Hulascope: Pag-ibig at paglago

Hulascope: Pag-ibig at paglago

Ihanda ang iyong puso sa nakalaan para sa’yo ngayong buwan ng Pebrero. Huwag mangamba sapagkat nandito ang Hulascope upang ang iyong mga katanungan ay mabigyang kasagutan sa tulong ng kalawakan.

Kasabay ng bagong kabanata ng ating buhay ngayong taon ay siya ring pagdating ng hindi natin inaasahang pagbabago sa ating kapalaran lalo na sa pag-ibig. Alamin ang mga rebelasyong naghihintay sa’yo para sa buwan ng mga puso.

Aquarius (January 20 – February 18)

Dibuho ni Andi Osmeña

Aquarius, ikaw ay magugulat sa mga pagbabagong naghihintay sa’yo ngayong buwan dahil ang iyong mapagmalasakit na ugali at pagiging masayahin ay aakit ng panibagong tao sa iyong buhay. Ito ang hudyat na kailangan mong piliin ang mga taong nais na ika’y kilalanin sapagkat maaaring magdulot sila ng ‘di inaasahang pangyayari. Gayunpaman, huwag mangamba dahil pwede mo silang iwasan.
Swerteng bulaklak: Gumamela

Pisces (February 19 – March 20)

Dibuho ni Andi Osmeña

Pisces, ikaw ay makararanas ng kasaganahan sa iyong trabaho at sa pag-aaral dahil sa iyong pagiging masipag at kaseryosohan sa mga bagay na ginagawa. Dahil dito, lalaki ang kita mo at tataas ang tingin mo sa iyong sarili. Ito ang kailangan mong maiwasan mangyari sapagkat ang mga taong nagmamahal sa’yo ay maaaring makaramdam ng tampo. Mag-ingat at pag-isipang mabuti ang pagbibigay mo ng opinyon dahil may mga taong malapit sa’yo na maaari mong makasamaan ng loob.
Swerteng bulaklak: Santan

Aries (March 21 – April 19)

Dibuho ni Andi Osmeña

Ihanda mo na ang iyong mga salapi Aries, sapagkat ngayong buwan ng Pebrero ay gagastos ka nang malaki dahil ikaw ay mapagbigay. Bibilhan mo ang iyong kasintahan ng mga bagay na makapagpapasaya sa kanya. Sa kabila ng paggastos ng malaki, sulit ito dahil magugustuhan niya ito dahil sa galing mong pumili at pagiging romantiko. Itong buwan ng pag-ibig na ang pagkakataon mong ayusin ang mga hindi pagkakaunawaan sa mga taong malalapit sa’yo. Intindihin ang nais nilang iparating upang walang away na mangyayari.
Swerteng bulaklak: Waling-Waling

Taurus (April 20 – May 20)

Dibuho ni Andi Osmeña

Mapapasaya mo ang mga tao sa paligid mo Taurus, lalo na ang iyong mga mahal sa buhay dahil susuportahan mo sila nang mas higit pa sa mga panahong ito. Magugulat ang iyong minamahal dahil ipapakita mo na ang buong tiwala at pagmamahal mo sa kanila sa pamamagitan ng pagiging mapagkumbaba sa inyong mga tampuhan. Ngunit huwag masyadong ipilit ang mga nais mo mangyari dahil baka umuwi kang luhaan.
Swerteng bulaklak: Sampaguita

Gemini (May 21 – June 20)

Dibuho ni Andi Osmeña

Gamitin ang pagiging malikhain ngayong buwan ng mga puso upang kumita. Ang iyong husay sa sining ay hindi maikakaila kaya naman huwag mag-atubiling tuklasin ang iyong iba pang talento na maaari mo ring pagyamanin. Mahilig kang magbahagi sa mga minamahal mo ng mga kaganapan sa buhay mo upang ‘di sila mainip sa’yo. Bagamat ang takbo ng pag-ibig mo sa ngayon ay matumal, subok lang nang subok at baka sakaling makahanap ka ng ka-date mo ngayong buwan ng pag-ibig.
Swerteng bulaklak: Dama de noche

Cancer (June 21 – July 22)

Dibuho ni Andi Osmeña

Mapapansin mong mas lalong mahahatak ng trabaho at pag-aaral ang bahagi ng iyong oras na dapat ay nailaan mo para sa iyong mga minamahal. Ngunit ‘wag kang mag-alala dahil maiintindihan ka nila sapagkat doon ka magaling at humahanga sila sa dedikasyon mo sa mga bagay na gusto mong gawin. Alalahanin lamang na handang sumuporta sa’yo ang mga kaibigan mo. Hindi ka nag-iisa sa mga layunin mo ngayong buwan.
Swerteng bulaklak: Niyog-Niyogan

Leo (July 23 – August 22)

Dibuho ni Andi Osmeña

Positibo ang dulot ng Pebrero sa’yo Leo, dahil ito na ang panahon upang buksan muli ang iyong puso na matagal nang nakasara at nakabakante. Ikaw ay mapagmahal at ito ang magdadala sa’yo sa isang taong papantayan ang pag-ibig mong ibinibigay. Ang pagkakaroon ng kasintahan ay hindi magiging hadlang sa iyong paglago ngunit huwag pababayaan ang mga iba pang aspeto ng iyong buhay.
Swerteng bulaklak: Rosal

Virgo (August 23 – September 22)

Dibuho ni Andi Osmeña

Ikaw ay matalino Virgo at maiintindihan mo kung bakit hindi tumatakbo at naaayon sa plano mo ang mga bagay sa iyong buhay lalo na pagdating sa pag-ibig. Alam mo kung papaano bibigyang solusyon ang mga problema at ayaw mong makaabala ng ibang tao kaya kakayanin mong sagutin ito mag-isa. Palawakin pa ang iyong pang-unawa sa mga sikretong isisiwalat sa’yo ng iyong mga kaibigan pagdating sa kanilang sekswalidad.
Swerteng bulaklak: Alagaw

Libra (September 23 – October 22)

Dibuho ni Andi Osmeña

Bago subukang pasukin ang isang relasyon, alamin mo muna kung ano ang nais mo sa isang ugnayan upang hindi ka mabigo kapag hindi ito naibigay sa’yo ng mahal mo. Bawasan ang pagiging mapagmataas dahil alam mong ikaw ay magaling sa maraming bagay dahil baka mawalan ng gana sa’yo ang napupusuan mo. Ang iyong paniniwala sa mga bagay ang minsang pinag-uugatan ng ‘di pagkakaunawaan kaya mabuti pa ay matutong tumanggap ng pagkakaiba.
Swerteng bulaklak: Banaba

Scorpio (October 23 – November 21)

Dibuho ni Andi Osmeña

Maging masaya sapagkat magugulat ka na marami ang humahanga sa’yo maging sa malayong lugar. Ikaw ay kaibig-ibig ngunit sa umpisa ay matatakot sila magtapat sa’yo dahil mayroon kang kakaibang aura. Hayaan mo lang ang mga iniisip ng mga tao tungkol sa’yo at ‘wag nang pansinin pa ang mga ito dahil karamihan sa kanila ay ‘di ka kilala nang lubos. Patuloy mo lang abutin ang mga pangarap mo sapagkat ito ang magdadala sa’yo sa tagumpay.
Swerteng bulaklak: Mirasol

Sagittarius (November 22 – December 21)

Dibuho ni Andi Osmeña

Ipagpatuloy mo lang ang nasimulan mong koneksyon sa taong iyong nagugustuhan, Sagitarius. Ang pagkakaroon mo ng positibong pananaw sa buhay ang siyang magdadala sa’yo sa mga taong masasandigan mo sa panahong ikaw ay mangangailangan. Hindi ikaw ang tipo na mangunguna sa mga gawain ngunit dahil magaling kang makisama, ano mang paglago ng isa sa iyong grupo ay siya ring paglago mo. Ikaw ay parang “Walking Vitamin C” sa mga minamahal mo sapagkat kaya mo silang hawaan ng kasiglahan sa buhay.
Swerteng bulaklak: Rafflesia

Capricorn (December 22- January 19)

Dibuho ni Andi Osmeña

Dahil sa pagiging kritikal mo sa mga bagay-bagay at sa angkin mong galing sa pagsisiyasat, mayroon kang matutuklasan na lihim na hindi makatutulong sa relasyon mo sa iyong minamahal. Ayusin ito agad upang makaiwas sa anumang alitan sa hinaharap. Huwag maging masyadong sensitibo, Capricorn. Baka iwanan ka sa ere ng iyong mahal sa buhay.
Swerteng bulaklak: Rosas

Sa kabila ng mga pagbabago ngayong buwan ng Pebrero, tatagan ang iyong puso at buksan ang iyong isipan sa mga posibilidad na maaaring mangyari sa’yo. Magsilbi sanang paalala ito na hindi masama ang mga pagbabago sa iyong buhay; nasa iyo kung paano mo ito haharapin.

Hatid sa inyo ng Hulascope ang mga gabay na ito upang mas lalo pang mapalago ang iba’t ibang aspeto sa iyong buhay at nang makaiwas sa kamalasang nagbabadya. Maging maingat sa mga desisyon upang walang maging sagabal sa pag-ibig at paglago ngayong buwan ng mga puso.


`

The Benildean Press Corps © 2018 . All Rights Reserved