Layout Banner By Kamille Castillo
Layout Banner By Kamille Castillo.

Pangungulila sa namayapa: Ang paggunita ng memorya at kultura ng Undas


Sa pag-ihip ng kandilang sinindihan para sa mga yumaong mahal sa buhay, pati ba ang kulturang Pilipino’y lilipas din?


By Ryzza Ann Gadiano, and Mariah Corpuz | Wednesday, 1 November 2023

Mahalagang balik-balikan ang bunga ng pinagmulan ng Undas. Dahil sa bawat kandilang sinisindihan, lapidang inuukit, at bulaklak na inaalay ay nagtatamo ng memoryang hinding-hindi malilimutan. Ang kasaysayang ito ang puno’t dulo ng lahat na siyang patuloy na nag-uugat sa mga kasanayan na hanggang ngayon ay makikita sa gawi at kilos ng lahat tuwing Araw ng mga Patay. 

 

Tuwing buwan ng Nobyembre, muling inaalala ang natatanging sagradong panahon upang ipagbunyi ang mga namayapang kapamilya, kamag-anak, at mga kaibigan na ngayo’y nabubuhay na lamang sa ating mga memorya. Ngunit hindi lamang ito ang nais maipaalala ng Undas, kundi mananatiling mahalaga rin ang patuloy na gawi mula sa mayaman na kultura at tradisyon ng mga Pilipino lalo na sa okasyon na ito.

 

Paggunita sa pinagmulan

Ang salitang “Undas” ay nagmula sa salitang Espanyol na Dia Delos Todos Santos na nangangahulugang “Day of All Saints.” Noong panahon ng Kastila, ang makapag-aral ng banyagang wika ay isang pribilehiyo para sa mga Pilipino. Gayunpaman, hindi lahat ay nabigyan ng pagkakataon upang matutunan ang wikang Espanyol. Subalit, ito’y nasolusyunan sa pamamagitan ng pagpapaikli sa mga pag-uusap ng mga Espanyol sa paraan na mas maiintindihan ng mga Pilipino. Sa paglipas ng panahon, ito na ang nakasanayang ngalan upang isaad ang nasabing kaganapan tuwing Nobyembre. 

 

Ngunit bago pa man ang panahon ng kolonyalismo sa Pilipinas, may mga natatanging kasanayan na ng pag-alala at pagdaos ang mga sinaunang Pilipino sa araw ng Undas. Noon pa lang ay nakaugalian ng mga Pilipino na tandaan ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay. Ito’y nagpapatunay na’ng pag-uugali sa araw ng Undas ay tradisyon na ng mga Pilipino noong sa simula pa lang at mas napaunlad lamang ito sa impluwensya ng mga banyagang bansa.

 

Maraming mga anyo ng nakaugalian noon ang laganap na isinasagawa ng mga Pilipino upang maipamalas ang kanilang pagmamahal sa mga yumao. Ngunit, isa sa mga kultura na ginagawa mula noon na hanggang ngayo’y ibinabahagi ay ang pag-aatang ng mga tao. 

 

Sa rehiyon ng Ilocos, ito ay isang napanatiling pamamaraan kung saan sila ay nag-iiwan ng pagkain para sa kanilang namayapang mahal sa buhay. Naniniwala ang mga Ilokano na ang mga namayapa ay patuloy pa rin na namumuhay kabilang nila sa araw-araw na pamumuhay. Sa kadahilanang ito, tuwing Undas ay patuloy na nag-aalay ng mga pagkain na para lamang sa patay upang sila ay masiyahan.

 

Sa rehiyon naman ng Gitnang Visayas, partikular sa Cebu, isa sa laganap na gawi ay ang tinatawag na palina. Ang palina ay isang tradisyon kung saan bago mamaalam ang pamilya sa kanilang namayapang mahal sa buhay, sinusunog nila ang mga dahon at pinapalibutan nila ang kanilang mga sarili sa usok na nagmumula roon. Ayon sa paniniwala, sa pamamagitan nito ay makakaiwas sila sa iba’t ibang dalubyong maaaring mangyari sa kanila tulad ng sakit, masasamang pangyayari, at ang pinaka-malala, ang kamatayan. Bagama’t ito ay lumang gawi, ito ay pinepreserba sa pamamagitan ng pagmana ng mga nakababatang miyembro ng pamilya. 

 

Pagbabago sa kaugalian

Hindi maitatanggi ang unti-unting pagbabago ng mga nakagawiang paraan o tradisyon ng pagdiriwang ng Undas. Sa panahong ito ay kadalasang mas pinipiling na lamang ilaan ang Undas sa pagbabakasyon bilang pahinga mula sa eskwela at trabaho. Ang iba nama'y ibinibigay ang mga araw na ito sa paghahanap ng karagdagang pagkakakitaan dahil sa hirap ng buhay.

 

Maraming mga pamilyang nagdadasal at nagtitirik na lamang ng kandila sa kani-kanilang tahanan. Madalas sinasamahan pa ito ng pagkain at inumin na inilalagay sa hapag ng kani-kanilang altar bilang mga munting alay para sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay. Ito ay ang ilan sa mga makabagong pag-uugali sa panahon ng Undas na idinulot na rin ng modernisasyon at kahirapan sa buhay.

 

Isang pangyayari na nagdulot ng malaking pagbabago sa paggunita ng Undas ay ang pagdating ng pandemya ng COVID-19. Isinarado ang mga sementeryo’t kolumbaryo sa buong bansa noong taong 2020 hanggang 2021. Naudlot at nalimitihan ng halos mahigit dalawang taon ang pagbisita ng mga mag-anak sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Ang kaganapang ito ay naging halimbawa na, sa kabila ng limitasyon, nakahanap ng sari-sariling paraan ang mga pamilyang Pilipino upang alalahanin pa rin ang mga mahal nila sa buhay na wala na sa mundong ibabaw.

 

Ngayong taon, mas maluwag na ang mga patakaran patungkol sa pagbisita sa sementeryo at mga lugar ng pagkakahimlay—tulad na halos ng mga lumang gawain bago ang pandemya.

Nag-iiba man ang mga pamamaraan o tradisyon sa pagbibigay-galang sa mga yumao, mula sa simula hanggang sa kasalukuyang panahon, iisa pa rin ang nais ipahiwatig nito: bawat taon ay patuloy tayong nag-aalay ng panalangin para sa kanila, kasabay ang paggunita sa kanilang memorya noong nabubuhay pa sila.

Last updated: Wednesday, 1 November 2023