Art By Sofia Go
Art By Sofia Go.

Matapos ang isang dekadang paglalakbay sa “Bar Boys: After School”


Ang batas ay nagsilbing daan, ngunit ang puso ang nagtakda ng tunay na landas. Bar Boys: After School ay kuwento ng pangarap at pagkakaibigang walang kupas. #MMFF2025


By Jewel Mae Jose | Sunday, 4 January 2026

Kapag ang pangarap ay sinubok na ng sistema, saan na mapapadpad ang mga abogado makalipas ang isang dekada?

Sa direksyon ni Kip Oebanda, lumahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ang Bar Boys: After School. Ito ang opisyal na pagpapatuloy ng kuwento ng nauna nitong pelikula na Bar Boys. Bagaman ito ang unang pagpasok ng franchise sa MMFF, maingat nitong pinagyaman ang ugnayan sa prequel upang malinaw na maipagpatuloy ang paglalakbay ng apat na pangunahing tauhan.

Tinututukan ng pelikula ang pagharap nina Torran (Rocco Nacino), Erik (Carlo Aquino), Chris (Enzo Pineda), at Joshua (Kean Cipriano) sa masalimuot na reyalidad ng buhay sampung taon matapos ang kanilang pagtatapos sa pag-aaral ng abogasya. 

Sa kabila ng patong-patong na pagod at mga kabiguan, muli silang nagtipon nang mabalitaang malubha na ang kalagayan ng kanilang dating guro, si Justice Hernandez (Odette Khan). Sa muling pagkikita at sama-samang pagninilay, unti-unti nilang nauunawaan hindi lamang ang bigat at kahihinatnan ng kanilang mga piniling direksiyon, kundi pati na rin ang kanilang tungkulin sa mga susunod na henerasyon. 

Mainit ang naging pagtanggap sa pelikula sa ika-51 MMFF, at nagtamo ito ng parangal na Best Supporting Actress na iginawad kay Odette Khan para sa kaniyang kahanga-hangang pagganap bilang Justice Hernandez. Sa karakter niyang ito, malinaw na naipamalas kung paano nakakaapekto ang mga aral ng isang mentor sa paghubog ng buhay at prinsipyo ng kaniyang mga mag-aaral. 

Higit pa rito, ipinakita ng pelikula na ang taos-pusong patnubay—gaano man kaliit—ay maaaring magsilbing matibay na pundasyon ng pagbabago, hindi lamang sa loob ng unibersidad, kundi sa mas malawak na lipunang kanilang ginagalawan.

Pagyakap sa hamon ng panibagong dekada
Sa panig ni Erik Vicencio, ang dating tahimik na ideyalista ay ngayo’y nangunguna na sa paglilingkod sa isang NGO. Kailanman, hindi nawala ang kaniyang dedikasyong tumulong sa mga nasa laylayan—lalo na ang mga magsasaka na tanging kabuhayan lamang ay kanilang ani, at iyon din ang kanilang naibabayad sa serbisyo ng batas.

Samantala, ang karakter ni Torran Garcia ay hinahamon ng isang mahirap na desisyon sa kaniyang buhay. Sa kabila ng pagiging matagumpay na abogado, nakadarama siya ng kawalan ng kasiyahan sa kaniyang tungkulin sa kinabibilangang law firm, kaya naman unti-unti niyang iniisip ang posibilidad na sundan ang kaniyang tunay na hilig sa pagtuturo. 

May sarili ring pasan si Chris Carlson, na ngayo’y nagsisikap na maging mabuting ama habang hinaharap ang mga sugat na iniwan ng paghihiwalay nilang mag-asawa. Sa kabilang dako, si Joshua Zuñiga, na hindi natuloy sa larangan ng sining, ay muling nagbabalik sa pag-aaral ng batas. Bagama’t may dala siyang pangamba sa bagong landas na tinatahak, nananatili ang kaniyang matibay na hangarin na magkaroon ng mas maayos na kinabukasan.

Malikhain namang inihayag sa kuwento ang bagong henerasyon ng mga mag-aaral ng batas. Ating matutunghayan dito sina CJ (Therese Malvar) bilang isang mag-aaral na may malinaw na mithiin: gamitin ang batas upang mapagsilbihan ang kaniyang liblib na komunidad—kung saan madalas nalalayo ang hustisya. 

Nariyan din si Trisha Perez (Sassa Gurl), na kumakatawan sa LGBTQIA+ community at sumasagisag sa puspusang pagsisikap at talinong hinubog ng walang humpay na determinasyon. Panghuli ay si Arvin (Will Ashley)—hindi lamang isang simpleng karakter, kundi buhay na larawan ng libu-libong mag-aaral na sabay na nagtataguyod ng pangarap at kabuhayan. 

Sa araw, siya ay nagtatrabaho bilang waiter upang tustusan ang kaniyang pag-aaral; sa gabi, isa siyang estudyanteng nakikipagsabayan sa mabigat na pag-aaral ng batas. Sa ganitong konteksto, lalo pang umukit sa damdamin ng mga manonood ang binitiwan niyang linya na nagsilbing boses ng bawat kabataang lumalaban sa pagod at kakulangan bilang working students.

“To get to where I am, doble ‘yung pagod, doble ‘yung puyat, doble ‘yung self-doubt ko. ‘Yung ibang students: kain, aral, tulog. Ako: hindi. ‘Yung ibang service workers na kagaya ko, nagtatrabaho at nagko-commute nang dalawang oras, ‘tas pag-uwi hihilata na. Ako, Sir, magtitimpla pa lang ako ng kape ko, kasi magsisimula pa lang ‘yung araw ko. Magbabasa pa ako.”

Ang papel ng bawat indibidwal sa kasaysayan
Sa kabilang dako, hindi pa rin huminto ang paggabay ni Justice Hernandez sa mga mag-aaral kahit siya’y nasa ospital. Isa sa mga pinaka-tumatak na pahayag niya ay mula sa anyo ng isang makapangyarihang tanong: “Who’s Rizal’s lawyer? Who’s Emilio Aguinaldo’s doctor? Surely, historians will know, but ordinary people will not remember.” Sinundan niya ito ng paalala: “History will not know us, but history will not happen without us.” Binigyang-diin niya na bagama’t hindi man maalala ang kanilang mga pangalan, ang kanilang mga ambag ang nagiging pundasyon ng pagbabago. 

Higit pa sa mga personal na tunggalian ng mga tauhan, inilalahad ng pelikula ang matagal nang depektibong sistemang panlipunan at pampolitika sa Pilipinas. Ipinakikita nito na ang demokrasya ay hindi nagiging ganap at makabuluhan kung ang mga institusyong nagpapatakbo rito ay nananatiling tiwali. Sa ganitong kalagayan, nagiging limitado ang espasyo para sa tunay na reporma, na nagpapahiwatig na ang bansa ay hindi pa handa sa isang makatarungang sistemang demokratiko. 

Sa huli, ang Bar Boys: After School ay isang masinsing pagninilay sa bigat ng pananagutan na kaakibat ng pagiging bahagi ng mas malaking kasaysayan. Ipinamalas ng pelikula na ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa katanyagan, kundi sa patuloy na paglilingkod sa kapwa. 

Sa paglalantad sa mga sistemikong suliranin ng lipunan, hinahamon nito ang manonood na kilalanin ang sariling papel sa paghubog ng mas makatarungang kinabukasan.