Sa isang bansa kung saan ang impormasyon ay madaling kontrolin at ang katahimikan ay nabibili ng kapangyarihan, paano pa nga ba natin matutunton ang katotohanan?
Ito ang binigyang-tinig ng Lost Sabungeros, isang dokumentaryo sa direksyon ni Bryan Brazil na tumutok sa mga kaso ng mga sabungerong bigla na lamang naglaho sa gitna ng lumalaking kontrobersiya sa e-sabong.
Bagaman orihinal na bahagi ng official selection ng Cinemalaya 2023, hindi ito natuloy sa nasabing festival dahil sa mga sensitibong isyung legal at etikal na maaaring makaapekto sa mga taong sangkot sa kaso. Gayunman, hindi natigil ang layunin ng pelikula. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at ng QCinema International Film Festival, naipalabas ito sa piling mga sinehan, kung saan nabigyan ng espasyo ang mga boses na matagal nang pilit pinatatahimik.
Isa sa mga pangunahing tampok ng pelikula ay ang buhay ni Jon Lasco, isang lalaking may maayos at marangyang pamumuhay, kilala sa komunidad dahil sa taun-taong feeding program na kanyang isinasagawa tuwing kaarawan, at kilala rin sa kanyang malawak na chicken farm. Ngunit sa unang kaarawan niyang wala ang kanyang presensya, ang dating selebrasyon ay nauwi sa pagtitipon ng komunidad at kaanak na puno ng hinagpis at panawagan para sa hustisya.
Isa sa pinakamatitinding eksena sa dokumentaryo ay ang CCTV footage kung saan sapilitang isinakay si Jon sa isang puting van sa harap ng kanyang bahay. Walang arrest warrant, walang paliwanag, at hanggang ngayon ay wala pa ring opisyal na kasong isinampa laban sa kanya. Ang kanyang ina na si Carmelita Lasco ang naging pangunahing tagapagsalita ng pamilya, at sa kanyang mga pahayag ay masasalamin ang lungkot at galit ng isang inang pilit na humahanap ng hustisya.
“Sana man lang kinuha na nila lahat-lahat, hindi na sana nila dinala ‘yung aking anak…,” aniya, kasunod ng taimtim na panawagan, “Sinuman ang may hawak sa aking anak, maawa na kayo sa amin. Buhay man o patay. Mabigyan man lang namin ng justice o kaya magandang libing.”
Ang tahanang hindi na nabuo muli
Ang sumunod na inilantad sa dokumentaryo ay si John Claude Venson Inonog, isang lalaking walang aktwal na partisipasyon sa sabong kundi itinalagang drayber lamang ng mga kasali sa e-sabong events.
Ayon sa kanyang nobyang si Janina Pilarta, si Claude ay isang masipag na ama at responsableng katuwang sa buhay. “Ang talagang trabaho ni Claude sa field, laging driver. Hindi talaga siya nagsasabong. Ni humawak ng manok, hindi marunong ‘yun,” aniya.
Ikinwento rin niya ang huling araw bago ito mawala, kung saan tumawag ang isang kaibigan upang ipabatid na may entry umanong “naka-hold” sa Manila Arena. Agad niyang tinawagan si Claude nang paulit-ulit, subalit hindi na ito sumagot.
Ngunit ang pinakamasakit para kay Janina ay ang epekto ng pagkawala ni Claude sa kanilang anak. Araw-araw ay hinahanap ng bata ang kanyang ama. “Kapag vini-videocall ko ‘yung anak namin, sasabihin niya, ‘Wala pa si daddy? Ang tagal naman umuwi ni daddy… Lagi kong iniisip, ‘Kailan kaya kami ulit makukumpleto sa higaan na ito?’”
Samantala, sa isang tahimik na baryo sa probinsya, matatagpuan ang pamilya ni Edgar Tamano Malaca, isang mananari na hindi lamang eksperto sa pagsasanay ng panabong na manok kundi isa ring haligi ng kanilang komunidad.
Ayon sa kanyang kapatid na si Ederyln Bernardo at inang si Carmen Malaca, “Matagal na siyang mananari. ‘Yung mga kinikita niya mula sa pagsasabong, itinutulong niya sa mga tao.” Ang tulong na ito ay buwan-buwan, sistematiko, at may layuning mapagaan ang buhay ng mga tao sa lugar na salat sa kabuhayan. Wala siyang naiwang kontrobersyal na koneksyon, ngunit bakit siya nawala? Ito ang mahirap sagutin.
Ngunit ayon sa testimonya ng whistleblower, binanggit na ang mga utak sa likod ng mga krimen ay hindi namimili ng biktima. Maging drayber, mananari, o kahit sinong sadyang nakasaksi o maaaring makapagsalita lamang, tulad nila Lasco, Inonog, at Malaca, ay pinatatahimik.
Kapag ang alaala ay tinakpan ng salapi
Ayon sa whistleblower, ang pagkawala ng mga sabungero ay bunsod ng pandarayang isinasagawa sa e-sabong, kung saan ang mga sangkot ay pinatatahimik ang sinumang may nalalaman upang walang ebidensyang makalabas. Dagdag pa niya, ang mga katawan ng mga nawawala ay dinala umano sa isang bukirin o lawa sa Batangas at ipinain sa mga buwaya, ngunit sa aktwal na imbestigasyon, walang bakas ng krimen o hayop ang natagpuan—wari bang maingat na nilinis ang lugar. Sa pagtatangka ng film crew na makapanayam ang mga sabungero sa Manila Arena, karamihan ay tumangging magsalita, ngunit may iilang nagsabing, “Panigurado, patay na mga ‘yon.” Maging si Senador Bato Dela Rosa ay nagsabing sila ay nakikipag-ugnayan sa mga ahensya, ngunit inamin din niyang tila wala na ring magagawa ang batas kung walang sapat na ebidensyang lumilitaw.
Pagkalipas ng ilang buwan, nang muling kontakin ng film team ang mga pamilya, karamihan ay hindi na tumugon, na pinaghihinalaang posibleng nabayaran kapalit ng pananahimik.
Sa kabila nito, lalong uminit ang kaso kamakailan matapos matuklasan ang ilang parte ng buto ng tao sa Taal Lake, na hinihinalang konektado sa mga nawawalang sabungero. Ayon sa Department of Justice, isinailalim na sa DNA analysis ang mga labi upang matukoy kung kabilang ang mga ito sa mga biktima.
Lumutang din ang isang whistleblower na nagsabing sadyang pinaslang at itinapon sa lawa ang mga sabungero, at may mas mataas umanong mga personalidad na sangkot sa krimen.
Kung walang titindig, mananatiling bingi ang katarungan
Sa huling bahagi ng dokumentaryo, lumantad ang direktor na si Bryan Brazil upang ilahad na hindi nilikha ang pelikula upang sagutin ang lahat ng katanungan, kundi upang ipakita kung paanong sistematikong pinapatay ang hustisya sa bansa at kung paanong ito’y nagsisilbing kakampi ng mga makapangyarihan habang ang mga maralita ay nawawalan ng halaga. Ang dokumentaryong ito ay paalala na kapag tayo’y nanahimik, nagiging bahagi rin tayo ng sistemang unti-unting kumakain sa ating dangal.
Kaya ang tanong ngayon ay hindi na lang “nasaan sila?” kundi “hanggang kailan natin hahayaang lamunin ng katahimikan ang hustisyang matagal nang nililibing nang buhay?”