Ano pa ba ang mas sasakit sa pinsalang iyong natamo kung hindi ka man lang nakatanggap ng abiso na ito’y darating pala? Dahil hindi natin alam kung ano ang maaaring mangyari bukas o sa makalawa, mainam nang tayo’y maging handa sa lindol. EveryJuan, narito na ang Juan to four tips para maging ligtas sa lindol!
- OPLAN Lindol
Ugaliin ang pagpaplano ng maaring malikasan sa oras na magkaroon ng isang lindol. Gumawa ng emergency plan para sa pamilya o mga kasama. Mas mabuti nang ilayo ang malalaking bagay mula sa daraanan palabas sa naiplanong evacuation route.
- EarthQuick Kit
Maghanda ng isang emergency box na madaling bitbit na mapaglalagyan ng tubig, mga de-latang pagkain, mano-manong abrelata, first aid kit, mga gamot, flashlight at baterya, kandila, posporo o lighter, ilang mga toiletries, mga plastik na kubyertos, plato at kutsilyo. Maghanda ng sapat na bilang batay sa laki ng inyong pamilya.
- Talo ang burara
At dahil hindi natin alam kung kailan mangyayari ang kahit ano mang lindol, marapating nakasinop sa iisang lugar lamang ang mahahalagang papeles. Ilagay ito sa ziplock o sa isang plastic envelope at itago sa lugar na madaling abutin sa oras ng trahedya. Maaaring magsama rito ng pera na maaaring magamit sa oras ng trahedya.
- #BawalAngManhid
Parati kang makiramdam sa nangyayari sa paligid mo. Kung nasa loob ka ng isang silid at nakaramdam ng paggalaw ng lupa at mga bagay sa paligid, humanap na kaagad ng matibay na mesa. Pumunta sa ilalim nito, umupo at takpan ang ulo. Kung ikaw naman ay nasa labas, pumunta sa isang lugar kung saan walang mga poste ng kuryente, matataas na gusali o mga bintana, pati na rin sa lugar na may malambot na lupa. Kung nasa loob naman ng sasakyan, bagalan ang pagmamaneho patungo sa isang ligtas na lugar, malayo sa mga gusali at poste. Manatili sa loob ng sasakyan hanggang sa tumigil ang paggalaw ng lupa.
Huwag nang magpatumpik-tumpik pa! Kumilos na’t ihanda ang mga kagamitan na kakailanganin sa oras ng trahedya. Maging alerto at maagap. Tandaan ang EarthQuick tips na ibinigay, at huwag tapusin sa pagbabasa ang natutunan. Mas mainam nang basahin ang mga ito nang saglit, kaysa mahahalagang buhay at bagay pa ang mawaglit.