Hulascope: Pagsubok at tagumpay

Hulascope: Pagsubok at tagumpay

Parte na ng ating buhay ang mga pagsubok. Gaano man kaliit, kalaki, o walang kasiguraduhan kung kailan masosolusyunan, ang importante’y mapagtatagumpayan din ang mga ito. Ngayong Agosto, alamin ang mga pagsubok at  tagumpay hatid ng Hulascope na ito.

Aquarius (January 20 – February 18)

Dibuho ni Francis Tadeo

Panahon na para ipahinga mo ang iyong utak sa labis na emosyong naibuhos mo sa mga bagay na iyong pinagtuunan ng pansin. Kung magsisikap ka, magkakaroon ka ng mas maraming oras para sa sarili mo. Ngayong buwan, uso ang pagtitiis pero pwede namang magpahinga.

Suwerteng numero: 1, 4, 18

Suwerteng panghimagas: Bibingka

Pisces (February 19 – March 20)

Dibuho ni Francis Tadeo

Huwag mong ubusin ang oras mo sa kakatambay sa bar o computer shop. Itago mo ang lahat ng iyong naipon dahil kakailanganin mo iyan ngayong buwan. Maaaring mawalan ka ng pera sa daan kaya mag-ingat ka.

Suwerteng numero: 9, 10, 22

Suwerteng panghimagas: Pastilyas

Aries (March 21 – April 19)

Dibuho ni Francis Tadeo

Mataas ang grado mo ngayong termino kaya naman pasalamatan mo ang mga taong nagbigay sa’yo ng inspirasyon sa pamamagitan ng panlilibre, lalo na’t mura lang naman ang silog sa Sinangag Express.

Suwerteng numero: 15, 21, 27

Suwerteng panghimagas: Suman

Taurus (April 20 – May 20)

Dibuho ni Francis Tadeo

Nakaraos ka na sa mahihirap na asignaturang nakuha mo kaya naman makakaraos ka na rin sa paglimot sa taong paramdam nang paramdam pero wala namang napapatunayan sa’yo.

Suwerteng numero: 6, 14, 18

Suwerteng panghimagas: Turon

Gemini (May 21 – June 20)

Dibuho ni Francis Tadeo

Literal na madadapa ka nang madalas sa kalsada pero masaya ka pa rin dahil marami namang magandang balita ang darating sa’yo; gaya ng pag-chat sa’yo ng long-time crush mo. Lingid sa iyong kaalaman, yung kaibigan mo ang gusto niya.

Suwerteng numero: 4, 11, 19

Suwerteng panghimagas: Halo-halo

Cancer (June 21 – July 22)

Dibuho ni Francis Tadeo

Ikaw ang dahilan kung bakit may isang taong hindi makaraos. Kung gusto mong maging maluwag ang buhay mo ngayong buwan, maging totoo ka sa sarili mo at aminin ang dapat mong aminin.

Suwerteng numero: 2, 18, 41

Suwerteng panghimagas: Puto

Leo (July 23 – August 22)

Dibuho ni Francis Tadeo

Ipasa ang mga dapat ipasa, sabihin ang gustong sabihin, pakawalan ang dapat pakawalan. Huwag mong ikulong ang sarili mo sa bagay na walang kasiguraduhan. Huminga ka nang malalim at akapin ang mga taong totoong nagbibigay sa’yo ng halaga.

Suwerteng numero: 7, 17, 27

Suwerteng panghimagas: Leche Flan

Virgo (August 23 – September 22)

Dibuho ni Francis Tadeo

Mayroon kang kayang patunayan ngunit hindi mo ito kailangang madaliin. Kung bibilisan mo ang proseso, maaaring ito pa ang makasira sa’yo. Lumabas ka kasama ang mga kaibigan at pamilya mo. Kausap ang kailangan mo.

Suwerteng numero: 8, 12, 13

Suwerteng panghimagas: bilo-bilo

Libra (September 23 – October 22)

Dibuho ni Francis Tadeo

Malapit ka nang matapos sa pag-aaral kaya higpitan mo pa ang kapit mo. Sanay ka namang sumakay sa MRT/LRT kaya alam ng lahat na mandirigma ka. Hindi naman masama kung bumagsak ka sa ilang asignatura; ang mahalaga ay ginagawan mo ito ng paraan upang maayos.

Suwerteng numero: 5, 20, 35

Suwerteng panghimagas: Maja Blanca

Scorpio (October 23 – November 21)

Dibuho ni Francis Tadeo

Ingatan mo ang cellphone mo dahil ngayong buwan ay may estrangherong hihingi ng numero mo. Hindi ka niya gusto, sawi lang siya kaya humahanap siya ng panakip-butas. Huwag ka masaktan sa katotohanang ito dahil hindi ka nararapat sa mga ganitong tao.

Suwerteng numero: 15, 32, 47

Suwerteng panghimagas: Maruya

Sagittarius (November 22 – December 21)

Dibuho ni Francis Tadeo

Kakatapos lang ng termino kaya naman marami ka ng panahon para kitain ang mga kaibigan mo. Makipag-usap ka sa kanila dahil maaaring ang isa sa kanila ay nangangailangan ng tulong mo.

Suwerteng numero: 22, 33, 48

Suwerteng panghimagas: Palitaw

Capricorn (December 22 – January 19)

Dibuho ni Francis Tadeo

Mananalo ka ng concert ticket pero hindi mo gusto ang performer. Ngayong buwan, mahihirapan kang makuha ang mga gusto mo. Maghintay ka na lang ulit sa susunod na buwan, baka sakaling ‘yon ang maging swerte mong buwan.

Suwerteng numero: 1, 5, 9

Suwerteng panghimagas: Kalamay

Masarap kalimutan ang karanasang naging mapait at masayang balikan ang karanasang naging maganda. Alin man sa dalawa, malalampasan mo rin ang mga ito. Hindi naman kailangang magmadali lalo na’t ang lahat ng bagay ay may proseso. Tibay ng loob at tiwala lang sa sarili ang sandata na kailangan mo upang mapagtagumpayan ang bawat araw na dadating sa’yo.

Isinulat ni MJ Viray


`

The Benildean Press Corps © 2017 . All Rights Reserved