Time is gold. Isa sa mga pinakapaboritong motto na ilagay sa slumbook ng mga Pilipino noon pa man. Ngunit nakakatawang isipin na sa atin din nanggaling ang kaugaliang “Filipino Time” na kabaligtaran ng kasabihang ito. Talaga namang ang panahong lumilipas ay mahirap nang maibalik at kung babagal-bagal ka ay mapag-iiwanan ka ng oras. Hindi oras ang mag-aadjust sa’yo kaya narito ang ilang tips na tutulong sayo upang masulit mo ang bawat segundo.
- Cool ka lang. Ang mga bagay na minamadali ay hindi nagiging maganda ang resulta kaya naman isa-isa lang. Kung may school works ka, unahin muna ang mga bagay na mas mauuna ang deadline. Hangga’t maaari ay magsimula nang mas maaga at iwasan ang cramming dahil lalo kang maii-stress sa kakaisip na malapit na ang deadline. Ito ay makakaapekto sa pagtutuon ng pansin sa mas dapat na isipin.
- Tulog tulog din. Tapusin kaagad ang iyong mga ginagawa kung may lakad ka kinabukasan upang makatulog nang maaga dahil kung magpupuyat ka ay may tyansa na mag-oversleep ka. Kung hindi ka man ma-late ay siguradong lutang ang isip mo at mawawala ka sa wisyo dahil inaantok ang iyong diwa at kulang sa pahinga. Kaya ugaliin ang matulog nang maaga para fresh; more energy mas happy.
- Goodbye sa Snooze. Para hindi ma-late, siguraduhin na ang alarm mo ay sakto sa oras na kakailanganin mo upang maligo, makakain at mag-ayos ng sarili. Maghanda ng masarap na agahan upang ganahan kang bumangon at hindi na pindutin nang pindutin ang snooze sa iyong telepono.
- Badtrip ang ma-traffic. Hindi na bago sa atin ang traffic, anumang araw o oras kaya gasgas na ang rason na na-traffic ka kaya ka late. Umalis nang maaga para siguradong makakarating ka sa tamang oras. Anuman ang mangyari sa lansangan ay hindi ka nagmamadali at kampante na makakatagpo mo ang ka-date mo.
- Iwas buryo ang kalendaryo. Kung isa kang busy na estudyante o empleyado, makakatulong ang paggamit ng planner upang siguradong wala kang makakalimutan na appointment. Mababalikan mo rin sa kahit anong oras ang mga bagay na dapat mong gawin, pati kung kailan nakatakda ang “me time” mo. Kahit sa isang maliit na notebook lang o kalendaryo ay pwede naman. Hindi na kakailanganin ng mamahalin na planner upang maiplano at masagawa nang maayos ang mga ito.
Talagang daig ng maagap ang masipag dahil aanhin mo ang sipag kung late ka naman palagi. Hindi lahat ng tao ay kayang maghintay, kaya kung male-late ka lang ay ‘wag mo na sila paasahin sa maagang call time. Sadyang mabilis lumipas ang oras kaya kailangan mong makipag-sabayan dito. Huwag sayangin ang bawat segundo sa pagsasabi ng mamaya na kung pwede namang ngayon na. Pagkatapos basahin ang mga ito ay bawasan ang pag-petiks at ilagay sa aksyon ang mga natutunan. Ano pang hinihintay mo? Kilos na!