Inilatag Ni Kij Cabardo
Inilatag Ni Kij Cabardo.

Saan aabot ang swerte mo?


Nakahanda na ba ang listahan ng mga bilog na prutas na dapat bilhin? Eh, ang mga kalderong papaingayin pagpatak ng alas-dose? Ating muling buhayin ang mga pampaswerte at nakagawian nating mga Pilipino para salubungin ang Bagong Taon.


By Kate Solinap | Wednesday, 31 December 2025

Sa pagsapit ng hatinggabi ng Bagong Taon, ang buong bansa ay dumadagundong na dulot ng pag-asa ng mga Pilipino. Para sa marami, mahalagang tapusin ang taon nang puno ng swerte at kasiyahan, dahil dito raw nakasalalay ang magiging kapalaran ng darating na panibagong taon. 

 

Bilang bahagi ng makulay at maingay na pagsalubong sa bagong panimula, balikan natin ang mga pampaswerte at kagawian na nagpapalakas ng ating sama-samang hangarin para sa mas masaganang taong haharapin.

 

Labindalawang bilog na prutas, labindalawang buwan na swerte!

Wala na bang espasyo sa inyong lamesa dahil puno na ito ng labindalawang bilog na prutas? Naniniwala ang mga Pilipino na ang mga bilog na prutas daw ay sumisimbolo sa pera, dahil kahit barya ay hugis bilog. Kaya naman, ang paghahanda ng 12 klase ng bilog na prutas sa hapagkainan ay sumisimbolo sa patuloy na swerte sa darating na 12 buwan.

 

Ang pagkakaayos ng mga prutas sa hapag ay hindi lamang basta-basta, dahil isinasaalang-alang din ang hugis at kulay nito. May ilan ding mga prutas na may partikular na simbolo, tulad ng saging na iniuugnay sa kaligayahan.

 

Kakaning nagpapadikit sa pamilya

Ang pagkain ng mga kakanin tulad ng suman at biko ay pinaniniwalaang nagpapalakas ng buklod ng pamilya. Ang lagkit ng mga kakanin gaya na lamang ng suman, biko, kalamay, at tikoy ay sumisimbolo sa pagkakaisa sa bawat miyembro ng pamilya. Ito rin ay kumakatawan sa mga biyayang mananatili hanggang sa panibagong taon.

 

Siksik, liglig, at umaapaw!

Takot ka bang maubusan ng biyaya sa darating na taon? Ihanda na ang mga lagayan at punuin ito–mula sa mga lagayan ng tubig at bigas, hanggang sa ating mga pitaka. Pinaniniwalaang ang pagpuno ng mga lagayan na ito sa pagdiriwang ng Bagong Taon ay simbolo ng kasapatan at kasaganaan sa buong taon.

 

Swerteng nakapalamuti sa tahanan

Ang mga palamuti sa bahay ay posibleng makapagdala ng swerte, lalo na kung ito ay  base sa Feng Shui. May ilang gumagawa ng kani-kanilang “prosperity bowl” na may bigas, itlog ng manok, nakarolyong salaping papel, at mga gintong tsokolate na hugis barya. Ang mga palamuting ito ay sinasabing nagtataboy ng malas at nag-aanyaya ng positibong enerhiya sa Bagong Taon.

 

Ang tahanang bukas ay sumasalubong sa biyaya

Saan dadaan ang swerte kung nakasarado ang pinto ng ating mga tahanan? Bago pa man pumatak ang alas-dose, binubuksan ang bawat pinto, bintana, at pati na rin ang mga kabinet! Ayon sa mga Pilipino, ang pagbubukas ay pagsalubong sa mga bagong oportunidad na darating sa ating buhay.

 

Polka dots kahit saan!

Hindi lamang tahanan ang may palamuti–pati rin ang ating mga katawan! Dahil ang bilog ay sumasagisag sa pera at swerte, marami sa atin ang nagsusuot ng mga damit na may polka dots na disenyo sa pagsalubong ng Bagong Taon. 

 

Mga torotot na pumipintig sa ating mga tainga

Sa Pilipinas, ang mga paputok ay hindi lamang ginagamit upang maging mas makulay ang ating selebrasyon. Ginagamit ang mga pampaingay tulad ng paputok, torotot, at kahit ang mga busina ng sasakyan para itaboy ang mga masasamang espiritu o negatibong enerhiya na hindi dapat isama sa panibagong taon.

 

Tingkayad, talon, tangkad!

Hanggang ngayon ba ay tumatalon ka pa rin sa pagsapit ng alas-dose ng Bagong Taon, nagbabakasakaling mas tumangkad pa? Kadalasan ang mga kabataan ang gumagawa nito dahil pinaniniwalaan na tatangkad sila sa kanilang paglaki, ngunit wala rin namang pumipigil sa mga matatanda na gawin ito–hangga’t kaya pa ng kanilang tuhod!

 

Umuulan ng pera!

Nakikiagaw ka pa rin ba ng barya sa mga bata kapag pinapasaboy ito? Madalas itong ginagawa upang mas mapaingay ang selebrasyon dahil sa sigawan at kalansing ng mga barya. Ito raw ay nag-aanyaya ng iba’t ibang pagkakataon ng pagkakakitaan sa darating na taon. Sa simpleng ritwal na ito ay napapagaan mo ang yong pitaka at naipapamahagi rin ang iyong biyaya!

 

Paano tayo makakapag–“This time next year, I'll be livin' so good” mula sa kanta ni SZA na Normal Girl kung marami pa tayong hindi nareresolbang alitan at bigat na pasan ng ating mga puso? Mas mabuting salubungin natin ang Bagong Taon na hindi lamang puno ng swerte, kundi may kapayapaan din sa ating kalooban. 

 

Ang mga pampaswerte at mga kagawian na ito ay ilan lamang sa mga paniniwala ng mga Pilipino na nananatiling buhay pa rin at bumubuo sa ating kultura. Hindi man tiyak na magkakatotoo ang lahat ng ating mga pinaniniwalaan–sapagka’t ang buhay ay hindi uusad ng puro swerte lamang at walang tiyaga–ang mga ritwal na ito ay isa pa rin sa mga nagpapatuloy sa ating mangarap, umasa, at magsimula muli. 

 

Kaya naman, patuloy lang tayong tumalon, mag-ingay, at magsaya sa pagsalubong sa hinaharap na ating bubuuin!