Hulascope: Panibagong Pagsibol

Hulascope: Panibagong Pagsibol

Sabi ng nakararami, Enero ang buwan ng pagbabago. Kaya nama’y hindi maikakaila ang lakas ng loob na ating tinataglay sa tuwing papasok ang unang buwan ng taon; lakas ng loob na nagtutulak sa atin sa panibagong yugto. Dagdag pa rito ang matapang na islogan ng ating pamahalaan na “Change is coming.”

Ngunit kaakibat ng pagbabagong ito sa ating lipunan ay ang pagbabago na dapat magmula sa ating sarili. Ang pagbabagong ito ay maaring ibahin ang direksyon o ikot ng ating mundo at kapalaran. Sa pagsisimula ng bagong taon, tuklasin ang mga masuwerteng bagay at kaganapan na haharapin mo.

Illustration by Trina Pagtakhan

Aquarius (January 20 – February 18)

Maraming lalapit upang maging kaibigan ka ngunit simulan mong salain silang mabuti dahil ang mga tunay na kaibigan ang siyang magbibigay inspirasyon at direksyon sa oras ng kagipitan. Suwerteng numero ay 24, 2, 37, 19. Suwerteng OPM song ay “Anak” ni Freddie Aguilar. Pananggalang prutas ngayong buwan: Mangga

Illustration by Trina Pagtakhan

Pisces (February 19 – March 20)

Tumataginting na grado ang dala ng mga bagong propesor mo ngayong termino. Maging mabait at iwasan gumawa ng mali dahil sila ang sandalan mo ngayong buwan. Suwerteng numero ay 38, 11, 21, 5. Suwerteng OPM song ay “Paraiso” ng Smokey Mountain. Pananggalang prutas ngayong buwan: Rambutan

Illustration by Trina Pagtakhan

Aries (March 21 – April 19)

Dahil lapitin ka ng sakit, iwasan muna ang mga kinaaadikang bagay ngayon buwan, lalong-lalo na ang alak dahil magdadala ito ng hindi maganda sa katawan. Sa halip, mag pokus sa ibang bagay dahil mahahanap mo dito ang isang malaking oportunidad. Suwerteng numero ay 2, 32, 27, at 18. Suwerteng OPM song ay “Laklak” ng Teeth. Pananggalang prutas ngayong buwan: Abocado

Illustration by Trina Pagtakhan

Taurus (April 20 – May 20)

Kung ang nakaraang taon mo ay puno ng mga hindi sinasadyang pagkakamali, mainam na simulan mo ngayong buwan na ituwid ang mga ito. Daan din ito upang matagpuan mo na ang mga oportunidad na naghihintay sa’yo.

Suwerteng numero ay 10, 15, 31, at 27. Suwerteng OPM song ay 214 ng Rivermaya. Pananggalang prutas ngayong buwan: Mansanas

Illustration by Trina Pagtakhan

Gemini (May 21 – June 20)

Ang nagdaang taon ay nagdulot sa iyo ng maraming gawain at magulong iskedyul kung kaya ay dapat mong gawing mas organisado at handa ang iyong sarili lalo na sa buwan na ito. Huwag hayaang mawala at masira ang mga oportunidad at responsibilidad na nakakabit sa’yo.

Suwerteng numero ay 3, 30, 10, at 4. Suwerteng OPM song ay Alapaap ng Eraserheads. Pananggalang prutas ngayong buwan: Dalandan

Illustration by Trina Pagtakhan

Cancer (June 21 – July 22)

Sa buwang ito ay kinakailangan mong alamin ang mga importanteng bagay para sa’yo at maglaan ng oras para rito. Iwasan ang pag-aaksaya ng panahon sa mga bagay na walang magandang maidudulot.

Suwerteng numero ay 45, 27, 11, at 19. Suwerteng OPM song ay Umagang Kay Ganda nina Tillie Moreno at Ray-Ann Fuentes. Pananggalang prutas ngayong buwan: Ubas

Illustration by Trina Pagtakhan

Leo (July 23 – August 22)

Kung noon ay hinahayaan mo lamang ang mga tao sa buhay mo na samantalahin ka, lalo na ang iyong mga kahinaan, panahon na upang talikuran sila at matutong tumayo sa sariling mga paa. Palakasin pa ang iyong loob at magtiwala sa sarili.

Suwerteng numero ay 47, 26, 13, at  2. Suwerteng OPM song ay Hold On ng Side A. Pananggalang prutas ngayong buwan: Mangga

Illustration by Trina Pagtakhan

Virgo (August 23 – September 22)

Hindi naman masama ang pagiging palaging mabait sa mga taong nakapalagid sa’yo. Ngunit, siguraduhing hindi ka lamang nila ginagamit para sa pansariling kapakanan. Gamitin ang boses at ipaalam sa kanila na ang pang-aabuso sa kabaitan ng iba ay hindi nararapat.

Suwerteng numero ay 35, 21, 17, at  4. Suwerteng OPM song ay Buloy ng Parokya Ni Edgar. Pananggalang prutas ngayong buwan: Saging

Illustration by Trina Pagtakhan

Libra (September 23 – October 22)

Tanggalin ang anumang hinanakit at poot sa iyong puso at huwag na baunin pa sa buwang ito. Hindi ito makabubuti sa sarili lalo na sa mga taong patuloy na nagmamahal sa’yo. Mainam na salubungin ang buwan ng Enero na may galak at pag-asa sa bawat araw.

Suwerteng numero ay 8, 23, 31, at 46. Suwerteng OPM song ay Di Bale Na Lang ni Gary Valenciano. Pananggalang prutas ngayong buwan: Makopa

Illustration by Trina Pagtakhan

Scorpio (October 23 – November 21)

Iwasan na ang pagsisimula ng mga walang kabuluhang argumento sa pagitan mo at ng iyong mga kaibigan o kakilala. Matutong unawain muna ang kanilang saloobin bago magsalita at gumawa ng hakbang.

Suwerteng numero ay 19, 13, 42, at 22. Suwerteng OPM song ay Antukin ni Rico Blanco. Pananggalang prutas ngayong buwan: Lansones

Illustration by Trina Pagtakhan

Sagittarius (November 22 – December 21)

Bagamat naitawid mo ang nakaraang taon sa kabila ng iyong pagiging magastos, hindi nangangahulugan na dapat mong ipagpatuloy iyan sa pagsalubong ng bagong taon. Simulan sa paunti-unting pag-limita ng mga binibili nang sa ganoon ay makapag-ipon ka pa para sa mga bagay na talagang kinakailangan mo. Iwasan na ang palagiang paglalahad ng palad sa iyong mga magulang.

Suwerteng numero ay 8, 4, 20, at 14. Suwerteng OPM song ay Huwag Mo Nang Itanong ng Eraserheads. Pananggalang prutas ngayong buwan: Langka

Illustration by Trina Pagtakhan

Capricorn (December 22 – January 19)

Laging tandaan na ang mainitin na ulo ay walang magandang maidudulot. Huwag masyadong magpaka-stress sa mga gawain sa paaralan at problema sa buhay (o lovelife). Matutong magpahinga at pakawalan ang mga negative vibes sa isip. Malay mo ay magbunga ang pagbabagong ito ng mga oportunidad para sa iyo.

Suwerteng numero ay 14, 33, 49, at 7. Suwerteng OPM song ay Ewan ng Apo Hiking Society. Pananggalang prutas ngayong buwan: Kalamansi


`

The Benildean Press Corps © 2017 . All Rights Reserved