Cover Photo Ni Joshua Paul Gaces
Cover Photo Ni Joshua Paul Gaces.

Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon: Sa paghihilom, pagpapatawad, at pagbabalik


Nasa edad man ang mga bida, tila tatangayin ka sa isang mala-tinedyer na palabas dahil sa bugso ng emosyon. Ang pelikula’y pupukawin ka at mag-iiwan ng bakas sa iyong pagkatao hanggang sa huling eksena.


By Prym Cabral | Tuesday, 22 September 2020

Puno ng buhay, mga tawa, at maingat na simbolismo—ang Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon ay tungkol sa dalawang matandang mag-asawa na sina Teresa (Perla Bautista) at Celso (Menggie Cobarrubias), na makatatanggap ng balita mula dating asawa na si Bene (Dante Rivero) na nagkasakit at gustong magpasama sa kakaunting oras na mayroon siya. 

 

Ang pelikula ay ayon sa direksyon ng Kapampangang direktor na si Carlo Catu. Ito’y nag-uwi ng Best Film, Best Screenplay kay John Carlo Pacala, Best Cinematography ni Neil Daza, at Best Production Design ni Marielle Hizon, bilang mga parangal noong 2018 Cinemalaya Film Festival. Nanalo rin sa Gawad Urian Awards ang mga karakter nina Rivero (“Bene”) bilang Best Actor, Perla Bautista (“Teresa) bilang Best Actress, at si Romnick Sarmenta (“Chito”) bilang Best Supporting Actor. Mula rin sa direksyon ni Catu ang pelikulang Aria (2018) at prodyuser ng maikling pelikulang Gulis (2019).

 

Sa kanilang makukulay na mundo

“Maganda ka. Halika na?” sabi ni Celso, habang si Teresa’y napangiti sa salamin. 

 

Ang kulay ng pelikula ay may mataas na mga anino at saturation—ipinapakita ang karaniwang buhay ng mag-asawang higit pitumpu’t pitong taong gulang, ngunit balot pa rin sila ng kasiyahan. Sa unang eksena pa lamang, halimbawa, ipinapakita na si Teresa na pinapagalitan si Celso dahil sa kanilang sabon na puno ng maliliit na buhok. Ang pelikula ay tila isang bukas na sulat para sa ating mga lolo’t lola, na hinahayaan tayong tumanaw sa mundo ng pagkatanda—kung saan kahit oras ay hindi kayang sapawan ang pagmamahalan ng isa’t-isa. 

 

Ang pelikula ay naisulat nang napaka-tiso, napaka-natural, na habang ito’y slow-burn, may mga hindi malimutang linya na kayang palitan ang disposisyon ng eksena. Ang linyang “hindi ko ‘yun naintindihan—na pwedeng mamatay ang pag-ibig sa isang pagpikit at pagdilat” mula kay Teresa ay nagpapahiwatig ng kabiguan dahil sa pag-ibig na hindi naibigay pabalik. Dahil sila ay galing mismo sa ating mga nakatatanda, ang mga salita’y malalalim—tila may pinaghuhugutan, may pagkadiretso—matatamaan na lamang tayo na parang sila’y bumalik sa pagkabata at tayo’y hamak na taga-subaybay lamang.

 

Sa bigong unang pag-ibig

“Kaya lang kitang harapin hindi dahil mahal kita, pero dahil hindi na kita mahal,” ani Teresa kay Bene.

 

Kahit matanda na, ang pelikula ay nagbigay-diin sa ideya ng unang pag-ibig, at kung paano ito namumukod-tangi. Maaaring nakalipas na si Teresa para kay Bene, ngunit ipinapakita ng pelikula ang katotohanan at kalungkutan ng pag-iwan ng isang buhay na dati mong ibinahagi sa iba. Ang bahay ni Bene, na halos sira-sira—na nababakbak ang mga dingding, at unti-unti niyang binebenta ang mga parte nito—ay sinisimbolo ng kanyang nakaraan na pinanghahawakan. Ang lumang bahay na hindi niya mabenta-benta at maiwan-iwan. “Sige, ibebenta ko na ‘to—pero isama mo ako.” 

 

Ang kanyang bahay ay ang dati niyang buhay kasama si Teresa. Ang kanyang kalungkutan at katahimikan ay nagdadala sa isang buhay na puno ng pagsisisi. Kung hindi dahil sa pag-alaga ng kanyang mga manok pang sabong, wala na siyang ibang hangarin—hindi niya alam kung saan siya pupunta. Noong oras na nagkita na sila ni Teresa, dito nagbibigay ng pananaw ang pelikula na iba pa rin ang diwa ng unang pag-ibig.

 

Ang dapithapon, ulan, at ang dagat

“Halos sisenta-porsyento ng tao ay gawa sa tubig, pero kung hindi ka marunong lumangoy, malulunod at malulunod ka sa kahit anong dagat,” bungad ni Celso kay Teresa, habang pinapanood nila ang ulan.

 

Simula noong nagkita sina Bene at Teresa, parating mayroong presensya ng ulan. Ang pelikula ay mayaman sa mga simbolismo—marahil ang rason sa pagkapanalo nito sa produksyong pang-disenyo—dahil maski ang malakas na pag-ulan ay mayroong kahulugan.

 

Bukod pa rito, makikita rin ang matinding buhos ng ulan noong nalaman ni Bene na siya’y nagkasakit—tila nakikiramay ang kalangitan sa kanyang paglulumbay. Maaaring pansarili pa rin ang mga interpretasyon, ngunit masasabi na papalapit na ang dapit-hapon ni Bene. Ang araw ay pababa na, tapos na—ngunit may maganda at masiglang pakiramdam sa tanawin na ito. Ipinapaalala sa ‘tin na mahalin ang mga tao na kasama pa natin. Ngunit ipinapahiwatig din nito, na sa kabila ng kadiliman, sisikat muli ang araw nang mas maliwanag kaysa kahapon—nagbibigay pag-asa.

 

Sa dagat naman pinag-usapan nina Celso at Teresa ang kanilang kinakatakutan—ay nagsisimbolo ng ating mga emosyon, na kung hindi natin alam unawain, tuluyan tayong tatangayin ng mga alon nito—mga alon ng damdamin. Samakatuwid, may malalim na dahilan ang mga ito: ang tubig, sumisimbolo sa paghuhugas at paghihilom; at sa kabilang ibayo ng dagat, ay ang kapatawaran, ang pinaka-kailaliman nito. 

 

Isang tunay na maganda at makatang pelikula, mula sa mga dayalogong natural na hindi nasobrahan ang timpla sa melodrama. Mamamangha ka sa mga kuhang may eksenang may kaunting silip ng araw. Ang pagnood dito ay mag-iiwan sa’yo ng isang bakas na hindi mo maintindihan. Para kang may butas sa iyong dibdib na magbabato sa’yo ng mga tanong, mula sa iyong pananaw sa pag-ibig, pagtanda, at kung ano ang iyong gagawin kung ikaw ay nasa sapatos ng mga nasa tatsulok na pag-ibig.

 

At dahil kwento ito ng mga matatanda, hindi na ito tungkol sa pagpili, kundi sa pagpapahalaga ng  oras na mayroon ka sa taong iyon. Ito ang pagbabalik sa ating mga nakaraan—maski gaano ito kasakit—at harapin ang kasalukuyan at bukas nang walang kinikimkim na damdamin o mga pagsisisi. 

 

Ang Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon ay patunay na posible tumanda nang magkasama—at kahit wala na ang isa—wala pa rin papalit sa isang buhay na dating naibahagi mo sa iba.

 

Mapapanuod ang pelikula sa Netflix.