Ano ang gagawin mo kapag mahal mo pa ang ex mo kung magkaibigan na lang kayo?
Ang Open Endings, sa direksyon ni Nigel Santos na isinulat ni Keavy Eunice Vicente, ay matapat na paglalarawan ng buhay ng apat na magkakaibigang minsang nagkaroon ng nakaraan sa bawat isa. Kaniya-kaniya, ngunit magkakaugnay, ang kanilang kuwentong pag-ibig, pagkawasak, at ang nagbabadyang muling pag-usbong ng damdamin sa isa’t isa.
Kabilang ang Open Endings sa sampung full-length na pelikulang itinampok ng ika-21 na Cinemalaya Philippine Independent Festival, ang taunang kompetisyon na nagbibigay suporta sa mga Pilipinong indie filmmakers. Sa temang “Cinemalaya 21: Layag sa Alon, Hangin, at Unos,” binibigyang diin nito ang sigasig at pagpupursigi ng mga kuwento at tagapagkuwento sa nagbabagong larangan ng pelikula.
Tropang dati nang nagmahalan
Hango sa tunay at personal na karanasan ng LGBTQIA+ community kung saan hindi na nakagugulat ang pagiging malapit ng mga dating magkasintahan, ipinakita sa pelikula ang kuwento ng magbabarkadang sina Marikit “Kit” Pineda (Klea Pineda), Hannah Gabrielle Lopez (Jasmine Curtis-Smith), Amihan “Mihan” Villanueva (Leanne Mamonong), at Charito Lyn “Charlie” de Guzman (Janella Salvador). Sa kabila ng kanilang nakaraan, natagpuan nila ang ginhawa sa pagkakaibigan isang tinatakbuhan sa tuwing nalulungkot o nagagalak, may hangover man o wala.
Ngunit nayanig ang kanilang mundo nang aminin ni Hannah ang kanyang “the one” na isang lalaking hindi pa lubusang nakilala ng kaniyang tatlong kaibigan, at ang kanilang nalalapit na kasalan. Kakayanin kaya nilang mapanatili ang natatanging pagkakaibigan at maging masaya para kay Hannah?
Nang makaramdam sila ng kaba
Para sa temang nakasentro sa pagiging queer, ang pelikulang ito na nakatuon sa mga karakter ay isang kuwento na hindi natin inakalang kailangan natin. Naaayon ang natural na direksyon at diyalogo nina Santos at Vicente para ipahayag ang mga detalye ng mga karakter na maaaring makita bilang representasyon ng iba’t ibang kababaihang queer.
Ngunit maaaring tingnan din bilang mga yugto sa buhay ng iisang tao lamang. Si Kit ang closeted na anak ng mga konserbatibong magulang, sumisimbolo sa mga kaibigang palabiro na hindi na nagseryoso pati sa love life, ngunit kitang-kita ang pagsuporta sa mga kaibigan anuman ang nararamdaman niya. Si Hannah naman ang green flag sa apat, hindi mahirap mahalin pati na rin magmahal, lalo na kung siya’y sigurado. Si Charlie ang iyong masiyahin at makalat na kaibigan, pero alam niya sa sarili niyang hindi niya kakayaning mamili sa pagitan ng mga kaibigan at iniibig niya. At panghuli si Mihan, ang emosyonal na takot sa commitment—ang simbolo ng mga pag-aalinlangan sa mundong mapanghusga at walang kasiguraduhan.
“Feelings aren’t facts”
Para sa maraming lesbiyana, matagumpay na pagsasalamin ang Open Endings sa mga karaniwang kaganapan sa kanilang buhay pag-ibig na hindi lamang dahil sa pagiging relatable nito, kundi pati na rin sa matapang nitong pagharap sa kanilang mga kuwestiyonableng desisyon at mga itinatagong damdamin, mula sa panibagong paglalalim ng pagtingin hanggang sa pagbabalik ng nakalipas na pag-ibig.
Hindi nagdalawang-isip ang pelikula sa pagpapakita ng komplikado at nakahihibang na reyalidad ng sapphic yearning o ang matinding pananabik bilang lesbiyana sa loob ng halos dalawang oras, na siyang dama sa bawat sabay-sabay na pagtawa, paghiyaw, at pagsingap ng mga manonood. Payak lang ang sinematograpiya dahil hindi na rin kinailangan ng pelikula ang dramatikong mga shots; ang kamera mismo ay naging parte ng makalat at authentic na pagsasamahan ng apat na magkakaibigan.
Sadyang bago sa paningin ang representasyon ng queer love sa Open Endings, maging sa loob o labas ng komunidad. Binali nito ang mga gasgas at mapanirang stereotypes at tropes lalo na sa mga women-loving-women (WLW) na midya tulad ng pagkawala ng isa sa mga bida o isang matinding hiwalayan dahil sa homophobia at panghuhusga.
Bagkus, binigyang halaga ng Open Endings ang natatanging pagmamahalan ng apat na kababaihan, higit pa sa pagkakaibigan.
Dahil madaling maintindihan ang mga personal na pinanggagalingan ng mga karakter, hindi sila mahirap damayan sa mga problema at pighating pinagdadaanan nila—isang bagay na madalang makita sa kasalukuyang midya sa Pilipinas. Naging malaking tulong din ang likas na chemistry ng mga aktor sa isa’t isa. Higit sa lahat, nagrerepresenta ito sa pinakaninanais ng bawat lesbiyana—na maging masaya ang kanilang mga kapwa sa komunidad.
Nanatili itong tapat sa pamagat at binibigyan ng pagkakataon ang manonood ng kapangyarihan upang pagnilayan kung ano nga ba ang dapat na pagwawakas. Hindi lang ito isang cliffhanger, kundi isang panawagan na maaaring nasa manonood lang ang sagot sa mga tanong na mahirap itanong, at ang tugon sa mga salitang mahirap sabihin.
Ipinalabas ito mula ikatlo hanggang ika-12 ng Oktubre sa Red Carpet Cinemas ng Shangri-La Plaza, Ayala Malls Cinema, at Gateway Cineplex 18 ng Gateway Mall. Nagwagi ng parangal na Best Ensemble Performance ang apat na leads ng Open Endings sa pagtatapos ng Cinemalaya. Nanguna naman ang pelikula bilang box office hit sa lahat ng lumahok na takilya.