“Tutuparin ko ang tungkulin ng mamayang makabayan.” Sa humigit kumulang 13 taon nang pagbigkas ng Panatang Makabayan tuwing flag ceremony simula nursery hanggang high school, kabisadong-kabisado na ng bawat estudyante ang linyang ito. Ngayong college ka na, kaya mo pa ba itong bigkasin? Kung iisipin ang sitwasyon ngayon, ang tanong na mas nangangailangan ng sagot ay kung naisasabuhay mo pa ba ang pagiging Pilipino o isa ka na rin sa puro pangakong napapako at wala nang pakialam sa bayan? Alamin kung paano ba maging tunay na Pilipino sa araw-araw na pamumuhay.
Bawal tumawid, nakamamatay
Normal na sa ating mga Pilipino ang kundisyon ng trapiko sa ating bansa. Ganun pa man, hindi rason ang pagiging certified jay walker sa ganitong sitwasyon. Ugaliing pumunta sa daang matuwid tulad na lamang ng overpass o pedestrian lane kaysa makipag-patintero sa gitna.
Nabubulok at Hindi Nabubulok
Kahit simpleng balat ng kendi ay dapat na itapon sa basurahan at hindi sa tabi-tabi. Pwede namang itago muna sa bulsa, bag o ‘di kaya’y hawakan pansamantala ang kapirasong basura hanggang sa makahanap ng basurahan.
Lupang Hinirang
Ang simpleng pagtigil sa ginagawa at pagtayo nang tuwid sa tuwing maririnig ang Pambansang Awit ay pagbibigay galang sa ating bansa. Hindi naman natatapos sa paaralan ang pakikisa sa pagkanta ng ating Pambansang Awit. Damhin ang pag-ibig sa bayan at huwag nang magdalawang isip na ilagay ang iyong kanang kamay sa kaliwang dibdib tuwing flag raising.
Honesto, Pramis
Mahirap ba talagang magsabi ng totoo? Para lang yang pag-ibig; masakit ang maloko at ang hindi masuklian ang ibinigay mo. ‘Di dapat pagsisihan kung sobra ang pagmamahal na ibinigay mo, pero kung sobra ang naisukli ng driver ng jeep, ibalik at wag siyang lokohin para lang sa barya. Politiko, empleyado o estudyante, isabuhay ang paglilingkod ng buong katapatan sabi nga sa Panatang Makabayan.
Vote Wisely
Rehistradong botante ka na ba para sa nalalapit na halalan? Bilang Pilipino ay obligasyon at karapatan mo ang bumoto. Magiging mas mabisa ang iyong reklamo tungkol sa mga nangyayari sa gobyerno kung ikaw ay may naibahagi sa bansa, lalo na kung ika’y isang aktibong botante. Kung may anim na araw ka para makipag-date sa kasintahan mo, ano ba naman ang isang araw upang magparehistro sa COMELEC?
Hindi ka naman sasailalim sa isang masusing operasyon upang maging Pilipino, dahil ito ay dapat na manahan sa iyong puso at tumatak sa iyong isip. Ang pagiging maka-Diyos, makatao, makakalikasan at makabansa, ika nga sa Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas, ay ilan lamang sa mga simpleng pamamaraan upang ipakita ang pagka-Pilipino. Sa mumunting gawi lang ay makakatulong ka na sa pag-asenso ng ating bansa, lalo pa kung hindi ito matatapos sa salita.