Ang kinang ng isang kayamanang tunay na tinatangi ay hindi maglalaho basta-basta. Tulad ng orihinal na musikang likha ng mga Pilipinong musikero, ito ay may ningning na patuloy na lumulutang sa malakas na pagdagsa ng banyagang musika sa ating bansa. Sa matagal na panahon ay bumuhos ang pagtangkilik sa musikang nanggaling sa lahat ng sulok ng mundo—nariyang nahumaling ang maraming kabataan sa Korean Pop Music o K-Pop, pati na rin sa musikang nanggaling sa mga kanluraning bansa.
Kung susumahin ay malaki ang potensyal ng mga Pilipinong musikero at ng kanilang musika na patuloy pang lumaganap sa bansa. Sa katunayan nga ay mayroon tayong batas, ang Executive Order 255 na nilagdaan ng dating Pangulong Corazon Aquino, na nagsasaad na ang bawat istasyon ng radyo sa ating bansa ay inaasahan na maglaan ng hindi bababa sa apat na musikang OPM sa bawat isang oras. Mula pa noon ay napuna na ang pagkahalina ng mga Pinoy sa banyagang musika, kaya ang radyo ay isang tulay upang lalong maiangat ang kulturang Pinoy, lalong lalo na ang musikang gawang Pilipino. Nagsisilabasan ang iba’t ibang kantang gawang Pinoy at hindi maitatanggi na ang mga Pilipino ay may angking talento talaga pagdating sa musika. Halimbawa na lamang diyan ang mga musikerong nadidiskubre sa social media at saka ay pinapalabas sa telebisyon dahil sa angking talento. Sa ating minamahal na kolehiyo pa lamang ay marami nang musically inclined na mga mag-aaral na sumisikat sa Soundcloud, YouTube, Facebook at sa iba pang social media platforms. Isa pang magandang halimbawa ay ang pag-angat ng mga Pilipino sa mga patimpalak maging sa ibang bansa katulad ng The Voice, Britain’s Got Talent at X-Factor. Sa panahon ngayon, hindi lang ang mga bandang sikat at kinagisnan ng mga Pinoy ang patuloy na nagpapakita ng kahusayan at patuloy na umaarangkada sa nasabing larangan.
Simula nang ako’y tumuntong sa kolehiyo ay patuloy na dumarami ang mga bandang aking nakikilala, indie man o mga bagong sibol pa lamang sa malawak na industriyang talaga naman tinatangkilik ng kahit na sino. Aking batid na lumalaki ang potensyal ng pagsikat ng mga indie bands sa ating bansa. Sa ngayon ay marami nang mga website kung saan ay may mga playlist ng mga Filipino Independent bands na nagpapakita rin ng iba’t ibang programa at suporta para sa OPM. Karagdagan na lang din sa pure talent na mayroon ang mga Pinoy pagdating sa paglikha ng musika ang suporta ng iba’t ibang mga organisasyon upang makapag sa gawa ng mga konsyerto at mga okasyong may layong magpakilala ng mga aspiring Filipino artists. Malaking tulong ang pagkakaroon ng mga libreng konsyerto sa mga eskuwelahan at mga okasyon sa bansa upang mas mapalaganap ang sining na kanilang likha. Dito rin lumalaki ang aking pag-asa na hindi basta-basta lalamunin ng banyagang musika ang musikang gawang atin.
Maliban sa pag-usbong ng makabagong henerasyon ng musikang gawang Pinoy, ang mga makata at iba pang manunulat ay napapansin na rin sa ilalim ng spotlight, habang nakatungtong sa ibabaw ng entablado. Ang slam poetry ay unti-unti na ring sumisikat sa ating bansa. Dito ay nabibigyang pansin ang dati’y mga tagong linya at taludturan sa sarili lamang binibigkas. Ang puhunan lamang ay pag-iipon ng lakas ng loob, kasama ang paglabas ng umaapaw na pagmamahal sa ganitong klase ng sining, ay maaari nang makasabay ang mga makata sa bugso ng naglalabasang musikero ng ating bansa.
Hindi lang naman sa wika na ginamit masusukat kung OPM ba ang isang kanta o hindi—simple lang! Kung gawang Pinoy, lalo pa kung proud Pinoy, aba’y hindi maitatanggi na tatak OPM ang kantang iyon. Kung hindi man sa taong ito tuluyang mag-bo-boom ang kabuuang industriya ng musika sa Pilipinas, paniguradong sa susunod na mga taon ay talk of the town, ‘ika nga, ang mga awiting nilikha ng ating kapwa-Pilipino. Mapa-liriko man ito ng mga kanta o mapa-tula, may kapares man itong himig o purong pagbabato ng linya at makabagbag-damdamin ang tanging laman, hindi maikakailang unti-unti nang nakakarating sa kaalaman ng nakararami ang malaking potensyal na kasunod ng musikang Pilipino.
Illustration by Jelenie Custodio