Kung ang pelikula ay sandata, narito ang limang humiwa, tumama, at nag-iwan ng marka sa ating kamalayan.
Sa ika-21 taon ng Cinemalaya Independent Film Festival, muling ipinamalas ng mga Pilipinong filmmaker ang lakas ng malayang sining sa pamamagitan ng limang maikling pelikulang kabilang sa Shorts B. Ipinakikita nito ang mga isyung panlipunan, pampulitika, at kultura na madalas isinasantabi ngunit kailangang mapakinggan at pagnilayan.
Kabilang sa Shorts B ang Kay Basta Angkarabo Yay Bagay Ibat Ha Langit ni Maria Estela Paiso, Kung Tugnaw ang Kaidalman Sang Lawod ni Seth Andrew Blanca, Figat ni Handiong Kapuno, Water Sports ni Whammy Alcazaren, at I’m Best Left Inside My Head ni Elian Idioma. Ipinakikita ng bawat pelikula ang iba’t ibang mukha ng katotohanan—mula sa pakikibaka, kultura, pag-ibig, at pribilehiyo, hanggang sa mga usapin ukol sa mental health—sabay-sabay na nagbibigay-tinig sa panibagong pagkamulat ng manonood.
Kay Basta Angkarabo Yay Bagay Ibat Ha Langit (Objects Do Not Randomly Fall From the Sky)
Sa pelikulang ito ni Paiso, isang batang babae ang nagsasalaysay ng pakikibaka ng mga mangingisda sa Zambales. Sa pamamagitan ng natatanging naratibo, inilarawan ng pelikula ang patuloy na hamon ng mga Pilipinong mangingisda laban sa mga banta sa kanilang kabuhayan at karapatan sa karagatan.
Tinutukoy ng pelikula ang masalimuot na usapin ng West Philippine Sea at ang pangamba ng unti-unting pagkawala ng ating soberanya. Sa kaniyang likas na simbolismo, ang dagat ay hindi lamang tanawin ng kabuhayan kundi isang larangan ng tunggalian at paninindigan. Ang pelikula, na ginawaran ng Special Jury Prize for Short Feature, ay nagsisilbing paalala na ang katahimikan ay maituturing ding anyo ng pagkalunod—sa gitna ng pananakop at kawalan ng pagkilos.
Kung Tugnaw ang Kaidalman Sang Lawod (Cold as the Ocean Runs Deep)
Sa obra ni Blanca, ipininta ang buhay ng isang marinong nagigipit sa utang at desperasyong makapagpadala ng pera sa kaniyang kasintahan. Sa kaniyang paglapit sa isang nakatataas upang humingi ng tulong, unti-unti niyang nararamdaman ang isang presensyang bumabalot sa kaniya, isang tahimik ngunit mabigat na puwersang sumisimbolo sa pagkakakulong ng mga manggagawa sa mapang-aping sistema.
Ang pelikula ay tila nakapaloob sa capitalist horror, kung saan ginamit ang karagatan bilang talinghaga ng depresyon at pagsasakripisyo ng dignidad sa ngalan ng tungkulin. Sa ilalim ng malamyos na alon ay nananahan ang unti-unting pagguho ng pagkatao, at sa bawat hampas ng dagat, naririnig ang tahimik na sigaw ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na napilitang mabuhay sa pagitan ng pangarap at pagkabihag.
Figat
Sa Figat ni Kapuno, na ginawaran ng Best Screenplay, ipinamalas ang kagandahan ng kulturang Kalinga. Ito’y matutunghayan sa katauhan ng isang batang babaeng nagdala ng orihinal na instrumento sa gitna ng mundong nilamon ng teknolohiya. Sa kanyang musika, bumalik ang tinig ng mga ninuno. Ipinamalas dito ang pagbabalik-loob sa pinagmulan at pagkakakilanlan. Sa payak na tagpo ng pagtugtog sa loob ng silid-aralan, ipinakita ni Kapuno ang tagisan ng makabago at tradisyunal, at kung paanong ang tunay na pag-unlad ay hindi matutukoy ng mga makabagong kasangkapan kundi ng pagpapahalaga sa kulturang humubog sa atin. Ang pelikula ay isang paalala na ang progreso ay walang saysay kung makakalimutan natin ang ating pinagmulan.
Water Sports
Sa direksyon ni Alcazaren, na pinagbibidahan nina Elijah Canlas bilang Jelson, John Renz Javier bilang Ipe, isang mapanuring pagsasanib ng pag-ibig at trahedya ang ipinakita ng Water Sports. Sa mundong pininsala ng matinding init sanhi ng pagbabago ng panahon, ipinagbawal ang pag-iyak sapagkat ito ay nakamamatay—isang makapangyarihang metapora ng lipunang itinuturing na kahinaan ang pagpapahayag ng damdamin. Ang pariralang “Bawal umiyak, nakakamatay” ay nagiging paulit-ulit na panawagan ng huwad na katatagan, kung saan ang kalungkutan at pangamba ay kailangang itago upang mabuhay.
Sa ilalim ng tono nito, ipinakita ng pelikula ang kabiguan ng mga institusyong dapat kumilos at ang pagpapabaya ng lipunang sanay sa “resiliency.” Sa huli, sa kabila ng kawalan ng tubig at pag-asa, ang tanging natitirang bagay ay pag-ibig—isang mumunting patak ng buhay sa gitna ng pagkauhaw ng daigdig.
I’m Best Left Inside My Head
Sa I’m Best Left Inside My Head ni Idioma, na ginawaran ng Best Director Award, ginamit ang malikhaing claymation upang talakayin ang mga isyung sumasalamin sa Gen Z. Ikinuwento nito si Alec Dominguez, isang kabataang multi-talented at multi-awarded na inampon ng mag-asawang pilantropo, sa kaniyang muling pagkikita sa mga kaibigang lumaki sa Dominguez Orphanage.
Sa likod ng marikit na anyo ng salu-salo ay unti-unting lumalantad ang mga sugat ng pribilehiyo at inggit. Bukod dito, ang pelikula ay nagtatanghal ng mga paksang tulad ng racism, crab mentality, at mental health sa isang paraan na malikhain at makatotohanan. Sa bawat pigura ng luad ay mababakas ang lalim ng damdaming pilit itinatago ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon.
Sa huli, ipinahayag ni Idioma na ang pinakatahimik na laban ay madalas nagaganap sa loob ng ating sariling isipan.
Sa kabuuan, ipinamalas ng Shorts B ng Cinemalaya 2025 ang hindi matatawarang kakayahan ng pelikulang Pilipino na sumalamin sa kaisipan ng bayan. Higit pa sa teknikal na husay, naroon ang tapang ng mga filmmaker na usisain ang mga lihim na sugat ng lipunan.
Sa magkakaibang anyo ng sining, pinatunayan ng mga pelikulang ito na isa sa layunin ng isang pelikula ay hindi lamang magpakita, kundi magpagising.
