Isang lumang tanghalan
ang buhay, kung saan
komedya’t trahedya’y
nagbabangayan
Bawat dula,
Tila paghamon sa nakalipas:
Maskara sa maskara,
mga tapal sa
kamay na namumula’t
hinuhugasan ng luha ng iba,
Mga sandatang pilit
nananaksak sa nakaraan
na para bang ito’y
higanteng may bihag
na kalugurang hindi
naibahagi ng mga datu
at hari.
Kabutihan at kasamaan
ay maglalabanan,
kahit ikatlong kinabukasan
ay walang katiyakan
kung ang pag-aaway
ay mananatiling may saysay
sa kuwento o banghay
kung ang pataasan ng
mga tronong bakal
ay lihim na
nangangalawang.
Hinagpis man o halakhak
ang balak ng tanghalang
ito, o sindak,
Kurtina’y ‘di man babagsak
sa indak ng sinuman,
ito’y kailanma’y humahanap
ng saysay
sa kasaysayan.
Ang artikulong ito ay nailimbag sa The Benildean Vol. 4 No. 2: Preservation.