Cover Photo Ni Aeriel Quiijano
Cover Photo Ni Aeriel Quiijano.

Si Mura o Mahal?


Cheap kapag ukay-ukay, pero rich kid 'pag branded. Sino nga ba talaga? Si mura o mahal?


By Benildean Press Corps | Tuesday, 28 October 2014

“In order to be irreplaceable, one must be different.” wika ng sikat na fashion designer na si Coco Chanel. Kailangang mag-stand out dahil ang bawat tao ay may iba’t ibang hanap sa kasuotan. Hassle, lalo na kapag presyo na ang sukatan, diba? Nagkaroon na ng masamang pagtingin sa mga gamit na galing ukay-ukay at Divi, habang binabansagang rich kid naman ‘pag branded ang saplot sa katawan. Sino nga ba talaga? Si mura o mahal?

The Fault In Our Stores Halukay Ukay Cheap Ahoy 

Cheap ahoy!

“Wonderland!” ‘ika nga ng mamimili sa makikipot na mga daan ng Juan Luna at Binondo. For sure, mapa-left man o mapa-right, magagarang kasuotang pasok na pasok sa budget ang sasalubong sa iyo. Kahit sinuman ang makikibaka sa agos ng kalakaran dito. Kapalit ng mala-premiere na kalsada ng Carriedo ang outfit na swak na swak sa bulsa mo, bagama’t walang label ng designer brand na tinatangkilik mo.

Halukay-ukay

Ang pamimili sa ukay-ukay ay parang pag-ibig. Mahirap talagang hanapin ang The One kaya halukay lang nang halukay; ‘wag kang mawalan ng pag-asa. Pabor sa’yo kung vintage finds ang hanap mo—mapa-denim chic, sweater weather, o Manilyn Monroe manang peg ng iyong #ootd, tipid on the go ka with ukay. Kung hanap mo naman ay want-to-sawang ukayan na weekly ang fashion supply, makilaban sa mga hanger sa Lolo Oboy’s Bldg. sa Anonas, Aurora Boulevard, Quezon City na may apat na palapag ng ukay. Sa halagang P50 hanggang P200 may branded clothes ka na. Hit na hit ang lugar na ito lalo na sa mga pagkakataong may New Arrival. Gora na kapag sila’y nagbabagsak presyo na bumababa hanggang P10-P50. ‘Ika nga ng ilang namimili, “Swertehan lang yan!” Isang munting paalala lamang: ‘wag kalimutang pakuluan at labhang mabuti bago suotin ang mga halukay-ukay na nabili mo.

The Fault in our Stores

Forever 21 o Forever 168? Topshop o Thrift Shop? Zara o sa mura? Sa paglipas ng panahon ay naging iba ang pananaw ng mga tao sa pamimili ng kanilang mga gamit. Kadalasa’y mas nais nilang piliin ang mas nakakatagal kahit mahal. Para sa iba, “‘Di bale nang mahal basta’t matibay.” Subalit, mas nakararami sa ating mga kapwa Pinoy ang tatahakin ang siksikan, buwis-buhay, at ordinaryong pamilihan na maaring walang tatak ngunit marami ang mabibili na halos katulad lang ng mga nasa mall. Mapa-branded man o chipipay lang ang gamit mo, laging tatandaan na nasa gumagamit nakasalalay ang ikatatagal nito.

Hashtag pagbabago

Napalitan na nga ba ng “What’s sulit, mama?” ang kasabihang, “You get what you paid for?” Presyo, dami ng mabibili, at pangalan lang ang pinagkaiba ng mga pamilihin. Praktikal—isang salitang kailangang pairalin sa makabagong panahon. Naging apple of their eyes na ng masa ang gawang mura sa kalidad, disenyo, at maging sa presyo. Ang noong stereotypical tianggeay tambayan na rin ng mga sosyalera.

“Dressing is a way of life,” sabi ng sikat na designer na si Yves Saint Laurent. Maaring sa ilan ay ang kanilang araw-araw na buhay ay isang fashion show at ang kanilang mundo ang kanilang runway. Hindi issue ang tatak ng etiketa; ang mahalaga ay kung balanse ang iskala. ‘Ni di nga mabilang ang tao sa mga tiangge kumpara sa mga luxurious malls. Hindi naman sa cheap; praktikal lamang at matalino. Ekspresyon, kultura, at personalidad—bawat isa’y may kanya-kanyang pamantayan sa kasuotan. Mahal man o mura, nasa nagdadala lang ‘yan.

Disenyo at dibuho ni Aeriel Quiijano

 

 

 

Last updated: Sunday, 18 July 2021