Sa malikhaing larangan ng pelikula, muling ipinamalas ni Ryan Machado ang kaniyang kakayahan bilang direktor sa pagbibigay ng tinig sa mga kuwentong matagal nang isinasawalang-bahala—isang maalab na hangarin tungo sa pelikulang Pilipino.
Sumabak muli si Machado sa Cinemalaya matapos ang kaniyang pagkapanalo noong 2023, kung saan ang kaniyang debut film na Huling Palabas ay nagwagi ng Best Direction Award.
Tumapak din ang kaniyang debut film sa iba’t ibang internasyonal film festival—mula Asya hanggang Europa—na nagbukas ng mas malawak na espasyo para sa pelikulang Pilipino.
Ngayong ika-21 Cinemalaya, na may temang “Layag sa Alon, Hangin, at Unos,” kabilang ang pelikulang Raging bilang full-length film—patuloy na pinatutunayan ni Machado ang kaniyang galing at talento sa pelikulang Pilipino.
Ang ‘raging’ bilang isang damdamin
Ang “raging” o galit ay isang masalimuot na damdamin na maaaring dulot ng sari-saring karanasan. Ngunit, iba’t iba ang anyo ng galit. Karaniwan, inaakala natin na ang galit ay kailangang nararapat na lantaran, marahas, o maingay. Ngunit ang hindi batid ng karamihan, ang galit—lalo na ng mga sinamantala—ay madalas tahimik, kinikimkim, at walang tinig.
Gaya ng karanasan ni Eli (Elijah Canlas) sa pelikulang Raging, na sumasalamin sa sariling karanasan ni Machado. Naisin man ni Eli ang katarungan, pilit itong pinapatahimik ng patriyarkal na paniniwala, sapagkat sa mata ng lipunan, ang mga kalalakihan ay hindi maaaring maging biktima ng karahasang sekswal. Pinatunayan ng pelikula na kahit hangarin man ng tao iparamdam ang kaniyang galit, madalas lumilitaw ang anyo nito sa pamamagitan ng pananahimik—isang uri ng katahimikan ng dalamhati at araw-araw na pakikibaka sa sarili.
Sa mata ng lipunan, ang “tunay” na lalaki ay matibay at hindi nagpapakita ng kahit anumang bakas ng kahinaan. Ang pagpapakita ng damdamin—isang likas na katangian ng pagkatao—ay itinuturing na pagkabawas ng katauhan, isang pananaw na hadlang sa mga kalalakihan. Katulad ni Eli, nais man niyang makamit ang hustisya, agad siyang hinarap ng batikos mula sa kaniyang mga kaibigan, mga kabaryo, at mismong mga lokal na awtoridad na dapat sana ay pumapangalaga sa karapatan ng bawat tao—mapalalaki man o babae.
Dahil sa ganitong perspektibo ng lipunan, madalas ay ginagawang normal ang mga bagay na hindi dapat gawing karaniwan. Kapag ang mga kalalakihan ang nakaranas ng karahasang sekswal, ang kanilang karanasan ay dinadaan sa biro, pangmamaliit, at pagdududa. Madalas hindi pinapansin, dinidibdib lang ito ng lalaking inabuso—sapagkat sa kanilang mata, maaaring laro o asaran lamang ang naging kaganapan—dahil ang kanilang paniniwala ay malabong mangyari ‘yun dahil ang lalaki ay walang karapatang makaramdam ng pagkalumbay, lalo na sa usaping sekswal na karahasan.
Ang walkman bilang saksi
Ang walkman ang nagsilbing paraan upang kahit papaano ay mabawasan ang nararamdaman na bigat ni Eli. Ginamit niya ito upang i-record ang kaniyang pagdurusa dahil sa nangyari. Ngunit, hindi ba’t masyadong masahol ang mundo, sapagkat walang nakinig sa kaniyang damdamin?
Inilarawan ni Eli ang araw-araw na dalamhati ng inabuso, kung saan napilitan siyang sumandal sa sarili niyang recording para lamang mabawasan ang bigat ng araw-araw niyang hinaharap, habang ang lipunan ay tinatanggihan ang karapatan ng mga kalalakihan na kilalaning bilang isang biktima.
At kung dumating ang panahon, palaging mayroong Jepoy—isang kaibigang handang makinig kahit hinuhusgahan ka ng lipunan o ng mga taong akala mong nariyan para sa ‘yo. Sapagkat sa gitna ng mga tahimik na paghihinagpis ni Eli, tunay pa rin na may mga kaibigang kilala ang pagitan ng iyong salita at paghinga.
Ang Raging ay hahaplusin ka nang dahan-dahan—akala mo maiiwan mo ang damdamin sa upuan at espasyo ng sinehan, pero patuloy ka nitong guguluhin. Higit pa ito sa pelikula, ibig nitong iukit na ang katahimikan ay hindi nangangahulugang kapayapaan, kundi ang katotohanang hindi kayang bigkasin ng hustisya at lipunan.
