Photo By John Cadungog
Photo By John Cadungog.

Voices for Truth: Tawag ng pakikiisa sa Filipino Deaf Community


“Ang tunay na boses ay hindi lamang nanggaling sa diaphragm o voice box, nanggaling po ito sa puso’t isipan.” – Alexandra Culla, Co-Head ng Voices of Truth: A Fact Checking Workshop


By Ryzza Ann Gadiano | Saturday, 6 September 2025

Inilunsad ang “Voices for Truth: A Fact Checking Workshop” ng Union of Journalists of the Philippines-UP (UJP-UP) noong Setyembre 5 sa UP College of Media and Communication (UP-CMC) Auditorium, Plaridel Hall, University of the Philippines Diliman, Quezon City. Layunin ng pagtitipon na ito na bigyang-pansin ang Filipino Deaf Community at ang kanilang kakayahan upang magsuri ng impormasyon lalo sa panahon kung saan laganap ang fake news.

 

Ang UJP-UP ang nagsisilbing student arm ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at organisasyon ng mga mag-aaral mula sa UP College of Media and Communication na nakatuon sa paghuhubog ng responsableng pamamahayag. Mula sa dedikasyon ng tatlong estudyante, sina Alexandra Culla, Gail Vasco, at Athena Altiche, isinilang ang Voices for Truth, isang youth-led initiative para sa Deaf Filipino community sa ilalim ng Voices for Peace program ng IDEALS, Inc.

 

Sa kaniyang pambungad na pananalita, binigyang diin ni Assistant Professor Karol Ilagan, Chairperson ng Journalism Department ng UP-CMC, na sa panahon ng mabilis na pagdaloy ng balita at impormasyon, kasabay rin nito ang panganib na dala ng maling datos. 

 

Aniya, “As members of the Deaf Community, you know full well the importance of clarity in communication. You all know what it means to pay attention and clarify when misunderstandings or miscommunication arise.” Ibinahagi rin ni Gng. Ilagan ang kanyang pagkilala sa komunidad at ang kanilang natatanging lakas at gampanin sa larangan na ito, “These are the same qualities that fact-checkers rely on every day.” 

 

Lagi’t lagi para sa bayan

Nakapanayam ng The Benildean si Culla, isa sa mga co-heads, kung saan inilahad niya ang karanasan niya mula sa pagsulat ng mga artikulo hanggang sa pagsali sa mga Facebook group ng Filipino Deaf Community. 

 

Isinalaysay ni Culla na sa panahon ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nakapansin siya ng pagdami at paglaganap ng mga maling impormasyon. Aniya, “Nakita ko na may mga posts na false information, disinformation about the arrest na kumakalat doon sa Facebook groups.”

 

Mula sa pangyayaring ito, napansin ni Culla ang mabilis na paglaganap ng maling impormasyon sa mga Facebook group ng Deaf community, kaya iminungkahi niya ang isang programa para turuan sila ng media and information literacy. Dagdag pa rito, ibinahagi niya na ang kadalasang proyekto ng UJP-UP ay nakatuon lamang sa mga estudyante. “Dahil ginagawa na namin iyon, sabi ko, what if we adapt it to the Deaf community? So given, dahil sa grant ng IDEALS, natuloy itong project,” saad niya.

 

Napansin din ni Vasco, Co-Head ng Voices for Truth, na sa kabila ng mga inisiyatiba upang isulong ang media literacy, kadalasan ay ito’y hindi inklusibo para sa mga PWDs o ibang vulnerable communities. Kaya naman, ayon kay Vasco, sinikap nilang iakma ang proyekto sa pangangailangan ng Deaf community.

 

“May mga module na ginagawa, we tried to make it visual heavy. Kaya may interpreters din tayo para, in a way, [maunawaan nila] yung pag-uusapan na concepts in today's event,” wika ni Vasco. 

 

Para kay Altiche naman, isang resident member ng UJP-UP at Co-Head ng Voices for Truth, nais niyang magsilbing inspirasyon ang kanilang proyekto upang mahikayat ang iba pang organisasyon na makiisa para sa kapakanan ng Deaf community.

 

Actually kahit hindi lang sa Deaf pero sa ibang mga komunidad na rin. Kunyari, sa mga blind, ganiyan. Sana maging inspirasyon ‘to sa mga organisasyon na makiisa sa aming adbokasiya at pag-forward ng press freedom,” wika ni Altiche. 

 

Ang bayan na pinagsilbihan

Itinuon ang talakayan sa dalawang bahagi. Sa umaga, ginanap ang usapin ukol sa Media, Information, and Literacy sa pangunguna ni Paolo Ordonio, Program Manager ng Out of the Box Media Literacy Initiative. Tinalakay niya kung paano maaaring gamitin ang media nang intentional o less intentional at ipinakita ito sa pamamagitan ng paggamit ng iba't ibang bidyo upang mas maunawaan ng mga dumalo ang kaniyang nais iparating. 

 

Sa dulo ng kaniyang diskusyon, sinabi ni Ordonio na layunin ng media literacy na ituro kung "paano natin binabalanse kung ano ang nakakabuti at nakakasama para sa atin."

 

Sa hapon, inilunsad ang talakayan tungkol sa fact-checking sa pagtuturo ni Barla Carlos, dating intern ng VERA Files. Dito ay tinalakay ni Carlos ang mga dapat tandaan ng mga dumalo kung paano masusuri kung ang isang balita ay makatotoo o hindi, at kung ito ba ay gawa lamang ng artificial intelligence.

 

Isa sa mga dumalo ay si Erika, presidente ng Pinoy Deaf Rainbow at isang graduate ng Bachelor in Applied Deaf Studies ng De La Salle-College of Saint Benilde. Ayon sa kaniya, marami ang gumagamit ng social media subalit hindi lahat ay nakakaalam kung ito ba ay opinyon lamang o batay sa katotohanan. Binanggit niya na dahil dito, madali para sa mga tao na maniwala sa maling impormasyon.


Para sa kanya, “We really wanted to learn this para ituro namin sa mga bata [at] para ma-train sila… Kailangan nila maturuan kung ano yung totoo o hindi.”