Hulascope: Panibagong simula

Hulascope: Panibagong simula

Sa pagpasok ng 2018, maraming panibagong simula ang haharapin ng bawat isa. Huwag mag-alala; narito ang Hulascope ngayong Enero upang maging gabay.

Ang pagtatapos ng 2017 ay hudyat ng pagtutuldok sa mga dating nakagawian. Hatid ng unang buwan ng bagong taon ang mga panibagong simula sa ating buhay. Ano ang mga ito at ano ang dapat na gawin? Tuklasin natin ang mga kasagutan sa tulong ng kalawakan.

Capricorn (December 22 – January 19)

Dibuho ni Jazz Solomon

Capricorn, ngayong buwan ay makakaugalian mong magsarili at magkimkim dahil sa takot na magkamali at dahil sa iyong mataas na pride. Ito na ang tamang panahon para harapin ang realidad, magpakatotoo sa sarili, at tanggapin ang iyong mga pagkakamali upang maiwasto na ang mga ito dahil hindi mo maiiwasan ang iyong mga problema habang buhay. Hindi mo mahaharap ang mga pagsubok nang mag-isa, ngunit gaganda ang relasyon mo sa iyong mga kaibigan ngayong buwan at matutulungan ka nila sa iyong mga problema at maging mas matatag ang iyong paniniwala sa sarili.

Kanta ngayong buwan: Self-made – Bryson Tiller

Aquarius (January 20 – February 18)

Dibuho ni Jazz Solomon

Magkakaroon ka ng mga bagong karanasan ngayong buwan, Aquarius. Magkakaroon ng panahon kung saan magiging sanhi ang mga pagbabagong iyong haharapin upang pag-isipan mo nang maigi ang iyong mga plano at hangarin sa buhay at pakikitungo sa iyong mga kakilala. Maniwala sa iyong sarili at wag mag-overthink. Magiging mas pursigido ka sa iyong mga gawain ngayong buwan at magtatagumpay ka. Ngunit pagdating sa pera ay magwawagi ka lamang kung mapagtatanto mo ang kahalagahan nito at mas seseryosohin ang pagtitipid at pag-iipon. Kung mayroong mga bagay na ikaw ay in denial pa ay panahon na upang harapin ang mga ito. Magandang oportunidad ito upang maglahad ng lihim at saloobin. Kung may nagtapos man sa iyong buhay at naging sanhi ito ng iyong kalungkutan ay magiging maayos din ito sa madaling panahon. Makabubuting ikaw ay mag-move on na dahil maraming magagandang bagay ang naghihintay sa iyo sa hinaharap.

Kanta ngayong buwan: American Teen – Khalid

Pisces (February 19 – March 20)

Dibuho ni Jazz Solomon

Magiging sensitibo ka ngayong buwan, Pisces, kaya ang buwan na ito ay tungkol sa pagtuon sa iyong sarili at pag-iingat. Magiging mas organisado ka ngayong buwan at magiging maganda ang epekto nito sa iyong mga plano at minimithi sa buhay. Huwag magpadalosdalos sa mga balak gawin at pag-isipan ang mga ito nang mabuti. Makakakamit ka ng kaunlaran ngunit di sapat ang pagtatrabaho nang maigi, kailangang maging mas bukas pa ang iyong isipan dahil hindi parating ikaw ang tama. Maging bukas ang isipan dahil na rin sa magiging maganda ang takbo ng iyong pakikipagkaibigan ngayong buwan; hindi dahil sa saya na dulot nito, kundi dahil sa tulong na maiaambag nila sa iyong buhay. Maging bukas ang isipan ngunit mag-ingat din sa mga pagkakatiwalaan.

Kanta ngayong buwan: Same Ol’ Mistakes – Rihanna

Aries (March 21 – April 19)

Dibuho ni Jazz Solomon

Walang makakapigil sa’yo ngayong buwan, Aries. Ngayong buwan ay masosolusyunan mo ang mga problemang iyong nagpatutuunan ng pansin. Mas magpupursigi ka at mamahalin mo ang iyong trabaho at makakatanggap ka ng papuri dahil ikaw ay magiging kapansinpansin sa iyong mga gawain. Maaaring may gusto kang baguhin sa iyong nakagisnan ngunit ika’y makakapag-adapt agad, magiging assertive ka sa iyong mga pinaplano at dahil dito ay magiging lider ka ng iyong grupo. Sa kabila ng pamumuno ay baka maramdaman mo ang bigat ng iyong responsibilidad kung hindi ka manghihingi ng tulong sa iba. Matatag nga ang iyong loob, ngunit huwag kalimutang bigyang pansin ang iyong saloobin dahil hindi mo ito palaging maiisantabi na lamang.

Kanta ngayong buwan: Applause – Lady Gaga

Taurus (April 20 – May 20)

Dibuho ni Jazz Solomon

Maaaring makamit mo ang pagbabagong nais mong mangyari ngayong buwan, Taurus. Makakamit mo ito dahil sa mga natutunan mo sa mga iyong mga karanasan sa nakaraan at mas nakilala mo na ang iyong sarili. Gusto mong baguhin ang mga taong malapit sa’yo; maiintidihan ka nila sa gusto mong sabihin at maaaring matuto sila mula rito, ngunit kailangan mo ring magkompromiso at pakinggan din sila sa gusto nilang sabihin. Maaaring nahihirapan ka rito dahil sa hirap kang magtiwala sa iba. Grounded ka ngayon ngunit nais mong maging mas malaya at gawin lahat ng gusto mong gawin. Maaaring may nakamit ka noong nakaraang taon, ngunit hindi ka pa kuntento dahil sa mas mataas pa ang iyong inaasahang mangyari o dahil sa mataas mong pamantayan o standards.

Kanta ngayong buwan: Distraction – Kehlani

Gemini (May 21 – June 21)

Dibuho ni Jazz Solomon

May mga katotohanang mabubunyag ngayong buwan na mahihirapan kang tanggapin, Gemini. Maaaring maging sanhi ito ng pagbabago sa iyong buhay ngunit huwag itong i-overanalyze at intindihing mabuti ang nangyari dahil may rason kung bakit ito nangyari sa’yo. Maaaring ika’y maging masyadong apektado sa pangyayaring ito dahil sa iyong masyadong idealistiko at hindi makatotohanang pag-iisip, ngunit huwag magalala dahil para rin ito sa iyong ikabubuti sa hinaharap. Pagtuunan na lamang ng pansin ang iyong pag-aaral o trabaho at maaari pang ika’y makatulong sa ibang tao dahil sa iyong mga kaalaman. Ito na ang panahon upang kalimutan ang mga nangyari sa nakaraan upang bigyang daan ang maturity at pagbabagong inaasam. Ipagpatuloy ang iyong curiosity at dadalhin ka nito sa mga bagong karanasan.

Kanta ngayong buwan: Somebody That I Used to Know – Gotye

Cancer (June 20 – July 22)

Dibuho ni Jazz Solomon

Marami kang mapagtatanto sa pagpasok ng buwan, Cancer. Pagtutuunan mo ng pansin ang mga maliliit na bagay na hindi pansin ng karamihan, ngunit maaaring makaligtaan mong tingnan ang mga sitwasyon sa mas malawak na perspektibo. Sa dami ng iyong iniisip at sa kagustuhang maging balanse ang lahat ay maaaring mahirapan kang gumawa ng mga importanteng desisyon. Huwag magpadala sa emosyon ngayong buwan at mag-ingat sa pagsusuri ng mga bagay at baka magbukas pa ito ng mga panibagong problema. Relaks ka lang at huwag masyadong seryosohin ang mga mangyayari ngayong buwan.

Kanta ngayong buwan: Dreams – Beck

Leo (July 23 – August 22)

Dibuho ni Jazz Solomon

Magiging kawiliwili ang buwan mo, Leo. Ang buwan na ito ay magandahang panahon para sa pagbubuti ng iyong sarili. Maaaring matuloy ang mga gusto mong mangyari ngayong buwan kung ikaw ang magkukusang magplano o magsimula nito. Gagawin mo ang lahat upang makuha mo ang iyong gusto, kahit pa kinakailangang gawin ito sa maruming paraan. Magtutugma naman ang mga ito at ang lahat ay tatakbo ayon sa iyong pinagplanuhan. Magandang sundin mo ang iyong mga resolusyon para sa bagong taon, hindi ka man lubusang masisiyahan sa gagawin ay maaaring mapanindigan mong gawin ang mga ito ngayong buwan. Magtiwala rin sa iyong mga hinala ngayong buwan at mataas ang tiyansang tama ang mga ito.

Kanta ngayong buwan: Confident – Demi Lovato

Virgo (August 23 – September 22)

Dibuho ni Jazz Solomon

Di mo mapipilit lahat ng nasa iyong mga plano ngayong buwan, Virgo. Masyado mong gustong ayusin at pagplanuhan ang lahat ng bagay sa iyong buhay, ngunit ang ganitong makitid na pag-iisip ay hindi makabubuti para sa’yo o para kanino man. Masisimulan mo lamang maging masaya ngayong buwan kung iyong mapagtatanto na hindi lahat ng bagay ay aayon sa iyong mga pinagplanuhan. Maging bukas sa mga pagbabagong mangyayari dahil maraming mangyayari ngayong buwan na iyong ikatutuwa, lalo na sa pag-ibig. Marahil masyado mong tinutuon ang iyong sarili sa pagbubuti ng iyong buhay at nakalimutan mo nang maging tao lamang. Dahil ba ito sa iyong pride? O sa takot na may mawala sa iyong buhay? Ano man ang iyong saloobin ay masosolusyonan kung magiging mas bukas lamang ang iyong pag-iisip.

Kanta ngayong buwan: Sorry – Beyoncé

Libra (September 23 – October 22)

Dibuho ni Jazz Solomon

Take your time ngayong buwan, Libra. Maraming mahalagang impormasyon ang makakarating sa’yo at maibabahagi mo sa iba. Maaaring muling magbigay tanaw ka sa mga nangyari sa nakaraan dahil attached ka pa rin dito o dahil na rin sa iyong guilt. Maaaring ika’y magkimkim ng iyong mga saloobin dahil dito. Sa kabila nito ay liligaya ka pa rin sa buwan na ito dahil sa mga kaganapang mangyayari kasama ang iyong mga minamahal sa buhay. Ikatutuwa mo ang pansamantalang kalayaang matatamasa mo ngayong buwan, ngunit huwag kalimutang maging mas maingat sa iyong mga gagawin. Huwag magmadali at gamitin ang iyong oras nang mabuti upang hindi na maulit ang iyong mga pagkakamali.

Kanta ngayong buwan: Don’t Be So Hard On Yourself – Jess Glynne

Scorpio (October 23 – November 21)

Dibuho ni Jazz Solomon

Huwag matigas ang ulo, Scorpio. Malinaw ang mga kasagutan sa iyong mga problema at sinasabi na ng iba ang nararapat mong gawin, ngunit hindi ka nakikinig. Umaasa kang tama pa rin ang iyong iniisip o nararamdaman kaya pinipilit mo pa rin ito at nagbibigay ka na lamang ng mga dahilan upang maipagpatuloy mo pa rin ang iyong kahibangan. Walang mali na makinig sa sinasabi ng puso’t isipan, ngunit ito na ang panahon upang makinig sa iba at pakinggan ang kanilang payo. Maging praktikal sa pag-iisip at huwag sabay sabay solusyunan ang iyong mga problema; kinakailangan ay isa-isa mo itong ayusin upang hindi mabigla.

Kanta ngayong buwan: Wavy – SZA

Sagittarius (November 21 – December 21)

Dibuho ni Jazz Solomon

May mga pagbabagong mangyayari sa iyong buhay ngayong buwan, Sagittarius, ngunit imbis na matakot ay magiging curious ka rito at makakapag-adapt kaagad dahil sa iyong lohikal na pagtingin sa sitwasyon, dagdag pa na dahil ika’y handa sa mga hamon. Hindi ka aligaga at hahayaan mo lamang mangyari kung ano ang mangyayari dahil alam mo na sa iyong sarili kung ano ang dapat na gawin. May mga gusto kang gawin ngunit maaaring mapangunahan ka ng iyong pagdududa sa sarili. Magtiwala lamang sa sarili dahil hindi tulad ng karamihan ay matatag ang iyong loob, sadyang may mga panahon lang ng pagdadalawang isip. Ika’y laging handang tumulong at ibigay ang gusto ng isang tao, ngunit ika’y naghihintay din na maibalik niya sa’yo ang mga pabor na ito. Limitahan ang ganitong pag-iisip at maging realistiko sa pag-asa sa iba upang hindi masaktan. Maaaring mahirapan kang gawin ang mga ito dahil sa iyong attachment sa taong ito.

Kanta ngayong buwan: Look What You Made Me Do – Taylor Swift

Sa likod ng pag-asang hatid ng bagong taon ay mga panibagong pagsubok na kailangang harapin. Tandaan na ang mga pagsubok na ito ay leksyon lamang upang lumawak ang ating kaunawaan sa buhay.

Magsilbi sanang paalala ang Hulascope na ito ng kahalagahan ng pagkilala sa sarili upang maharap ang mga panibagong bagay na darating ngayong taon.


`

The Benildean Press Corps © 2018 . All Rights Reserved