Nalilito nga ba tayo sa paggamit ng sariling wika dahil mas tinatangkilik natin ang Ingles? O sadya bang magkatunog o magkapareho lang ang spelling ng ilang mga salita kaya naguguluhan tayo sa tamang paggamit ng mga ito. Narito ang gabay sa tamang paggamit ng ilang salitang Filipino na madalas nating kinalilituhan.
Raw vs. Daw
Sa paggamit ng “raw” at “daw”, kailangang bigyang pansin ang huling titik ng naunang salita. Kapag patinig (vowels), y, at x ang dulo, ang gagamitin ay raw. Kapag katinig (consonants) o ang huling pantig ay ra, re, ri, ro, ray, at raw ang gagamitin ay daw. Ito rin ang mga dapat alalahanin kapag gumagamit ng din at rin.
Halimbawa: Tatawid daw siya ng ilog para lang sa iyo. Sasama raw siya sa pag-uwi.
Nang vs. Ng
Ginagamit natin ang nang sa pagsagot sa mga tanong na “paano” o “gaano”. Gayundin kapag umuulit ang salitang kilos na ginamit sa pangungusap.
Halimbawa: “Kain nang kain si Ben kaya sumakit ang kanyang tiyan.”
Samantalang ng ang ginagamit bilang sagot sa mga tanong na “ano”. Ito rin ang gagamitin kung naglalaman ng pagmamay-ari ang pangungusap.
Halimbawa: Mahilig akong tumugtog ng gitara.
Maari vs. Maaari
Ang maari ay ginagamit kapag marami ang ari-arian ng paksa ng pangungusap. Halimbawa: Nanalo si Asiong sa lotto, sobrang maari na siya ngayon! Ang maaari naman ay nangangahulugang pwede.
Halimbawa: Maaari bang utangan ang bestfriend mo? Hindi maaari.
May vs. Mayroon
May ang ating gagamitin kung ito ay susundan ng pangalan, pandiwa, pang-uri o panghalip panao.
Halimbawa: May proyektong kailangan ipasa sa linggo.
Ang mayroon naman ay ginagamit kapag may kasunod itong kataga gaya ng ‘bang’, ‘din’ o ‘po’.
Halimbawa: Mayroon din bang pagsusulit sa ating Joseriz bukas?
Ang bawat salita ay ‘di dapat ibinabalewala dahil habang dumadami ang nagkakamali sa paggamit ng mga ito mas lalong ‘di nabibigyang pansin ang tunay nilang kahulugan.