Himig ng mga Puso

Himig ng mga Puso

Nitong ika-labingtatlo hanggang ika-labinglima ng Pebrero, matagumpay na itinanghal nina Zuela Herrera, Jonel Revistual, at ng Coro San Benildo ang HHV8 SERMONEM: Mga Bulong ng Panahon kung saan nagpakitang gilas ang Coro at ilang miyembro ng Words Anonymous sa galing nila sa pag-awit at pag-tula.

Ang pagtatanghal na ito ay hindi lamang para sa mga pusong nasaktan, ngunit para din sa mga pusong patuloy na lumalaban para sa inang bayan.

Kuha ni Patricia Oliveros

“Mga Pusong Nasaktan”

Para sa mga taong nagmahal, nasaktan, nasugatan, at pilit na bumabangon,  nakatulong makalimot sa sakit na naranasan ang bawat awitin ng mga nagtanghal. Walang kibo ang mga kuliglig, tumigil sa pagkumpas ang mga sanga, nanahimik ang buong kalawakan upang makinig sa mga awitin at mga tulang itinanghal. Nabawasan ang bigat na iyong nadarama pati na rin ang bigat ng iyong nakaraan na pilit ka pa ring sinasaktan habang pinakikinggan mo ang awitin, mga tula, ang bawat salita, ang bawat pagtaas at pagbaba. Nabawasan ang nginig sa iyong tuhod na pagod na pagod na sa pilit na pagtakbo sa iyong mga nakaraan, babalik ang sigla ng iyong mga paa. Nanaisin na nito na kalimutan na ang nakaraan at patuloy nang maglakad patungo sa panibagong yugto ng buhay.

Laging tatandaan na hindi ka nag-iisa; ang mga tao sa paligid mo ay naghahanap din ng mga sagot. Sagot sa kanilang mga paano, kailan, kanilang mga sino at saan, mga sagot para mga mapait at masakit nilang nakaraan. Natuklasan sa mga awitin at mga tula na itinanghal, ang sagot kung bakit kayo pinagtagpo kung hindi rin naman pala kayo tinadhana.

“Bayan ni Juan”

Gaya nang nabanggit kanina, ang Sermonem ay hindi lamang patungkol sa mga pusong nasaktan at naghahanap ng sagot sa kanilang mga “bakit.” Patungkol din ito sa pagiging makabayan ni Juan. Tungkol ito sa hirap na dinaranas ng bayan ni Juan. Ang mga hindi makatarungang pagpatay sa kanyang mga kababayan. Nais ng mga nagtanghal maiparating sa mga manonood na dapat mas bigyan ng pansin ang mga isyu gaya ng kahirapan, gutom, kawalan ng matitirhan, kakulangan sa trabaho, extrajudicial killings,  at iba pa. Bilang isang mamamayan ng lupang hinirang, hindi lamang sa kanta, pati na rin sa lupang kinatatayuan. Ang pag-asa ay hindi pantasyang nasa mga palad ng kabataan, ang pag-asang makabangon ang bayan ni Juan ay nasa kanya mismo kung pipiliin nito ang tamang landas sa pag-unlad. Sa kabila ng hirap na nararanasan at sa kakulangan ng katarungan ay may pag-asa pa rin na makabangon muli si Juan.

Sa gitna ng mga pagsubok, hindi nakalimutan ni Juan ngumiti at maging matatag sa gitna ng hirap at sakit na dala ng sarili niyang mga kababayan.


`

The Benildean Press Corps © 2017 . All Rights Reserved