Dibuho Ni Gil Escorial
Dibuho Ni Gil Escorial.

Mga bayaning hindi nakikita sa “Alon ng Kabayanihan”


Hanggang saan ang kaya mong gawin upang ipagtanggol ang karagatan, kung ang bawat alon ay sumasalamin sa sakripisyo ng bayan? Ang “Alon ng Kabayanihan” ay maaari nang mapanood sa mga digital platforms.


By Jewel Mae Jose | Tuesday, 9 September 2025

Sa panahon ng pang-aabuso at pananakop, handa ka bang ipaglaban ang karapatan ng ating karagatan? Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani noong Agosto 25, ipinamalas sa Gateway Mall, Cineplex 18 ang Alon ng Kabayanihan, isang makapangyarihang limang minutong pelikula na tumatalakay sa sigalot sa West Philippine Sea (WPS).

Sa direksyon ni Kevin Mayuga at sa produksyon ng Center for Information Resilience and Integrity Studies (CIRIS) sa pamumuno ni Michel Andre P. Del Rosario, katuwang ang Hot and Fresh Creative Productions, ang Armed Forces of the Philippines (AFP), at ang Philippine Coast Guard (PCG), nilikha ang isang obrang may bigat na higit pa sa limang minutong tagal. 

Tampok dito sina Sid Lucero bilang Luis Cruz, ang mangingisdang nagpapatuloy sa pamana ng kanyang ama; Carlo Aquino bilang Crisanto Cruz, isang opisyal ng AFP na sumasalamin sa sakripisyong panlipunan; at Ryza Cenon bilang Lieutenant Commander Vanessa Esguerra ng Philippine Navy, na nagbibigay-tinig sa lakas at dedikasyon ng kababaihan sa hanay ng militar. 

Kasunod ng unang pagtatanghal, idinaos ang isang talkback session na pinangunahan ng aktor at Philippine Army reservist na si Matteo Guidicelli, na nagsilbing tagapagbukas at tagapamagitan ng talakayan.

 

Magkaibang daan, iisang karagatan
Itinatampok ng pelikula ang magkasalungat ngunit magkaugnay na landas ng magkapatid na sina Luis at Crisanto—parehong hinubog ng kanilang amang mangingisda. Pinili ni Luis na ipagpatuloy ang pamana ng ama bilang mangingisda, samantalang naging opisyal ng Hukbong Dagat si Crisanto. 

Bagaman magkaiba ang kanilang tinahak, iisa ang kanilang layunin—ang ipagtanggol ang karagatan na kanilang pinagmulan. Sa harap ng lumalalang sigalot sa WPS, ipinakita ang mga ulat ng harassment at ang mapait na katotohanang hindi na makapangisda ang mga Pilipino nang malaya. Matingkad ang bigkas ng linyang, “Para kaming magnanakaw sa sarili naming karagatan,” na nagsilbing buod ng hinaing ng mga mangingisda. 

Mula sa panayam ng The Benildean sa iba’t ibang kinatawan ng lipunan—mga estudyante, artista, direktor, kasapi ng hukbong-dagat, historyador, at maging mga mangingisda—nabuo ang magkakaiba ngunit kolektibong tinig na nagbibigay ng mas malalim na pag-unawa sa usapin ng WPS.

Para kay Sid Lucero, na kumuha ng Technical Theater ng De La Salle–College of Saint Benilde at isa sa pangunahing gumanap sa Alon ng Kabayanihan, mahalagang matutunan ng kabataan ang patuloy na pagdududa at pagtatanong. Aniya, sa panahon ngayon na sinumang may plataporma ay maaaring magpakalat ng impormasyon, dapat sanayin ng mga estudyante ang sarili na “question everything,” mula sa pag-aaral hanggang sa batas at simbahan, dahil dito nakaugat ang tunay na pagkatuto. 

Pinagtibay naman ito ni Direk Kevin Mayuga na binigyang-diin ang kamalayan at kritikal na pagtingin bilang sandata ng mga Pilipino sa muling pagbubuo ng ating naratibo. Para sa kanya, dapat makita ng kabataan na hindi laging talunan ang bansa, at tungkulin nilang ipahayag ang katotohanan—sa pamamagitan ng sining, pelikula, o simpleng talakayan sa pamilya at kaibigan—upang ang kasaysayan ay manatiling atin at patuloy na naipapasa.

Pagpapalaganap ng kamalayan at pagtatanggol ng karapatan
Binibigyang-diin naman ng historyador at TV personality na si Xiao Chua ang kahalagahan ng sining sa pagpapahayag ng kasaysayan at pagtatanggol ng soberanya. Ayon sa kanya, kabilang sa mga bayani ang mga ordinaryong Pilipino, at ang pelikula ay isang mabisang paraan upang maipakita ang kanilang kontribusyon. 

Our heroes are also artists… ang kasaysayan ay nililikha ng mga ordinaryong taong katulad mo, katulad ko, ng mga magsasaka, mga sundalo sa West Philippine Sea,” ani Chua. Idinagdag niya na sa pamamagitan ng mga filmmaker, musikero, scriptwriter, at aktor, naipapakita ang kagitingan at patuloy na ipinaglalaban ang karapatan ng bansa. 

Mula naman sa pananaw ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, AFP Spokesperson for the West Philippine Sea, ang isyu sa WPS ay hindi lamang problema ng militar kundi usapin ng buong sambayanan. Binanggit niya na bagama’t hindi inaasahan ang digmaan, mayroong unti-unting pananakop na dapat bantayan at unawain. “It's important for every Filipino to understand the issues.” ani Trinidad. Para sa kanya, responsibilidad ng bawat Pilipino, lalo na ng kabataan, na maging mulat sa mga isyu at aktibong tumindig para sa pagtatanggol ng soberanya.

Sa kabilang banda, bilang kinatawan ng kabataan, hinikayat nina Kurt Nory Gonzales at Leila Isabela Omega, mula sa PLM Supreme Student Council,  ang kanilang mga kapwa mag-aaral na makilahok sa pagtatanggol ng karapatan sa ating karagatan. Ani Bautista, “Ang laban ng bawat mangingisda ay laban din ng mga estudyante, laban ng doktor, laban ng lahat ng propesyon na nandito.” Pinaalalahanan naman ni Omega ang kabataan na maging mulat at manindigan sa tama, “Tayo dapat ay bumoses at manindigan sa kung anong nararapat.” 

Tunay na boses mula sa gitna ng dagat
Sa huli, isang pambihirang pagkakataong makapanayam si Jonathan Bueno, isang mangingisdang nakararanas mismo ng hamon sa WPS. Ayon sa kanya, “Itong pelikulang ito nangyayari sa totoong buhay talaga. Totoong nangyayari sa amin,” na naglalarawan ng direktang koneksyon ng palabas sa kanilang pang-araw-araw na pakikibaka.

Ibinahagi ni Bueno ang hirap ng pangingisda sa kanilang karagatan, kung saan agad silang pinapalayo kapag lumalapit sa lugar na kanila sanang pagmamay-ari. “Kapag palapit pa lang kami sa lugar ng West Philippine Sea, pinapataboy agad kami,” aniiya. Sa pamamagitan ng kanyang salaysay, malinaw ang bigat ng buhay-pangingisda at ang kahalagahan ng kolektibong suporta sa pagtatanggol ng karapatan at kabuhayan ng mga mangingisda.

Sa kabuuan, ang Alon ng Kabayanihan ay isang makapangyarihang pelikula na naglalahad ng direktang epekto ng sigalot sa WPS sa buhay ng ordinaryong Pilipino. Ipinapakita nito ang kahalagahan ng kolektibong kamalayan at pagkilos sa pagtatanggol ng soberanya, mula sa mga mangingisda hanggang sa kabataan at iba pang sektor ng lipunan. 

Bukod dito, hinahamon nito ang publiko na huwag manahimik, at ipaglaban ang karapatan at kabuhayan ng nakararami. Sa huli, iniwan ng pelikula ang malinaw na mensahe na ang bawat Pilipino ay may tungkulin at kapangyarihang ipagtanggol ang ating karagatan at ipaglaban ang ating bayan.

Maaaring panoorin ang Alon ng Kabayanihan sa mga digital platforms tulad ng YouTube at Facebook.