Inilatag Ni Kamille Castillo
Inilatag Ni Kamille Castillo.

Himig ng Pasko: Mga awiting bumabalot sa kapaskuhan ng Pilipino


Sa Pilipinas, ang pagdiriwang ng Pasko ay hindi lamang makikita sa mga magarbong dekorasyon, parol, at simbang gabi; maririnig din ito sa bawat kantahan.


By Kristina Caasi | Sunday, 21 December 2025

Likas na sa ating mga Pilipinong sabayan ang ating mga paboritong kanta. Kilala ang bansa bilang isa sa may pinakamahabang pagdiriwang ng Kapaskuhan, kaya’t hindi na nakapagtataka na may sariling “soundtrack” ang mga Pilipino tuwing sasapit ang “-ber” months. 

 

Mula sa mga klasikong Original Pilipino Music (OPM) hanggang sa international hits, ang mga kantang ito ay nagiging bahagi ng tradisyong bumubuo sa masayang espiritu ng Pasko. Ilang beses natin ito napapakinggan sa malls, radyo, dyip, simbahan, at bahay, na tila ba’y nakatatak sa ating isipan. 

 

Mga klasikong OPM

Unahin na natin ang binansagang “King of Philippine Christmas Carols,” si Jose Mari Chan. Sa tuwing naririnig natin ang kaniyang mga kanta ay alam mong nagsisimula na ang “-ber” months. 

 

Ang kaniyang mga awiting Christmas in Our Hearts at A Perfect Christmas ay ilan lamang sa mga kantang sikat na sikat na madalas pinapatugtog tuwing sasapit ang kapaskuhan. Kapag naririnig natin ang mga kantang ito, hindi natin mapigilan na mag-isip nang sentimental at balikan ang mga alaala natin tulad nang makasama ang ating mga pamilyang naghahanda para sa noche buena, malamig na simoy ng hangin, at mga batang nangangaroling.

 

Samantala, nananatili pa ring buhay ang tradisyonal na mga kanta tulad ng Kumukutikutitap, Pasko Na Naman, Noche Buena, at Ang Pasko ay Sumapit. Kahit paulit-ulit itong pinapatugtog taon-taon, hindi nakakasawa sapagkat para sa ating mga Pilipino, pinapaigting pa lalo ng mga ito ang diwa ng selebrasyon; masaya, makulay, at puno ng pagkakaisa.

 

Mga modernong OPM na patok sa bagong henerasyon

Sa paglipas ng panahon, iba-iba rin ang mga bagong kantang lumitaw at agad ding pumatok sa masa, lalo na sa mga kabataan. Ilan dito ay ang Bibingka ng Ben&Ben, Araw-Araw Pasko ni Belle Mariano, at iba’t ibang bersyon ng pag-awit ng Pasko na Sinta Ko. Hindi rin mawawala sa listahan ang mga taunang Christmas Station ID ng mga pangunahing TV networks tulad ng ABS-CBN at GMA. Ang mga liriko nitong tungkol sa pag-asa, pagkakaisa, at pagdamay ay nagiging antem ng buong bansa, lalo na sa mga panahong nangangailangan ng inspirasyon ang mga Pilipino.

 

Bukod sa pagiging catchy, mas relatable ang mga bagong awitin dahil tumatalakay ang mga ito sa iba’t ibang temang malapit sa puso ng mga Pilipino, lalo na ng mga kabataan. 

 

Mga paboritong sikat na internasyonal na kanta

Sa kabilang banda, nangingibabaw rin ang mga international hits sa iba’t ibang establisyemento. Ang All I Want for Christmas Is You ni Mariah Carey ay halos naging opisyal na kanta para ipagdiwang ang Kapaskuhan. Sumusunod dito ang Last Christmas, Jingle Bell Rock, Rockin’ Around the Christmas Tree, at Feliz Navidad. Ang mga ito ay mga klasikong kanta na hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin. May mga ilan na ring kantang sumikat tulad ng Santa Tell Me ni Ariana Grande, Under The Mistletoe ni Justin Bieber, A Nonsense Christmas, at Santa Doesn’t Know You Like I Do ni Sabrina Carpenter na sikat na sikat sa iba’t ibang social media platforms tulad na lamang ng TikTok

 

Mula sa tradisyunal hanggang sa modern, lokal man o internasyonal, ang mga Christmas songs na ito ay hindi lamang musika. Sa Pilipinas, ang musika ng Pasko ay nagsisilbing paalala na may liwanag, pag-asa, at pagmamahal sa bawat taon anumang pagsubok ang harapin. 

 

Sa huli, ang tunay na himig ng Pasko ay hindi lamang tumutugtog sa radyo, kundi sa bawat puso nating mga Pilipino.