Layout ni Joshua Paul Gaces
Layout ni Joshua Paul Gaces.

Homeless Golden Gays: Ang Nakalimutang Henerasyon


Tunghayan ang kwento ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap na paghihirap at diskriminasyong nararanasan ng mga Golden Gays kung saan tuloy ang laban para sa karapatang pangtao na hanggang ngayo’y ipinagkakait sa kanila.


By Carlos Mendoza | Saturday, 27 June 2020

Ang Homeless Golden Gays ay isang kwento ng determinasyong upang makamtan ang hinahangad na karapatan sa kabila ng karahasan at diskriminasyon. Sa pagsasalaysay ng talambuhay ng mga Golden Gays, sinasalamin nito ang tunay na reyalidad ng isang miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+ sa lipunang Pilipino.

Ipinalabas sa programang i-Witness ng GMA noong 2015, ang dokumentaryong Homeless Golden Gays na isinalaysay at isinulat ng isang tanyang na mamamahayag na si Jay Taruc kasama si Lea Llamoso-Compendido na siya ring direktor at prodyuser ng napakaraming dokumentaryo ng programa.

Kwento ito ng pakikipagsaparalan ng mga matatandang miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+ na sina Noelito “Helen” Monier, Federico “Rica” Ramasamy, at “Tata” Rolly de Leon nang magsara ang kanilang nag-iisang tahanan na Home for the Golden Gays, tatlong taon nang nakakalipas mula nang ipinalabas ang dokumentaryo. Ito ay isang organisasyong nagbigay ng tirahan, suporta, at pangangalaga sa mga matatandang kabilang sa LGBTQIA+ community. Itinaguyod ito ni Justo Justo, isang konsehal ng Lungsod ng Pasay na nakilala bilang isang kolumnista at aktibista para sa LGBT rights, noong 1975.

Nang mamatay si Justo Justo noong 2012, kaagad na isinara at pinaalis ang mga residente ng organisasyon. Karamihan sa mga residente nito ay bumalik sa kani-kanilang pamilya ngunit ang iba ay walang babalikang pamilya kaya nanirahan sa mga kalsada at lansangan ng Maynila. Puno ng lungkot at hirap ang buhay nina Helen, Rica, at Tata Rolly. Dahil sa kanilang kasarian, sila ay pinagtabuyan, hinusgahan, at kinalimutan. Sa kanilang pagtanda, nakasalalay ang kanilang buhay sa kagandahang loob ng mga taong tumutulong sa kanila.

Mga hamong teknikal at sa pagsasadula

Hindi nagkukulang ang dokumentaryo sa nilalaman ng kwento ngunit mayroong dalawang maliliit na problemang teknikal itong kinahaharap.

Una, may mga eksena kung saan natatabunan ng ingay sa paligid ang diyalogo, partikular na sa eksena na kung saan sila ay nasa kalsada. Hindi naiwasang matabunan ng ugong ng mga sasakyan ang boses ng mga nagsasalita. Bagaman maiintindihan pa rin ang ipinapahiwatig ng nagsasalita dahil sa subtitles, nakakagambala pa rin ito sa panonood.

Pangalawa, ang kalidad ng pagsasadula. Tila hindi ito binigyang pansin at basta na lamang isinagawa. Hindi maganda ang pagkakagawa nito at hindi makikita ang emosyon na gustong ipahiwatig ng mga pagsasadula.

Gayunpaman, parehas na tumutulong sa kabuuang pagguhit ng emosyon at pagbibigay buhay sa dokumentaryo ang sinematograpiya at musika nito.

Minimithing kalayaan at karapatan pang tao para sa mga LGBTQIA+

Habang nanunuod ng dokumentaryo, isang teorya ang unang pumapasok sa aking isipan—ang teoryang Queer. Hindi man natin maibabalik ang nakaraan na kung saan inabuso, itinakwil, at hinusgahan sina Helen, Rica, Tata Rolly at iba pang matatandang miyembro ng komunidad na LGBTQIA+, ngunit maari natin bigyan ng mas magandang kinabusakan ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagtutulong, pagtatanggol mula sa karahasan, at pagbibigay ng pantay na karapatan at respeto na tulad ng ating tinatamasa.

Limang taon na ang nakalipas at hindi pa rin nabibigyan ng bagong tirahan ang mga Golden Gays. Kung nais maintindihan at tulungan ang kalagayan ng mga Golden Gays, panoorin ang dokumentaryong ito sa YouTube, at maaari ring magbigay ng donasyon na nakasaad sa kanilang opisyal na website.

Sa paglipas ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan at patuloy na selebrasyon ng Pride Month, nararapat lang na ipagpatuloy nating mga Pilipino ang laban sa pantay-pantay na karapatan at kalayaan sa ating lipunan. Naiiba man ang kasarian ng isang tao sa mayorya hindi ito dahilan upang abusuhin at ibasura ang kanilang karapatang pantao.

Kabilang sa mga paraan upang tulungan ang mga Golden Gays at iba pang miyembro LGBTQIA+ ay ang pagsuporta sa mga batas na nagnanais protektahan at palawakin ang kanilang mga karapatan.

 

 

 

Last updated: Tuesday, 8 June 2021