Cover Photo By Eliyah Mallari
Cover Photo By Eliyah Mallari.

Hanggang saan aabot ang sentiments mo?


Tsismis diyaan, tsismis dito–saan ka maniniwala, sa kuro-kuro ng iyong paboritong aktor o sa mga eksperto?


By RA de Lemos | Monday, 16 January 2023

Mula sa pagganap ng artistang si Ella Cruz bilang si Irene Marcos sa kontrobersyal na pelikulang, “Maid in Malacañang,” hanggang sa kaniyang paghahalintulad ng kasaysayan bilang tsimis, tila unti-unting lumalabo ang linya sa pagitan ng impluwensya ng mga kilalang personalidad at ng mga eksperto sa larangan ng politika. Ang mga taong sumusubaybay sa mga artista ay madalas na naiimpluwensyahan ng kanilang mga hinahangaan. Bistado sa nakaraang pangangampanya para sa pambansang halalan, mas tanyag ang star factor na nagsilbing susi para sa isang matagumpay na kampanya.

 

Bagong mukha ng politika

Tanda sa kasaysayan ng pangangampanya ay ang hindi nawawalang partisipasyon ng mga artista upang makahakot ng mas malawak na atensyon ng masa–mga samu’t saring uri ng pagpapakita ng suporta mula sa mga patalastas ng mga kandidato hanggang sa pagiging kanang kamay sa mga kampanya, tiyak na mas naging kritikal na papel ng mga artista sa balangkas ng kampanya ngayon.

 

Sa patuloy ng paglawig ng social media at sa pag-abot nito sa mas maraming tao kumpara sa nakaraan, nakikita ang paglawak at paparaming pananaw, ideya, at paniniwala. Gayundin, hindi nakabukod dito ang mga artista at mga personalidad na may kakayahang mang-impluwensya sa social media. Ang pagbubuklod-buklod ng mga konseptong ito ay ang nagbibigay sa mga personalidad ng kanilang malawak at makapangyarihan na impluwensiya sa masa.

 

Lantad na gumamit ng estratehiyang ito ay ang dalawang nangandidato sa nakaraang halalan: ang dating Bise Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo at ang kasalukuyang Pangulo, Ferdinand Bongbong” Marcos Jr., kung saan ang mga pagtitipun-tipon na nangyari sa loob ng peryodiko ng pangangampanya ay puno ng mga personalidad na sumusuporta sa kanilang kandidato. 

 

Isa sa mga nagpakita ng kanilang suporta ay ang artistang tinagurian ng kaniyang mga tagahanga na si “real-life Darna,” si Angel Locsin, kung saan sinamahan niya si Robredo sa kaniyang mga kampanya at sabay niya rin pinakita ang kaniyang suporta sa social media bilang kritiko ng oposisyon. Kalakip ng isang post niya sa Instagram ay ang caption na tilang nagpapaalala sa mga kaniyang tagahanga na, "Huwag bumoto ng may bahid ng kurapsyon, sinungaling, nagmamanipula ng batas, tamad, malabo at [may] hindi makatotohanang plano sa bansa."

 

Ang algoritmo at ang mga artista

Kalakip ng tuluyang paglawak at pagusbong ng social media ay ang mga suliranin, tulad na lang ng kawalan ng regulasyon ukol sa mga nilalaman ng posts na maaaring maging sanhi ng paglaganap ng mga maling impormasyon. Ito’y nakakadagdag sa paglaganap ng disimpormasyon sa masa.

 

Kaya’t kung ika’y sumusubaybay sa mga Youtube channel tulad ng mga sumusuporta sa kasalukuyang Pangulong Marcos, maaari na irerekomenda sa iyo ng platapormang ito ang mga bidyo kung saan pinapakita ang kaniyang mga talumpati, talambuhay, at pati na rin ang mga kagagawan ng kaniyang amang diktador na si Ferdinand Marcos Sr.  Ngunit maaaring hindi wastong impormasyon ang iyong nakukuha–ito ay ang humahadlang sa mga masa na makita ang katotohanan mula sa mga mapagkakatiwalaang impormasyon, opinyon, at pagsisiyasat ng mga eksperto.

 

Ang mekanismo rin na ito ay ang nagbibigay kapangyarihan sa mga artista at sa mga personalidad sa pagkampanya para sa mga nangangandidato—gamit ang wastong impormasyon man o hindi. 

 

Kabilang na rin sa nagpapakita kung gaano kalakas at ka-importante ang presensya sa social media ay ang kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap, isa sa kilalang taga-suporta ng kasalukuyang Presidente. Saksi ng kaniyang mga tagahanga ay ang iilang mga post at bidyo na naglalaman ng lantarang pangungutya sa kanilang oposisyon; kung saan nakisama ang kapatid ng Pangulo na si Sen. Imee Marcos sa iilang mga bidyo na ito. Dahil sa mabilis na pagbabahagi ng mga post sa iba’t ibang plataporma sa social media, mabilisang naging viral ang mga bidyo ng nasabing direktor, at ito’y patuloy na kumalat sa masa.

 

Pook-sapot ang ang kapit nito

Ang halo ng algoritmo at mga artista ay ang rason kung bakit tayo’y mas natutuksong tutukan ang ating mga selpon ng ilang oras sa isang araw, dahil lahat ng ating gustong makita ay sa atin ay ibinibigay; batid mo man o hindi. Ito rin ang dahilan ng ating inklinasyon na mabaon at mapalibutan lamang ng ating mga sinusubaybayan na mga artista—at ebidensya ng nakaraang halalan, ang kanilang paniniwala’t politika. Halo ng kakayahan ng mga artist na mangumbinse, ito’y nagiging malakas na sandata sa pangangampanya. 

 

Kaya’t kung sino o ano man ang masisisi sa paglaganap ng maling impormasyon at ng makapangyarihang impluwensiya ng mga tanyag na tao sa social media, dapat natin tatandaan na ang tamang pananaliksik lamang ay ang magdadala ng wastong impormasyon sa atin.

 

Mahalaga rin na maitaguyod natin ang sariling matatag na pundasyon at paniniwala, taliwas sa opinyon ng mga taong ating iniidolo, lalo na ang mga taong walang sapat na kaalaman at karanasan sa kanilang mga binibenta sa atin, mapa-ideya man, produkto, o tao.

 

Nalathala din ang artikulo na ito sa The Benildean Volume 8 Issue No. 2: Reacted.