Cover Photo By Kristine Maerel Baculi
Cover Photo By Kristine Maerel Baculi.

Paano na ang mga mangingisda?


Sa patuloy na agos ng pabago-bagong panahon ng agrikultura, malulunod ba ang mga mangingisda sa kapabayaan ng mga makapangyarihan?


By RA de Lemos, and Lemy Santos | Wednesday, 15 February 2023

Sa ating kasaysayan, paulit-ulit sa atin itinuturo ang salat na kalagayan ng mga magsasaka at mga mangingisda—bilang esensyal na mga pangkabuhayan dala ng pagiging isang arkipelagong bansa. Ngunit sa paiba-ibang mukha ng industriya at ng pagkakalakal, tila nalulunod na sila ng panahong nagbabago.

 

Butas na lambat

Sa nakalipas na dekada, parating lumilitaw ang isyu ng labanan sa West Philippine Sea o WPS kung saan sa 2013, sinimulan ng internasyonal na arbitrasyon laban sa Tsina. Maaari na ang nagpaliyab ng isyu na ito ang Administrative Order No. 29, kung saan kasamang nakatalaga ang teritoryong pang-ekonomiya ng Pilipinas ang pinaglalabanang WPS.

 

Bagama’t mayroon ng desisyon ang Permanent Court of Arbitration sa ialim ng United Nations Convention on the Law of the Sea kung saan ang karamihan ay pabor sa nararapat na teritoryo ng Pilipinas, hindi ito naging hadlang sa patuloy na panliligalig ng Tsina sa mga mangingisdang Pilipino hanggang sa kasalukuyan. Ang walang tigil na paglusob ng mga barkong Tsina ay isa sa pinakamalaking suliranin na hinaharap sa mga mangingisda ngayon. 

 

Batay sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, simula ng 2022, ang mga mangingisda sa Zambales ay nawawalan ng 70% ng kanilang kita kada layag sanhi ng problemang ito.

 

Wala na pera ang dagat

Tila kasuklam-suklam ang epekto ng Tsina sa mga pamumuhay ng mga mangingisda—ang mga yamang-dagat na dapat sa kanila ay ninanakaw mula sa kanilang teritoryo, na binibili naman ng bansa kung saan naibabalik ito sa lokal na merkado. Dahil sa kompetisyon sulong ng importasyon, mas lalo humihirap ang mga mangingisda, sapagkat nalulugi sila hindi lamang sa mga Tsino, pero pati na rin sa Japan, South Korea, Thailand, Vietnam, at iba pang bansa.

 

Sa kabila nito, kulang pa rin sa suporta ang gobyerno upang malabanan nila ang mga ito. Ang Department of Agriculture - Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o DA-BFAR, ang sanga ng gobyerno na namumuno sa pangkalahatang industriyang pangingisda, ay may kakarampot na badyet ng apat na bilyon at pitong daang piso, subalit kulang pa din ang mga binibigay na subsidiya, tulad ng tatlong libo para sa gasolina na ibinibigay nito. Ayon pa kay Sen. Francis Pangilinan, maaari na mas mabigyan pansin ang mga priyoridad at adyenda ng pangingisda kung gawan ito ng sariling kagawaran at ihiwalay ang DA-BFAR.

 

Kahit isa tayong arkipelago na maraming mga yamang-dagat, kabilang ang ating mga mangingisda sa sektor na mga mahihirap. Iilan lamang ang nabanggit sa mga madaming suliranin na hinaharap nila, ngunit iisa ang sigurado—ngayong pandemya, lalong humirap ang kanilang buhay.

 

Ang nasirang jet ski sa West Philippine Sea

Isa sa mga tumatak na pangakong nailapag sa pangangampanya ng 2016 ay ang tilang pagpapakatatag ng dating pangulo, Rodrigo Roa Duterte, sa kaniyang mga plano ukol sa suliranin ng WPS.

 

"Ngayon, ‘pag ayaw nila (Tsina), then I will ask the Navy to bring me to the nearest boundary diyan sa Spratlys, sa Scarborough. Bababa ako, sasakay ako ng jet ski, dala-dala ko ‘yung flag ng Pilipino, at pupunta ako dun sa airport nila, tapos itanim ko,” idineklara ni Duterte sa isang debate bilang isa sa kaniyang plataporma sa pangangampanya.

 

Ngunit balintuna sa kaniyang pangako, ang hindi epektibong diplomasiyang pakikitungo at pakikikamayan sa Tsina ang naging kalagayan ng nakaraang administrasyon sa isyu ng WPS. Kita ang pagkabigo ng planong ito sa patuloy na panggugulo ng Tsina sa teritoryo ng WPS. Mula sa pag-upo ni Duterte bilang Pangulo noong 2016 hanggang sa paglipas ng kaniyang termino, tila walang nagbago sa suliraning ito.

 

Ang bagong alon

Sa bagong administrasyon sa ilalim ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., walang tiyak na prediksyon sa  magiging kalagayan ng mga mangingisda sa susunod na anim na taon. Ngunit, dahil itinaguyod niya ang kaniyang sarili bilang Kalihim ng Magsasaka, kung saan sumasailalim din dito ang pamumuhay ng mga mangingisda, makikita na sa panahon niya sa Senado ay wala siyang naisabatas ukol sa kabutihan ng pamumuhay ng mga mangingisda. Ito’y maaaring sumalamin sa kapalaran ng mga mangingisda sa mga susunod taon.

 

Sa pabago-bagong industriya ng agrikultura, huwag natin kakalimutan na ang pangingisda ay ang isa sa mga hanapbuhay na patuloy na nagbibigay-trabaho sa mga mamamayan na nangangailangan nito. Ang sektor din na ito ay isa sa mga industriya na taon-taon ay may pinakamalaking kontribusyon sa ating ekonomiya. Kaya’t mahalaga na tayo ay tumatangkilik sa ating mga lokal na produkto upang direktang mabigyang hustisya ang paghihirap na dinaraan ng ating mga mangingisda.

 

Nalathala din ang artikulo na ito sa The Benildean Volume 8 Issue No. 2: Reacted.