Layout Ni Hiro Odamaki
Layout Ni Hiro Odamaki.

Mga pagpapatotoo ng Martial Law survivors muling ipinaalala sa dokumentaryong “11,103”


Huwag palagpasin ang pagkakataong masilayan ang natatanging dokumentaryo na ito ngayong araw, Setyembre 27, 12 p.m. sa Duerr Hall Auditorium sa Taft Campus. #NeverAgain #NeverForget


By Shaine Agulto, and Ryzza Ann Gadiano | Friday, 27 September 2024

Mula sa kasaysayang buo at ipinaglalaban, unti-unting nabubura sa kasalukuyan ang mga memorya ng nakaraan sa bansa. Kahit na masasabing nakaukit sa kaalaman ng lahat ang mga pangyayari noon sa Batas Militar, ito ba ay masasabi pa rin sa mga susunod na henerasyon ng kabataang Pilipino?

 

Mula sa direksyon nina Jeannette Ifurung at Mike Alcazaren, inaalala ng award-winning documentary na "11,103" ang mga naging biktima ng panggagahasa, pagpapahirap, at pagpapaslang noong panahon ng Batas Militar o Martial Law. Isinalaysay nito ang mga kwento ng mga indibidwal na nailagay sa mga sitwasyon kung saan sila ay walang kalaban-laban at nakasaksi ng hindi makatarungang sistema noong kapanahunan na iyon.

 

Unang inilabas ang "11,103" sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB) noong Pebrero 23, 2024. Subalit bilang parte ng paggunita sa ika-52 na deklarasyon ng Martial Law sa Pilipinas, ito ay ilalabas muli ngayong Setyembre 27, mula 12:00 NN hangang 2:00 p.m. sa 5F Duerr Hall Auditorium, Taft Campus.

 

Mula sa kayamanan ng sapatos at damit

Noong 2013, inilunsad at isinabatas ang Republic Act No. 10368, kilala rin bilang “Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013,” upang makapagbigay reparasyon sa mga indibidwal na naapektuhan ng Batas Militar. Ito ay nakatulong sa mga biktima gamit ang nakaw na yaman ng pamilyang Marcos. 

 

Gayunpaman, sa kabila ng batas na ito, mahigit sa 11,103 na katao lamang ang nakakuha ng tulong mula sa libo-libong apektadong indibidwal at pamilya sa karumal-dumal na karanasan. Isa sa rason nito ay ang mabagal na daloy ng impormasyon at balita ukol sa batas. Ito ay humantong sa punto kung saan hindi na umabot sa kinatitirahan ng marami pang ibang mga apektado. 

 

Ang kwento nina Aurora Parong at Edicio Dela Torre ay ilan lamang sa dinami-dami na naglahad ng kanilang napagdaanan sa dokumentaryong "11,103." Isinaad ang kanilang karanasan gamit ang personal na naratibo at ilustrasyon upang mas mabigyan ng buhay ang kanilang mga panayam. Sa pamamagitan nito, mas nailahad na sila ang pruweba at ang katotohanan sa likod ng mga kasinungalingang pumapaligid sa pangyayari noong 1971. 

 

Ayon sa kanilang kabuuang panayam, tunay na naging iba ang buhay na kanilang tinahak noong isinabatas ang Proklamasyon No. 1081. Isinalaysay nila ang buong detalye ng mga nangyari sa kanilang sarili, pamilya, at ang komunidad na kanilang kinabibilangan.

 

Dagdag pa rito, hindi lamang mga indibidwal ang naging lunduyan ng dokumentaryo, kundi pati na rin ang mga komunidad na pinaslang na walang kaawa-awa. Ilan sa mga natalakay na massacre sa dokumentaryo ay ang Malisbong Massacre at ang Massacre of Sag-od.

 

Sa kabila ng lahat, sila ay patuloy na naninindigan upang malagpasan ang mga pangyayari. Ngunit ang katotohanan nito, ang karanasan na kanilang pinagdaanan ay hindi madaling kalimutan. Madaling masaad ang kasabihan na “To forgive and forget;” pero sa katunayan, ito ay dapat pinapahalagahan. 

 

Habang unti-unting nawawala ang bakas ng mga kwento noon, ngayon pa lang ay kinakailangan itatak sa kaisipan ng lahat na sila ang truth tellers ng kanilang henerasyon. Ang kanilang pagkakakilanlan bilang simbolo ng  rebolusyon ay patunay na ang mga tao noon ay lumaban. 

 

Sa huli, ang kahalagahan ng kanilang naratibo sa nagdaang punto ang nagbigay daan upang ang kanilang henerasyon, at ang mga sumunod pa, ay mabigyan ng demokrasya para sa lahat, lalo na ang bansa.

 

Pagkakataon upang maliwanagan

Nilikha ang dokumentaryong "11,103" noong 2022 upang magbigay-daan sa pagpapaalala sa mga Pilipino ang hindi makatwiran na karanasan ng mga tao noong tinupad ang naturang proklamasyon.

 

Ang makabagbag-damdamin na mga kwento mula sa mga testimonya ng mga biktimang dumaan sa kamay ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang magdadala sa mga manonood sa panahon kung kailan kakaibang hirap ang kanilang tiniis at dinanas. Ilan lamang ang mga nakapanayam sa dokumentaryo ang nakaligtas sa dami ng mga biktima ng kaganapang ito. Paano pa kaya ang mga taong binawian ng buhay sa panahon ng batas militar? Kailan ma'y hindi mababawi ng salapi ang lahat ng kanilang pinagdaanan.

 

Hindi na tayo maibabalik sa nakaraan upang ating malaman ang buong kaganapan. Sa kabila ng lahat, tayo ay may kalayaang magdesisyon at humanap ng paraan upang maging maalam sa mga nangyari sa kasaysayan. Huwag nating hayaan na ang mga biktimang nakaligtas na lamang ang mga magiging boses ng mga yumao sa kaganapang ito. Tayo ay marapat na maliwanagan din at ipagpatuloy ang pagpapahalaga nito sa mga susunod na henerasyon.

 

Ang dokumentaryong 11,103 ay patuloy na pinapalabas ng Active Vista PH sa iba’t ibang panig ng mundo at bansa, upang labanan ang maling impormasyon at historical distortion.

 

Kung nais niyong may higit pang malaman tungkol sa 11,103, maaari niyong bisitahin ang kanilang Facebook Page at ang kanilang website na 11,103 Film.