Photo By John Cadungog
Photo By John Cadungog.

Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo


Noong #BonifacioDay, muling nagtipon ang libo-libong Pilipino sa EDSA upang ipahayag ang panawagan ng hustisya sa pamamagitan ng #TrillionPesoMarch. Nagbuklod ang iba’t ibang sektor upang ipakita na ang demokrasya ay nananatiling buhay.


By Jewel Mae Jose | Tuesday, 2 December 2025

Sa panahong unti-unting nauupos ang pag-asa, paano muling maniniwala ang taumbayan sa lakas ng pagkakaisa?

 

Noong Nobyembre 30, habang ginugunita ng bansa ang Bonifacio Day, muling nagtipon ang libo-libong mamamayan sa EDSA People Power Monument. Dito nanumbalik ang damdaming matagal nang kinikimkim, dahil ang Trillion Peso March: Laban ng Lasalyano para sa Pilipino ay hindi lamang simpleng pagtitipon. Sa pangunguna ng One La Salle Community, kasama ang mga Benildyano, muling ginanap ang pangalawang yugto ng kilos-protesta na unang isinagawa noong Setyembre 21.

 

Hanay ng mamamayan laban sa katiwalian
Hindi lamang mga kabataan ang dumagsa sa kahabaan ng EDSA sapagkat kasama nila ang mga manggagawa, mga guro, at mga aktibista mula sa iba’t ibang grupo at unibersidad. Naroon din ang mga religious group, civil society organization, mga party-list tulad ng Mamamayang Liberal, Akbayan Partylist, Gabriela Women’s Party, at marami pang ibang sektor na tila kumakatawan sa bawat sulok ng lipunan. Habang nagsisiksikan ang kanilang mga hanay, makikita ang larawan ng isang bayang sawang-sawa na sa pang-aabuso at katiwalian. Tila walang mas malaki o mas maliit na grupo dahil nagkakaisa ang kanilang layunin na magkaroon ng gobyernong tapat at hindi nagpapanggap na may malasakit habang unti-unting sinasakal ang mamamayan.

Kasabay ng pagkakaisang ito ang mariing paalala mula sa mga kabataang Lasalyano na ang tunay na lakas ay hindi kailanman nakasalalay sa dahas. Naniniwala silang ang demokrasya ay pinoprotektahan sa pamamagitan ng matatag na prinsipyo at malinaw na layunin.

 

Mga tinig ng konsensya mula sa simbahan, batas, at bayan

Sa misa na idinaos sa tabi ng monumento, tumindig si Cubao Bishop Elias Ayuban. Aniya, “Ang hirap magmahal ng bayan kapag paulit-ulit kang niloloko ng mga dapat ay naglilingkod sa iyo. At tayo naman, paulit-ulit din tayo nagpapauto at nagpapaloko.” Sa bawat katagang binitawan niya, naramdaman ng mga tao ang bigat ng masakit na katotohanan. 

Kasabay nito ang pagtindig ng hanay ng mga manggagawa kasama si Atty. Chel Diokno ng Akbayan Partylist. Matatag siyang tumayo sa unahan ng protesta, sabay bigkas ng diretsong panawagan na “bawiin ang perang ninakaw.” Ang mga katagang ito ay nagsilbing tinig ng mga taong araw-araw na kumakayod para sa sahod na hindi magkasya sa taas ng presyo ng bilihin. 

Sa kabilang banda naman, pumasok sa entablado si Sarah Elago mula sa Gabriela Women’s Party. Sa kaniyang talumpati tungkol sa political dynasty, muling sumiklab ang tanong na matagal nang binabalewala ng pamahalaan. Simula pa noong 1987 Konstitusyon, malinaw ang utos na gumawa ng batas na pipigil sa paghahari ng iilang pamilya sa politika, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito naisasabatas. Kaya habang nakatanaw ang mga tao kay Elago, lalong umalingasaw ang tanong para kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr na kung tunay ang malasakit, bakit hindi niya isulong ang batas na magwawakas sa kapangyarihang umiikot lamang sa iilang apelyido? Kung wala talagang kinatatakutan o itinatago, bakit hindi tugunan ang utos ng Konstitusyon?

 

Noche Buena o Noche ‘bahala na’?
Habang lumalalim ang bawat diskusyon, hindi maikakaila ang matinding kritisismo laban sa pahayag ng DTI na “sapat” na ang halagang ₱500 para sa Noche Buena ng isang pamilyang Pilipino. Ang salitang “sapat” na iyon, na lumabas sa bibig ng mga opisyal, ay tila nagdulot ng insulto na nakabalot sa kasiyahang dapat ay dama ng bawat pamilya sa Kapaskuhan. Maraming mamamayan ang sumigaw at nagtanong na kung totoo nga ang sinasabi ng opisyal, bakit hindi nila subukang maghanda ng Noche Buena gamit ang ganitong halaga? Ang mga ganitong kalagayan ay nagpapakita ng magkahiwalay na mundo ng mga opisyal at ng ordinaryong mamamayan.

 

Sa huli, ang Trillion Peso March ay isang malinaw na panawagan para sa hustisya, pagkakaisa, at tunay na malasakit ng pamahalaan sa bawat Pilipino. Ipinakita ng bawat kalahok mula sa iba’t ibang sektor na kapag nagtagpo ang tinig at prinsipyo, nagkakaroon ng lakas na mas malaki kaysa sa anumang katiwalian. 

Sa bawat panawagan, muling naipakita na ang demokrasya ay hindi lamang nakatadhana sa Konstitusyon kundi bagay na dapat ay isinasabuhay ng bawat mamamayang Pilipino.