Layout By Juliana Polancos
Layout By Juliana Polancos.

Michelle Dee: Makabagong Dilag sa Miss Universe 2023


Handa na ba kayo sa mga DEE malilimutang pasabog ng Miss Universe 2023?


By Mariah Corpuz | Thursday, 16 November 2023

Ganda, kilos, at utak—tatlong salita na siyang pinakamalaking batayan sa pangangasiwa’t pagtatanghal ng bagong reyna. Ngunit, dahil sa malawakang pagbabago ng kultura at lipunan, tila’y nag-iiba na rin kung ano na nga ba ang pamantayan ng kagandahan o kakayahan ng kababaihan pagdating sa mga patimpalak na gaya ng Miss Universe.

 

Usap-usapan ngayon ang nalalapit na Miss Universe 2023 coronation night na gaganapin sa El Salvador sa Sabado, Nobyembre 18. Mahigit siyamnapung kababaihan na kumakatawan sa kani-kanilang mga bansa mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang naglalaban-laban upang makamit ang iisang korona—kasama na rito si Michelle Marquez Dee, ang itinanghal na Miss Universe Philippines 2023

 

Pananaw sa bagong reyna

Samu’t-sari ang naging opinyon ng mga Pilipino sa pagpili kay Dee bilang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe 2023. Maraming sumusuporta sa makabagong atake nito sa kompetisyon, subalit marami rin naman ang nagkaroon ng negatibong reaksyon at nag-alinlangan sa kakayahan ng binibini. 

 

Hindi rin talaga maitatanggi ang kaibahan nito. Mula sa kanyang itsura’t pananamit, adbokasiya, hanggang sa kompiyansa niya sa sarili, kumpara sa kanyang mga katunggali gayundin sa mga naunang kumatawan bilang Miss Universe Philippines. Subalit, base sa mga nakikitang paghahanda ni Dee, sapat na ba ito para masabing malaki ang tyansa niya upang manalo?

 

Kitang-kita ang bold aura at fierce look sa pisikal na katangian at pananamit ni Dee, lalo na noong pagtapak niya sa El Salvador—na naging dahilan ng paglitaw nito sa ibang mga delegada. Si Dee ang kauna-unahang kinatawan ng Pilipinas na may lakas-loob lumaban ng may maiksing buhok sa international pageant na mas pinaikli niya pa bilang parte ng kanyang paghahanda sa Miss Universe.

 

“I really believe it highlights my personality. You know, being in the pageant stage with short hair symbolizes breaking the barrier, and it symbolizes what I truly stand for which is to empower everyone that you don’t have to fit in just to become Miss Universe,” wika ni Dee sa isang panayam niya sa ABS-CBN News.

 

Nabanggit niya rin sa panayam na hindi niya ito ginawa upang magrebelde, bagkus para maipakita na ang lahat ay may pagkakataong sumikat sa pamamagitan ng pagpapakatotoo’t pagpapamalas ng sariling natatanging katangian at talento.

 

Makabuluhang adhikain

Kasabay ng modernisadong panahon ngayon ay ang paghahanap ng mga transformational leaders, na siya namang binigyang-diin ni Thai bussinesswoman Anne Jakrajutatip, ang may-ari ng Miss Universe, sa pagkokorona ng mga susunod na tatanghaling reyna.

 

At kung ating natunghayan ang adbokasiya ni Dee sa Voice for Change video, na “Autism Acceptance, Inclusivity, and Empowerment,” ay isa ito sa mga maituturing may kaakibat na makabagong pamumuno sa lipunan at “game changer” sa nasabing patimpalak. 

 

Binibigyan niya ng boses ang mga taong may special needs na hindi gaanong nabibigyang pansin. At kung mabigyan man ng atensyon ay madalas nakikitang mahina’t iba pa ang turing kumpara sa pangkaraniwang mamamayan. Sa kabila ng pagkakaroon ng hindi “mainstream” o hindi madalas napag-uusapang isyu sa Miss Universe, ang autism ay tunay na malapit sa puso ni Dee lalong lalo na dahil sa kanyang dalawang lalaking kapatid na nasa autism spectrum din. 

 

Patuloy niyang pinapatunayan ang kaniyang tapat na serbisyo sa kanyang lifelong mission sa pagkakaroon ng partnership sa Autism Society Philippines (ASP) bilang kanilang Goodwill Ambassador simula 2019 hanggang sa kasalukuyan.

 

Kaya naman hindi maikakaila na maraming taong naantig sa kanyang kwento na naging dahilan ng kanyang pagkapanalo sa kategorya ng Voice for Change Campaign. Siya ay nakakuha ng 264,051 na kabuuang boto, lumalang ng mahigit 100,000 na boto sa pumapangalawang kandidata ng kompetisyon. Ito'y nakapagbibigay kasiguraduhan na makakatanggap ng $12,000 cash prize galing sa Miss Universe na para sa autism awareness advocacy ni Dee.

 

Matinding kumpiyansa sa sarili

“I'm giving it everything that I have, 200% of myself I am dedicating to my crown. Nililigawan ko talaga ‘yung pang-limang korona,” pahayag ni Dee sa muli niyang pagpirma ng kontrata sa ASP.

 

Simula palang sa kanyang matinding paghahanda at pag-eensayo ng kanyang pasarela, makeup, at hair styling, ipinapakita niya kung ano ang tunay na lakas ng isang babae na buong pusong lumalaban para sa korona.

 

Gaya nang nasambit, kung sakali man si Dee ang magwagi’t itanghal na Miss Universe 2023, siya ang mag-uuwi ng ika-limang korona ng Pilipinas na susundan sina Gloria Diaz (1969), Margie Moran (1973), Pia Wurtzbach (2015), at Catriona Gray (2018). 

 

Hindi man natin alam ang magiging kapalaran ni Dee sa kompetisyong ito, sigurado naman tayong may pag-asa siyang manalo. Nagamit niya ng matiwasay ang oras niya bilang Miss Universe Philippines upang tumatak ang kaniyang pangalan at kuwento sa buong mundo. Napatunayan niya ring hindi kailangang gayahin ang nakasanayang itsura’t kagawian upang makipagkumpitensiya sa ganitong patimpalak. 


Patuloy nating suportahan ang ating reyna upang siya ay makapasok sa semifinals at ipakita kung paano magbayanihan ang mga Pilipino, sa pamamagitan ng pagboto sa kanya sa Miss Universe app o ‘di naman kaya sa Miss Universe website.