Mula sa naramdaman na kalungkutan noon ay dala dala pa rin ng karamihan ngayon ang mga natutunan nila. Ang mga pangyayari sa Halalan 2022 ay isang tiyak na kaganapang tumatak sa kaisipan ng lahat. Sa karamihan ng lumaban, sila ay may balotang blanko—hindi rehistrado. Subalit sa papalapit na Midterm Election, karamihan ng kabataan ay botante.
Isa sa maraming pagbobotohan ng mga kabataang bagong rehistro ay ang Midterm Election sa taong 2025. Ngunit hindi natin maisantabi ang bumabagabag sa kaisipan ng lahat kung ang mga tumatakbo sa Senado ay tunay na kaagapay ng masa sa paghihirap at pag unlad o kung ito ay isang repleksyon lamang ng nakaraan ng bansa.
Ang kaganapan sa gobyerno ngayon ay mainit na paksa sa mga usapan mapa-social media man o sa pang araw-araw na pag uusap. Kasama na rito ang mga isyung pumapalibot kina Pastor Apollo Quiboloy at dating Bamban mayor Guo Hua Ping, o mas kilala sa pangalang Alice Guo. Dagdag pa ang mga kontrobersiya ni Bise Presidente Sara Duterte na nagpakita ng mas dumidilim na estado ng bansa. Dito pa lang ay hindi na matantsahan ang kinabukasan ng mga Pilipino. Nakakatakot isipin ang posibilidad ng mga taong tulad nina Quiboloy at Guo ang maaaring maging kalakip sa gobyerno.
Patunay ng balota
Ayon sa news report ni Mariel Serquina ng GMA Integrated News, isinaad ng Commission on Elections (COMELEC) na higit 20 million na Filipino mula sa Generation Z and inaasahang bumoto sa halalan.
Nararapat para sa bawat Pilipino ang isagawa ang kanilang mga pangunahing karapatan lalo na ang pagboto. Subalit ito ay isang paksa na hindi naman natutunan sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan. Madalas ito ay mula sa mga nakakatanda o sa mga kakilala natin na nakaboto na sa mga nakaraang halalan. Ngunit sa harap ng balota, sarili mo lamang ang tunay na makakamarka kung sino ang nararapat.
Hindi mapagkakaila na ang impluwensiya ng social media at ang lantad na fake news ay nakakabahala sa pagpapalaganap sa katotohanan sa masa. Subalit sa sanaysay ni Holden Kenneth G. Alcazaren, isinaad niya na marami pa rin ang umaasa sa mga natutunan sa eskwelahan upang bumuo ng kanilang pansariling ideya at paniniwala sa mga napapanahong isyu sa bansa. Kaya naman mahalagang pagtuunan ng pansin ang paglunsad ng mga inísyatiba na maging bukas sa mga usaping sa panlipunan at pampulitika. Ito ay upang magkaroon ang mga mag-aaral ng lugar na kumikilala ng kanilang kakayahan magkaroon ng higit na kamalayan sa lipunan at pulitika.
Ang pagsiklab ng damdaming Pilipino
Mula noon hanggang ngayon, nakikita pa rin ang patuloy na epekto ng mga pinaglaban ng mga ninuno natin para sa bansa. Sa panahon nila sumiklab ang patunay na ang pagbabago ay nagsisimula sa paniniwala, tiwala sa bawat isa, at sa hangad na kapalaran upang mapabuti ang kalagayan ng lahat.
Nakapanayam ng The Benildean si Dr. Gary Ador Dionisio, ang Dean ng Benilde School of Diplomacy and Governance (SDG), kung saan isniaad niya ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga kabataan na makilahok sa mga gawaing sibiko, partikular ang pagboto sa eleksyon.
Subalit sa kaibahan ng henerayon ay hindi maiisantabi ang epekto ng social media at ang laganap na misinformation at disinformation na nakikita sa iba’t ibang plataporma. Kung kaya’t hinihikayat ni Dr. Ador Dionisio ang manumbalik sa kasaysayan ng bansa bilang batayan ng kung anong “programa at pilosopiya ang dapat yakapin.”
“Kung ang reference talaga natin ay ‘yung panahon nila Bonifacio, magiging consistent tayo [sa paniniwalaan natin]. Ang mga pinaglaban noon nila Bonifacio against dictatorship, against sa mga taong mapang-api, [para] sa mga underprivileged and underrepresented na miymebro ng ating lipunan… that will inspire further our youth,” pagpapaliwanag ni Dr. Ador Dionisio.
“So pipili sila [ang kabataan] dapat ng mga kandidato from baranggay to city, municipality, to province, hanggang sa national level na talagang mag-a’aspire ng mga pinaglaban ni Bonifacio noon,” dagdag ng SDG Dean.
Dagdag pa rito, pinaaalalahanan ni Dr. Ador Dionisio ang pagiging kampante sa kasalukuyang lagay ng bansa kung saan sinusuportahan ang status quo nito. Subalit isinaad niya na may pangangaligang muling buhayin ang pagtanto ng isang alternatibong Pilipinas. Isang bansa na mayroong lipunan na naiisakatuparan ang batas at nakakapag bigay ng oportunidad hindi lamang sa nakakaangat kung ‘di para sa may laylayan din.
Ngunit ang mga ito ay hindi basta basta matatamo at dito pumapasok ang tungkulin ng kabataan na umaksyon upang makamit ang miniminthing pagbabago.
Inilahad niya na, “Ang challenge, really, especially for the youth, huwag tayo magpapadala sa mga maling impormasyon, wag tayo magpapabola sa mga taong magaling magsalita, kung ‘di [ito ay] suriin natin.”
Bilang mga Benildyano, tayo ay mayroong misyon na kasapi sa ating pagkakakilanlan bilang mga estudayante ng pamantasan. Ito ay ang to serve the least, the last, and the lost na magagampanan natin sa patuloy na pagboto ng karapat-dapat na kasapi ng gobyerno.
Ang laban ng kabataan ay nagsisimula sa tama at wastong kaalaman ng nakaraan na mag-uugat sa pansariling aspirasyon ng bansa upang itaguyod ang pagpupunyagi ng mga bayani noon.
“Sabi ni Bonifacio, “Bayan, bayan, bayan ko, 'di pa tapos ang laban mo.” And that’s true, hindi pa tapos ang laban ni Bonifacio. This should be carried by individuals, by the youth, and by the society in general who will continue to aspire for an alternative Philippines,” ani Dr. Ador Dionisio.
Tandaan mo, may boses ka at may karapatan tayo. Lumaban ka hanggang sa kakayahan mo. Lumaban ka dahil kaya mo, lalo na at ika’y may abilidád na bumoto.