Layout By Maia Martin
Layout By Maia Martin.

Mamasapano: Mga sagupaang itinanim sa bukiran


Sa pagitan ng konsensya at kapangyarihan, ano ang kaya mong dalhin hanggang kamatayan? Muling alalahanin ang kabayanihan ng mga Pilipino sa “Mamasapano: Now It Can Be Told.”


By Mariah Corpuz, and Ryzza Ann Gadiano | Friday, 26 January 2024

Ginugunita tuwing Enero 25 ang anibersaryo ng trahedyang naganap sa Mamasapano, Maguindanao kung saan patuloy na lumaban ang magigiting na Fallen 44 sa kabila ng kasakiman na naghihintay sa kanilang mga buhay.

 

Inilabas noong Disyembre 25, 2022, ang historical-action film na “Mamasapano: Now It Can Be Told” ni Lester Dimaranan na nais magbalik-tanaw sa madilim na kasaysayan ng Pilipinas. Inaalala ng pelikulang ito ang mga buhay na nagsakripisyo at ang pagpapamalas ng katapangan ng 44 na miyembro ng Special Action Forces (SAF), o mas kilala bilang ang Fallen 44, sa pagtugis ng mga teroristang nasabi ay nasa Mamasapano, Maguindanao.

 

Isa ang “Mamasapano: Now It Can Be Told” sa mga opisyal na kalahok ng Metro Manila Film Festival 2022 kung saan nakasungkit ito ng tatlong parangal na nagbibigay pugay sa kabuuang gawa ng pelikula. Nakamtan nito ang “Best Picture(2nd Place), “Best Screenplay,” “Best Original Theme Song,” at ang “Fernando Poe Jr. Memorial Award.”

 

Oplan Exodus

Hango sa mga totoong pangyayari, isinasalaysay ng pelikula ang kababalaghang naganap dahil sa planong hulihin sina Marwan at Usman, ang mga high-value targets na may malaking halaga ang nakapatong sa ulo at nasabing maalam sa paggawa ng mga bomba, ay nabalitaang nananatili sa Mamasapano, Maguindanao. Dito nagbunga ang Oplan Exodus ni PNP Chief Alan Purisima (Rez Cortez) kung saan 44 na miyembro ng Philippine National Police Special Action Force at Seaborn Special Action Company ay napasailalim sa pamamalakad ni PNP SAF Chief Getulio Napeñas (Alan Paule). Sa simula ng operasyon, naging maayos at madali ang daloy ng operasyon. Subalit, habang ito ay tumagal nang tumagal, nagbunga sa isang hindi inaasahang pangyayari kung saan napagitnaan at na-engkwentro ng 44 na miyembro ang iba’t iba pang mga grupo ng terorista na pumapaligid sa Mamasapano.

 

Datapwat isa sa mga kalahok ng MMFF 2022 na nakapag-uwi ng ilang gantimpala ang “Mamasapano: Now It Can Be Told,” naging mataas ang ekspektasyon sa kabuuang produksyon o  pagpaplano’t pagsasagawa ng palabas na ito. Nagamit ng matiwasay sa pagpapahiwatig ng mensahe ang iba’t ibang elemento ng produksyon sa pelikula, gaya ng lighting, color grading, sound effects, pati na rin ang mga props at damit. Agaw-pansin din ang kamangha-manghang pagganap sa karakter nina Benjamin Magalong (Edu Manzano) at Getulio Napeñas (Alan Paule) na nag-ambag nang malaki sa kabuuang tagumpay ng palabas. Naibigay nila ang angkop na emosyon na nagpa-angat ng tensyon sa mga eksena nila.  Dagdag pa rito, may mga kuhang anggulo sa mga eksena, lalong lalo na sa simula ng palabas, na talagang nagpadagdag ng maayos na sinematograpiya sa pelikula. 

 

Subalit, masasabing marami pang pwedeng gawin upang mas mapaganda pa ang palabas, lalong lalo na ito’y inilalaan para sa ating mga magigiting na tagapaglingkod ng bayan. ‘Di maiiwasan na may mga bahagi ng pelikulang minsa’y nakakabagot. Marahil hindi akma ang anggulo ng pagkuha sa eksena, maling pagpasok ng mga kanta, o hindi naman kaya’y kulang ang ekspresyon ng kilos at ‘di kaaya-aya ang linya ng mga aktor. Kapansin-pansin din ang paggamit sa pelikula ng mga computer-generated imagery (CGI), lalo na pagdating sa eksenang pagsabog ng mga bomba, na hindi pa gaanong pulido ang pagkakagawa’t paglagay ng mga ito.

 

Ang atake sa sariling kwento

Sa kabila ng isang nakakapanabik at kaalamang inialay ng pelikula, hindi nito nabigyan ng kabuuang hustisya ang kaganapan sa bawat commando na kasapi ng SAF 44. Ang naging daloy ay mas nakabatay sa mga pangyayari pagkatapos ng labanan, at, dahil dito, ang mga ambag at sakripisyo ay hindi masyado nabigyan ng pansin. Subalit, nang dahil sa mga diyalogong nakalaan bilang mga pahayag ng mga nabuhay tungkol sa mga nasawi, ay napreserba pa rin ang kanilang mga kuwento sa labanan sa Mamasapano.

 

Dagdag pa rito ay ang kakulangan ng personalidad ng bawat karakter sa pelikula. Ang pagganap sa isang mahalagang karakter ay ang nagbibigay buhay sa pelikula at kabuuang pagkakakilanlan sa katauhang iyon. Maaaring maudyok ang madla sa parehong kaisipan na gano’n ang naging reyalidad sa mga pangyayari. Ngunit mahalaga pa rin magsagawa ng sari-sariling pagsusuri ng mga impormasyon o fact checking sa mga hindi maintindihan na kaganapan sa pelikula. 

 

Ang kamulatan ng madla

Bilang isang historical-action film na hango sa totoong pangyayari, dito pumapasok ang kahalagahan ng bawat Pilipino na magkaroon ng sari-sariling kaalaman upang mas maisapuso ang katotohanan sa likod ng pelikula. Subalit, sa kabila ng lahat ng mga pagkukulang at pagkakamali sa pelikula, masasabing epektibo pa ring naipahayag ang ideyang nais itaktak nito sa mga manonood. At ito ay maibahagi ang engkwentro ng labanan sa Mamasapano.

 

Sa kasamaang palad, kasalukuyan paring mailap ang hustiyang kay tagal nang inaasam-asam para sa 44 na miyembro ng SAF makalipas ang mahigit siyam na taon mula sa trahedyang ito. Ngunit ang pangyayaring ito ay hinding hindi na makakalimutan at maitatanggi pa sapagkat bahagi na ito ng ating kasaysayan. Ang kontribusyon ng 44 na SAF sa Mamasapano ay sapat na upang maipakita ang kanilang katapatan, katapangan, at pagmamahal sa bansa. Ito ay ang nagpapatunay na karapatdapat na paggunita bilang mga makabagong bayani ng ating bansa. Nawa’y maging turo at gabay ito sa mas marami pang Pilipino na tumulad sa kanilang kabayanihan.

 

Ang “Mamasapano: Now It Can be Told” ay maaaring mapanood sa Netflix at YouTube.