Sa pag-usbong ng bagong yugto ng Simbahang Katolika, muling pinanghahawakan ng mga Katolikong Pilipino ang pananampalatayang patuloy na humuhubog sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Pinagyayaman nito ang tradisyon sa pamamagitan ng mga relihiyosong kaganapan, lalo na tuwing Semana Santa, na kilala rin bilang Mahal na Araw.
Masigasig na isinasabuhay ng mga deboto ang kanilang pananampalataya. Sa kanilang mga taimtim na panalangin, pagdalo sa misa, pakikiisa sa mga prusisyon, at pagtupad sa mga panata—masasalamin ang isang pananampalatayang hindi kumukupas, kundi lalong tumitibay sa paglipas ng panahon.
Kung nasaan ang hustisya, naroon ang Diyos
Sa gitna ng mga pagbabagong kinahaharap ng pananampalataya sa makabagong panahon, nananatiling matatag ang paninindigan ng isang pari.
Sa panayam ng The Benildean kay Fr. Robert Reyes, isang 70-anyos na kura paroko ng Our Lady of Perpetual Help Parish, ibinahagi niya ang kaniyang aktibong paglilingkod sa taunang pagninilay tuwing Mahal na Araw. Sa apat na dekada ng kanyang bokasyon, patuloy siyang naglilingkod sa pananampalataya hindi lang sa altar, pati na rin sa lansangan.
“Lahat ng mga Mahal na Araw, kung saan man ako naroroon, involved ako,” aniya—isang patunay ng kanyang matibay na paninindigan sa pagpapalalim ng pananampalataya, hindi lamang sa loob ng simbahan, kundi sa mismong komunidad.
Ngunit sa kabila ng tradisyon, mas mahalaga para sa kanya ang mas malalim na pagkaunawa sa sakripisyong ginampanan ni Kristo. “Ang anak ng Diyos ay naging tao… hindi Siya exempted sa pagiging tao,” pagbabahagi niya.
Para kay Fr. Reyes, ang pagdiriwang ng Semana Santa ay hindi dapat maging mekanikal na ritwal kundi pagkakataon upang balikan ang tunay na kahulugan ng pagiging Kristiyano. “Kung ang Diyos ay bahagi ng buhay ko, maski anong hirap ng pagsubok, hindi ako magtataksil sa Kanya.”
Sa panahong tinatawag niyang “era of godlessness,” ang tanong ni Fr. Reyes ay lumalagpas sa simpleng relihiyosong seremonya: “Sino ang mas mahalaga sa inyo? Yung pari ninyo o si governor?”
Isang hamon na paulit-ulit niyang inihahayag sa mga Katolikong dumadalo ngunit tila hindi lumalago sa pananampalataya. Sa kanyang pananaw, ang tunay na misyon ng pagiging Katoliko ay hindi nagtatapos sa liturhiya; bagkus, ito’y nagsisimula sa gawa—ang pagiging misyonero sa araw-araw, sa bawat pasyang pinaninindigan kasama ang Diyos sa mundong unti-unting lumalayo sa Kanya.
Pag-uwi sa piling ng Panginoon
Nang nakapanayam ng The Benildean sina Daisy Delos Santos at Carmelita dela Rosa, mga kapwa lectors at commentators sa simbahan, nasambit nila na ang pananampalataya ay hindi lamang isinasabuhay tuwing Mahal na Araw, kundi araw-araw bilang gabay sa kanilang pamumuhay at pakikitungo sa kapwa.
Para kay Daisy, 57 taong gulang, mula sa Immaculate Conception Cathedral sa Pasig, hindi madaling panatilihin ang pananampalataya, lalo na sa mga panahong tila tahimik ang Diyos. “Lagi ka namang nagdarasal pero nangyayari pa rin ’yung hindi mo inaasahan,” aniya.
Bagamat dumaraan siya sa mga sandaling kinukuwestyon ang pananampalataya, hindi niya kailanman tinalikuran ang Diyos. “Walang moments sa buhay ko na tumalikod talaga ako sa Kanya,” dagdag niya.
Samantala, si Carmelita, 75 taong gulang, ay patuloy sa aktibong paglilingkod bilang miyembro ng Legion of Mary, Caritas, at Collectors Ministry. Inihayag niya ang kaniyang paglilingkod ay bunga ng kaniyang pagtugon sa kanyang pananampalataya at hindi para sa pansariling kapakanan lamang.
“Mas pipiliin ko ito kaysa wala akong ginagawa, kasi alam kong para kay Lord ‘yung ginagawa ko,” ani Carmelita. Kahit napapagod at nakararanas ng hindi pagkakaunawaan, nananatili siya sa serbisyo. “Bakit ako magre-resign, eh hindi naman sila (mga katrabaho) ang pinagsisilbihan ko?” saad pa niya.
Batay sa kanilang mga salaysay, parehong nilang itinuturing ang pananampalataya bilang gabay sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Hindi nakasentro sa mga ritwal ang kanilang paninindigan, kundi nakaugat sa matibay na pag-asa. Sa pamamagitan ng kanilang halimbawa, naipapamalas na ang debosyong Katoliko ay isang pananalig na patuloy na isinasabuhay; kahit sa harap ng kawalang-katiyakan at kahit walang kapalit na gantimpala.
Debosyon at pag-asa
Ang pananampalataya ng mga Katolikong Pilipino ay isang malalim at buhay na ugnayan sa Diyos. Sa mga salitang inilahad ni April Conception, isang debotong mula sa Mandaluyong, “Kapag may matitinding problema at pakiramdam ko ay walang kalutasan, doon ko nararamdaman ang presensya ng ating Panginoon.” Sa mga ganitong sandali ng pagsubok, ang pananampalataya ay nagiging sandigan, ito ay isang paalala na hindi tayo nag-iisa sa ating mga laban.
Katulad ni April, binigyang-diin ni Dianne Santos, isang lingkod ng simbahan mula sa Taguig, ang kahalagahan ng pakikiisa sa mga tradisyon tuwing Mahal na Araw bilang paraan ng pagpapalalim ng pananampalataya.
Aniya, “Pagkatapos ng mga aktibidad tulad ng salubong at misa, ramdam mo talaga na may nabubuhay sa kaluluwa mo kasi kasabay nu’n, parang sinasalubong mo ‘yung pagkabuhay ni Hesus.” Sa kanyang pananaw, makikita ang pag-asa sa dulo ng bawat sakripisyong iniaalay—isang pag-asang nagbibigay ng tahimik ngunit malalim na kaginhawaan sa debosyon kay Kristo.
Pinagdudugtong ng kanilang karanasan ang tunay na diwa ng krus sa tatlong mahalagang bahagi ng pananampalatayang Pilipino: ang personal na mga pagsubok sa buhay, ang sama-samang paggunita sa sakripisyo, at ang muling pagkabuhay ng pag-asa.
Tulad ng sinabi ni April, “Sinasama ko sa panalangin ang mga taong nawawala sa pananampalataya, na ang lahat ng kanilang nararanasan ay pagsubok lamang at ang Diyos ay laging nandiyan para sa kanila.”
Ganito rin ang damdamin ni Dianne, na nagsabing ramdam ang “parang may nabubuhay sa kaluluwa” tuwing Mahal na Araw—lalo na sa mga aktibidad gaya ng salubong at misa. Para sa kanila, ang pananampalataya ay hindi lang sa simbahan tuwing linggo, kundi sa araw-araw na pagharap sa buhay na may paniniwala sa Diyos.
Ang pagtindig sa altar
Sa edad na 16, nagsimula si Russel John Ramos bilang isang sakristan sa simbahan, ito’y bilang tugon sa isang pangakong binitawan sa isang namayapang matalik na kaibigan.
“Sinabi niya sa akin noon, “Sama ka na lang sa akin magsakristan, baka sakaling gumaan pakiramdam mo.” Hindi niya inakala na ang simpleng paanyayang iyon ang magiging simula ng kanyang paglalakbay patungo sa isang mas malalim na ugnayan sa Diyos.
Bagamat puno ng mga tanong, galit, pighati, at takot ang kanyang puso matapos ang insidente, hindi niya kailanman tinalikuran ang simbahan. “May mga araw na tinatanong ko si Lord kung bakit kailangan ko pang magpatuloy. Pero lagi akong bumabalik…” aniya.
Hindi naging madali ang landas na ito sapagkat maraming gabing siya’y lumuluha sa katahimikan ng simbahan at mga umagang tila wala siyang direksyon. Sa kabila ng lahat ng pagod at sakit, unti-unting nahubog ang kanyang pananampalataya sa kanyang serbisyo.
“Ang paglilingkod ang nagturo sa akin kung paano magmahal kahit hindi ramdam pabalik. Kung paano maniwala kahit hindi sigurado.” Sa mga sandaling iyon, natutunan niyang harapin ang kanyang mga sugat nang may lakas at pag-asa.
Ngayon, si Russel ay hindi na lamang isang sakristan, kundi isang buhay na patunay ng pananampalatayang pinanday ng sakit at hinubog ng tunay na pagmamahal. Sa kanyang patuloy na paglilingkod, natagpuan niya ang kasagutang matagal niyang hinanap—hindi sa mga himala, kundi sa araw-araw na katapatan at presensya ng Diyos sa gitna ng kanyang mga pagsubok.
Sa kabila ng patuloy na pagbabago sa lipunan at simbahan, nananatiling buhay at matatag ang pananampalataya ng mga Katolikong Pilipino—isang paniniwalang hindi nasusukat sa ritwal kundi isinasabuhay araw-araw sa pakikibaka, paglilingkod, at paninindigan. Sa mga kwento ng mga mananampalataya, lumilitaw ang isang debosyong hinubog ng sakripisyo, hindi ng karangyaan. Isang pananampalatayang hindi simpleng pagsunod sa ritwal kundi malalim na ugnayan sa Diyos na laging kasama sa paglalakbay ng buhay.
Sa bawat hakbang at pagtindig, muling pinatutunayan ng mga Pilipino na ang pananampalataya ay hindi lamang tradisyon kundi isang misyon na buong pusong isinasabuhay.