Sa paglipas ng mahigit dalawang siglo, muling nagtipon ang mga Ivatan upang ipagdiwang ang Vunung Festival—ang pinakamalaking kapistahan ng lalawigan na nagsisilbing puso ng Batanes Foundation Celebration. Sa makulay at makahulugang pagdiriwang nitong Hunyo 26, muling nasilayan ang diwa ng pagkakaisa, kasaysayan, at kulturang patuloy na bumubuhay sa lalawigang matatagpuan pinakadulo ng Pilipinas.
Ang Vunung Festival ay isang taunang selebrasyon na naglalayong ipaalala ang makasaysayang pagsasama-sama ng mga Ivatan bilang isang komunidad na may iisang pagkakakilanlan, adhikain, at pangarap.
Sa loob ng mahigit dalawang linggong pagdiriwang, iba't ibang aktibidad ang isinagawa upang higit pang patatagin ang tradisyon at samahan ng komunidad—na mas pinamalas sa Batanes Grand Celebration Day noong Hunyo 26 sa President Corazon Aquino Grandstand.
“Kaya naman ang tema ng ating pagdiriwang sa taong ito, “The Ivatan Culture of Sharing: Backbone of Batanes Resilience,” ay tunay na akma sa paglalarawan ng natatangi at matingkad na paghubog at pag-usbong ng Batanes. Sapagkat ang ating katatagan ay palaging nagmumula sa taos-pusong malasakit sa isa’t isa—ang ating matibay na sense of community,” pahayag ni Hon. Governor Marilou Cayco, dating gobernadora ng Batanes, sa kaniyang paunang talumpati para sa pagdiriwang.
Sa bawat taon, nagkakaisa ang mga residente mula sa bawat munisipalidad ng lalawigan—Basco, Itbayat, Ivana, Mahatao, Sabtang, at Uyugan—kasama ang mga bisita, upang damhin at ipagdiwang ang kakanyahan ng pagiging Ivatan. Isa itong selebrasyong bukas para sa lahat, kung saan walang napag-iiwanan at ang bawat isa ay bahagi ng pagdiriwang.
Daloy ng mayamang tradisyon
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pagmamartsa ng mga miyembro ng militar, mga sangay ng lokal na pamahalaan, at iba’t ibang organisasyon sa lalawigan, kabilang ang Batanes Tour Guides Association, Guardians Batanes Chapter, at Barangay Nutrition Scholars. Sinundan ito ng masayang patimpalak mula sa iba’t ibang munisipalidad ng lalawigan.
Umigting ang sining at sigla sa araw ng Vunung Festival, na itinampok sa mga presentasyon at pagtatanghal ng parada. Mula sa makukulay at tradisyunal na kasuotan, magagarbong props at karosa, katutubong tugtugin, hanggang sa bawat indak ng sayaw—ipinakita rito ang buhay na buhay na kultura at kasaysayan ng Batanes. Patunay ang lahat ng ito sa matibay na pundasyon ng kulturang Ivatan, na patuloy na isinabubuhay at ipinagmamalaki ng komunidad.
“But if I could choose a word that comes close, a word that carries the soul of what makes Ivatans resilient, it would be dias. Matias—the adjective version—unshakable core, matibay, matigas, firm, unbreakable… and that is who we are,” ayon kay Hon. Ciriaco Gato, Jr., House of Representatives ng Batanes, sa kanyang mensahe sa kapistahan.
Ipinamalas ng mga kabataan hanggang sa mga senior citizen ang kanilang talento at kagalingan sa pagkanta, pagsayaw, at iba’t ibang pagtatanghal, na tumagal mula umaga hanggang sa huling bahagi ng selebrasyon.
Balot ng isang vunung
Hindi makukumpleto ang pagdiriwang kung hindi matitikman at mararamdaman ang puso nito—ang vunung. Isa itong tradisyonal na pagkaing Ivatan na nakabalot sa dahon ng kabaya, at karaniwang naglalaman ng supas (turmeric rice), luñis (baboy), at uvud, na gawa sa tinadtad na puso ng saging at karne.
Wika ni Hon. Gato, Jr., “As we partake of the vunung, know that it is not just a food wrapped in kabaya leaves—it is a celebration of a culture shaped by typhoons, rough seas, and limited resources.”
Dagdag pa niya, “The food, a fusion of traditional Ivatan dishes, is meticulously prepared and cooked by the community to be shared during special occasions… ensuring that every individual, every household, receives their fair share.”
Ito ang inihain at pinagsaluhan sa piyesta, kung saan bawat munisipalidad ay naghandog ng kani-kanilang bersyon ng vunung—kaya’t hindi na nakapagtataka na ito’y pinilahan ng mga bisita at mga lokal.
Sa panayam ng The Benildean kay Justinne Socito, Festival Director ng Vunung Festival 2025 at Provincial Administrator ng Batanes, na isang ID112 Benilde alumnus mula sa kursong Consular and Diplomatic Affairs, ibinahagi niya na ang pagsasalo-salo ng vunung ang pinakamasayang bahagi ng pagdiriwang.
“Kasi ‘yung vunung, pine-prepare mo ‘yan as a token of gratitude sa lahat ng mga tumulong sa inyo… there was a community bayanihan na tumutulong sa’yo who have given their resources, time, skills, and talent. From that vunung, parang ‘yan yung piece of love na ibibigay mo as a sincere gratitude na tumulong sa’yo. And because of vunung, mas nananatiling intact, mas nananatiling nagkakaisa ang people of Batanes,” pahayag ni Socito.
Higit pa sa isang pagkain, ang vunung ay nagsisilbing salamin ng kwento at kasaysayan ng mga Ivatan—pinagmumulan ng kanilang pagkakakilanlan bilang isang nagkakaisang, mapagbigay, at matulungin na komunidad.
Pagyabong sa mga susunod na pagdiriwang
Sa pagpapatatag ng kultura at tradisyon ng vunung, patuloy na napapaunlad at naibabahagi ang pagdiriwang na ito—hindi lamang sa mga Ivatan kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“We want to intertwine the culture and the technology. Paano? Sa pamamagitan ng paggamit natin ng teknolohiya para ma-introduce at maipasa sa mga kabataan ang kultura at tradisyon ng mga Ivatan,” ayon kay Governor-elect Ronaldo “Jun” Aguto sa panayam niya sa The Benildean.
Tunay ang pagsisikap ng lalawigan ng Batanes na maipasa nang buo ang kultura, tradisyon, at aral ng vunung sa mga susunod na henerasyon.
“Vunung Festival perfectly captures ‘yung sense of community and resilience ng mga Ivatan. The giving of vunung—kasi diyan mo makikita ‘yung unity and the love of every person, hindi lang ng mga taga-Batanes, kundi isa rin itong welcoming act para sa mga bisita namin,” dagdag ni Socito.
Sa patuloy na pagsulong ng makabagong panahon, nananatiling matatag ang ugnayan ng mga Ivatan sa kanilang mga ugat. Sa pamamagitan ng mga inisyatiba at pagdiriwang tulad ng Vunung Festival, naipapasa hindi lamang ang materyal na pamana kundi pati na rin ang diwa ng pagkakaisa, pagmamalasakit, at katatagan.
Isang paalala ito na sa bawat anihan at pagsasalo, buhay na buhay ang kultura ng Batanes—handa para sa kasalukuyan, at higit sa lahat, para sa hinaharap.