What’s your wika, pare?

What’s your wika, pare?

Alamin ang epekto sa Wikang Filipino ng pag-usbong ng mga salitang ‘lodi,’ ‘petmalu,’ ‘werpa,’ at iba pa.

“Werpa, mga lodi!”––ito ang mga katagang kumakalat sa Facebook ngayon, maging sa araw-araw na usapan ng kabataan. Ang mga salitang binabaliktad katulad ng “werpa” na hango sa salitang Ingles na “power,” “lodi” mula sa “idol,” at “petmalu” na binaliktad na “malupit,” ay ilan lamang sa mga bunga ng paggamit ng word play. Sa kabila ng kasikatan ng nauusong pananalita, ano nga ba ang mga positibo at negatibong epekto nito sa ating wika?

“Saan kayo galing, mga repapips?”

Muling lumabas ang mga salitang binabaliktad dahil sa isang Facebook group na “What’s your ulam pare?” Dito mababasa ang slang gamit ang mga salitang lodi, werpa, “lamu (ulam),” atbp. Ang mga miyembro ng nasabing online group ay nagpapaskil ng litrato ng kani-kanilang mga ulam o pagkain, kasama ang mensahe para sa mga mambabasa gamit ang mga slang na ito.

Sa isang panayam ng The Benildean kay G. Roy Rene S. Cagalingan, isa sa mga kawani ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ginagamit na sa lansangan noon pang dekada ‘60s hanggang ‘70s ang pagpapalit ng pantig sa mga salita. Masasabing ito ang kapanahunan ng ating mga magulang na tinatawag ding “ermat” para sa nanay (mula sa salitang Latin na mater) at “erpat” para sa tatay (mula sa salitang Latin na pater).

Ilan sa mga salitang ito ay “nosi” o sino (na pinasikat ng bandang Sampaguita sa awiting Nosi Balasi), “amats” o tama (na tumutukoy sa pagkalasing), “yosi” para sa sigarilyo, “jeproks” na hango sa “project,” patukoy sa mga nakatira sa government housing projects sa Quezon City, at marami pang iba.

Ayon naman sa pananaliksik na pinamagatang “Emergence of the Faithful by Consonant Copying in a Tagalog Language Game” ni Richard Stockwell, isang dalubwika mula sa University of California, Los Angeles, mayroong pormula sa paggawa ng mga salitang pabalbal na ito sa pamamagitan ng paghalinhin ng unang kataga at paglagay nito sa may hulihang bahagi.

Pinag-aralan ni Stockwell ang paglalaro sa mga salita dito sa Pilipinas na kung tawagin ay “Tadbaliks.” Isang simpleng paliwanag mula sa pananaliksik na ito ang pagbabaliktad ng huli at unang pantig sa isang salita, kung saan ang huling pantig ay kadalasang nag-uumpisa sa isang katinig.

Pag-unlad ng Wikang Filipino

Ayon sa manunulat na si Bb. Beverly Siy, o mas kilala bilang si Bebang Siy sa kaniyang mga akda, ang ganitong klaseng word play ay nagdudulot ng mas maraming positibong epekto kaysa sa mga negatibo.

“Nate-test ‘yung imagination nila [at] nate-test ‘yung power nila to play with words. Kasi kapag nilalaro mo ‘yung mga salita, pinapakita mo kung paano mo ginagamit ‘yun sa pagiging malikhain mo,” ani Siy.

Ayon din sa magkahiwalay na panayam kila Cagalingan at Siy, ang slang na ito ay maituturing na codes na naiintindihan lamang ng isang piling grupo o henerasyon. Isa raw itong natatanging bond o samahan ng magkapareho ng henerasyon dahil malaking bahagdan ng gumagamit nito ay ang magkakaedad. Dagdag ni Siy, “Pinapakita nitong pagbabaliktad ng salita na alam ng kabataan kung ano ‘yung rule sa words kaya nababaliktad nila.”

Ngunit, pangamba ni Siy na sa muling pag-usbong ng mga salitang ito ay maaaring tumatak sa isipan ng susunod na henerasyon na iyon mismo ang orihinal na yari ng mga slang na ito, nang hindi natutukoy ang tunay na etimolohiya o pinagmulan ng mga nabanggit na salita. Kung mali ang makagisnan ng mga taong lantad sa paggamit ng mga ito, ang maaaring kalabasan ay ang paggamit ng salitang napag-iisa gaya ng ‘pa’ at ‘rin’ na nagiging ‘parin’, ‘na’ at ‘lang’ na nagiging ‘nalang’ at marami pang iba, na siyang nakasanayan na lamang ng parating gumagamit nito.

Ayon kay Siy, personal na impresyon lamang ng ibang tao ang pag-iisip na nakakabastos sa wika ang paggamit ng mga ito.

“Akala ng iba na nababastos ‘yung wika. May ganoong impression, na nababastos ‘yung language kapag ito ay binabaliktad at pinaglalaruan. Pero impresyon lang ‘yun,” ani Siy.

Ang negatibong aspekto nito ay ang paglaki ng puwang o halaga sa pagitan ng Wikang Filipino sa Wikang Ingles dahil hindi tayo masyadong pamilyar sa pagba-bastardize o pagba-balbal ng wikang Ingles. Ang mga panatiko ng Wikang Ingles ay mas hantad sa pormal at rebisado nang mga akda, na siya ring nagagamit sa araw-araw na pananalita, kaya ganoon na lang kataas ang tingin sa wikang ito.

Kabataan para sa paglinang ng Wikang Filipino

Nais ng KWF na palawakin ang mga salita sa diksiyonaryong Filipino at tanggalin ang bias na puros mga Tagalog na salita lamang ang kasama rito. Matutukoy natin na ang pagpasok ng mga salitang ito mula sa kabataan ay ang posibleng pagkakalahok ng mga ito sa opisyal na diksiyonaryo ng Wikang Filipino.

“Kung ganito kasigla ‘yung partisipasyon ng kabataan sa pagpasok ng mga slang, sana para magkaroon din sila ng kamalayan na siyempre ‘yung mga kabataan ay hindi lamang taga-Maynila, [nariyan din] ‘yung mga kabataang Cebuano, kabataang Bisaya, kabataang nasa Bicol [o sa] Mindanao…mag-participate din sila na ipasok ‘yung salita nila sa Filipino, tungo sa mas malawak pa [at] mas malalim pang diskurso,” ani Cagalingan.

Dagdag ni Cagalingan, “Nandito na tayo sa punto na nililinang pa natin lalo ‘yung Wika.” Ito ay nangangahulugan lamang na ang pagsulpot ng mga salitang ito ay hindi dapat pagtaasan ng kilay dahil senyales ito ng patuloy na pagyaman at pag-unlad ng ating Wika.

Ngayong ramdam ang marahil na pagkakawatak-watak at pagkakaiba ng paniniwala sa mga isyu sa Pilipinas, nagsisilbing sagisag ng pagkakaisa ng isang henerasyon ang paggamit ng mga salitang ito. Maaaring lingid sa kaalaman ng marami na habang ginagamit ito sa impormal at virtual na talastasan ay lalong napauunlad at napalalawak ang Wikang Filipino.

Kuha ni Sace Natividad at Kyle Bustos


`

The Benildean Press Corps © 2017 . All Rights Reserved