13 1024x576 768x432
13 1024x576 768x432.

Bayan o Sarili: Heneral Luna Film Review


Sa pagbukas ng pelikulang Heneral Luna ni Jerrold Tarog, muling balikan at buksan ang kwento ng kagitingan ng isang heneral at ng iba pang kontrobersyal na bahagi ng kasaysayan.


By Benildean Press Corps | Monday, 21 September 2015

Hindi lubos na mauunawaan ang kasalukuyan kung hindi babalikan ang kasaysayan. Kaya sa pagbukas ng pelikulang Heneral Luna ni Jerrold Tarog noong Setyembre 9, 2015, nabuksan sa madla ang kwento ng kagitingan ng isang heneral at ng iba pang kontrobersyal na bahagi ng kasaysayan. Naging usap-usapan ng mga netizens ang pelikula at mistulang naging viral pa ang posibleng maagang pagkakatanggal nito sa mga sinehan. Muli nating hawiin ang kurtina at tanawin ang kasaysayan sa likod ni Heneral Luna.

Mapangahas at puno ng tapang ang grupo ni Direk Jerrold Tarog sa pagnanais na ibunyag ang madilim na bahagi ng kasaysayan. Ang kasaysayang kinagisnan nating mga bayani ay may kinalaman din sa kontroberysyal na krimen ng pagpatay sa kapwa Pilipino. Umiikot ang istorya sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano at kung paano lumaban ang mga Pilipino upang hindi tuluyang masakop ng mga dayuhan at makamit ang soberanya.

Pilipino Laban sa Pilipino

“Mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa mga Amerikano, ang ating sarili,” isa sa mga matalinhagang linyang binitawan sa pelikula na sumasalamin sa madilim na lihim ng kasaysayan. Hindi man direktang ipinakita ay tila palaisipan ang matagal nang isyu na si Presidente Emilio Aguinaldo rin ang nagpapatay kay Heneral Luna gaya nang nangyari kay Andres Bonifacio. Naging tahasan din ang pagsasalaysay ng totoong kaganapan sa pagitan ng mga Pilipino noong panahon ng mga Amerikano. Kahit sa pagitan ng mga miyembro ng militar o pulitika ay hindi nagkaroon ng kasunduan ang mga Pilipino sa pagdedesisyon.

Napapanahon Kahit Kahapon

Maikukumpara na magpahanggang ngayon ay nangyayari pa rin ang pagsisiraan sa pagitan ng mga Pilipino lalo na sa ating gobyerno. Kung sa pelikula ay makikitang pinatay si Heneral Luna ng kapwa Pilipino, ngayon ay wala pa ring nababago gaya nang patuloy nating nakikita sa mga balita at maging sa pulitika. Ang mga salitang ginamit ay nababagay rin sa modernong panahon lalo na ang mga punchline upang lagyan ng bahagyang komedya ang timpla. Bagaman makabago ang salita ay hindi nasakripisyo ang kwento at takbo ng istorya dahil sa katunayan, maging ang paggamit ng f imbes na p sa salitang familia ay kapansin-pansin din. Maging ang mga linya ay sadyang may laman na mas pinatindi pa ng batuhan ng mga dekalibreng artista gaya ni John Arcilla.

Atensyon para sa Suhestiyon

Talagang isa ang pelikulang ito sa mga maituturing na masterpiece sa larangan ng Philippine Movie, hindi lang dahil sa magandang storyline kundi maging ang cinematography. Makakakonekta ang lahat ng uri ng manonood sa ganitong klaseng pelikula dahil sa pagkakatalakay nito sa ating mga paaralan simula nang tayo ay nasa elementarya. Sadyang iba ang nakikita sa nababasa mula sa nilalaman ng libro kaya mas mainam kung sa susunod ay ipapalabas ito nang may subtitle upang masundan din ng mga manonood ang mga linyang tumatatak sa puso. Bagaman mayroon nang mga naunang pelikula patungkol sa ating mga bayani, maganda rin kung ang mga susunod na pelikulang tungkol sa kasaysayan ay gawing sequel style o tahiin ang mga istorya ayon sa pagkakasunod-sunod sa kasaysayan upang hindi nakalilito at mas madaling magamit bilang material sa pagtuturo sa mga paaralan.
Noon pa man ay may kakaiba nang alab ang puso nating mga Pilipino gaya nang ipinakita ng isa sa ating mga bayani. Nakakalungkot lamang na isiping tila nakakalimot tayo at pati sa simpleng pagsuporta ng sariling atin ay mistulang mabibigo pa tayo. Sa bawat pagkakataon na iniisip natin ang ating kapakanan, isaalang-alang din natin ang ating bayan. Wala mang kapa o anumang costume gaya ng mga superheroes ang ating mga bayani ay umukit sa kasaysayan ang dugong kanilang ibinuwis. Sana’y huwag tayong magbulag-bulagan sa nagaganap sa ating bansa at gaya ng sinabi sa pelikula, “hindi panlalait ang pagsasabi ng totoo.” Kaya sa mga pulitiko, pulis, estudyante at maging pedicab driver, “negosyo o kalayaan, bayan o sarili, mamili ka.”

 

 

 

Last updated: Sunday, 18 July 2021