tila walang pakialam sa tunay na lagay sa kanilang paligid. Dadalhin ka naman sa susunod na kwarto ng Hall of Orphans at sasalubong sayo dito ang mga batang hawak ang larawan ng kanilang mga nawalang magulang. Nasa likod sila ng matatalas na barbed wire at sa iyong paglalakad, tatanungin ka ng mga batang ito kung nakita mo ang kanilang nawawalang magulang. Sa susunod na kwarto magugulat ka sa samu’tsaring larawan na nakadikit sa apat na sulok na pader. Ito ang mga larawan ng mga taong naglaho na parang bula sa ilalim ng Pamahalaang Marcos.

DSC_7381
Photo Courtesy of EDSA People Power Commission
DSC_7357
Photo Courtesy of EDSA People Power Commission

Ang mga kwarto ng hinagpis at pasakit

Hindi pa natatapos diyan ang lahat. Mga upuan ng mga estudyanteng aktibista na may mga nakaukit at nakasulat naman ang makikita mo sa Hall of the Lost. Mga estudyanteng lumaban umano sa pamahalaan at bigla ring naglaho. Pagkatapos mo makita ang mga ito, mapapanood mo ang maikling dula sa Hall of Pain. Sadistang pagpapasakit at pang-aabuso sa mga taong humaharang at tumataliwas sa gobyerno ang dulang makikita mo rito. Mapapaiyak at manlulumo ka sa sinapit ng apat na martir sa Hall of Forgotten Martyrs. Sa kwartong ito, may apat na taong nakatayo sa apat na sulok ng kwarto at isa-isa silang magbabahagi ng kanilang kwento at sinapit para ipaglaban ang kanya-kanyang karapatan at adhikain.

DSC_7346
Photo Courtesy of EDSA People Power Commission

Ang mga kwarto ng Bagong pag-asa

Matapos ang mga malalagim na kwento sa mga naunang kwarto, dadako ka na sa Hall of Awakening at maririnig mo rito ang kantang  “Bayan Ko” kasabay ang tunay na pagpapakita sa sitwasyon noong EDSA Revolution. Mga naglalaglagang yellow confetti, pagsasaboy ng water cannons, kapitbisig na pakikibaka, mga taong namimigay ng bulaklak sa sundalo, at tangkeng ginamit upang ipangharang at takutin ang mga nagpoprotesta. Isang tore ng pinagsamang maliliit na hugis bulaklak na papel ang makikita sa gitna ng Hall of Reaty at mga malalaking larawan sa kaganapan noong EDSA Revolution. Ang pinakahuling bahagi ng experiential museum na ito ay ang Hall of Action.  Unang bubungad sayo rito ang projected video ni Jose Rizal na magbibigay aral at kahulugan ng isang rebolusyon. Pagkatapos nito, biglang lalabas ang isang hologram ni Pangulong Aquino na nagbibigay ng kanyang talumpati ukol sa isang di malilimutang kasaysayan. Laman nito ay mga puna at hamon sa ating mga Pilipino para sa nakaraan at hinaharap. Binigyan diin din niya  ang sinabi ng isang philosopher na si George Santayana, “Those who cannot remember the past are condemned to repeat it”

DSC_7428
Photo Courtesy of EDSA People Power Commission

‘Ika nga ni Jose Claro, miyembro ng Edsa People Power Commission at isa sa mga organizer ng Experiential Museum, “‘pag tinuro sa kanila [kabataan] ang kasaysayan sa isang napakagandang paraan, ma-re-realize nila ang katotohanan.”  Maituturing na isang tagumpay ang pag-oorganisa nitong experiential museum na naghatid ng aral  at muling pagpapaalala sa ating mga Pilipino ng isang kasaysayang  nagbigay sa atin ng kalayaan at tunay na kahulugan ng demokrasya. Kahit 30 taon ang nakakaraan, patuloy na inuukit sa atin ang importansya nito lalong lalo na sa mga kabataan. Ang pangyayaring ito ay magsisilbing paalala na tumayo at laging may liwanag sa gitna ng dilim kung tayo’y kikilos na mapayapa at tama.


`

The Benildean Press Corps © 2017 . All Rights Reserved