Litrato Ni Nat Escalona
Litrato Ni Nat Escalona.

EDSA 40: Tuloy ang laban para sa katotohanan


Sa ika-40 anibersaryo ng EDSA, muling umalingawngaw ang panawagan para sa katotohanan, pananagutan, at patuloy na paglaban para sa demokrasya ng bayan. #EDSA40


By Jewel Mae Jose | Thursday, 26 February 2026

Sa gitna ng mga panawagang baguhin ang naratibo ng kasaysayan, paano nga ba ginugunita ng mga mamamayan ang ika-40 anibersaryo ng EDSA?

 

Sa paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, muling nagtipon ang iba’t ibang sektor upang alalahanin, ang makasaysayang pag-aalsa na nagpatalsik kay dating diktador Ferdinand Marcos Sr. noong 1986 at nagpanumbalik ng demokrasya sa bansa. Pinangunahan ng mga progresibong grupo sa ilalim ng EDSA40 Alliance, kasama ang Trillion Peso March Movement, iba’t ibang samahang sibiko, at mga kolehiyo tulad ng De La Salle-College of Saint Benilde, ang paggunita sa makasaysayang okasyong ito. Idinaos ang pagtitipon noong Pebrero 25, 2026, sa paligid ng EDSA Shrine at People Power Monument.

 

Gayunman, idineklara ng kasalukuyang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang araw na ito bilang isang “special working day.” Binatikos ng ilang grupo ang naturang hakbang at itinuring itong manipestasyon ng pagbaluktot sa kasaysayan. Para sa mga nakilahok, ang paggunita ay hindi lamang pag-alala sa nakaraan kundi paninindigan sa kasalukuyan—pagtutol sa anumang pagtatangkang baguhin o burahin ang katotohanan, at patuloy na pakikipaglaban laban sa korapsyon at dinastiyang politikal. 

 

Paninindigan ng kabataan para sa katotohanan

Ayon sa panayam ng The Benildean kay Patricia Zacarias, estudyante ng St. Scholastica’s College, tila nakakabahala ang lumalalang historical revisionism hinggil sa EDSA, lalo na ngayong hindi lahat ng paaralan ay nagdeklara ng holiday para sa People Power. Para sa kaniya, sa halip na matuto ang susunod na henerasyon tungkol sa tunay na nangyari noong 1986, tila may pagtatangkang itulak ang paglimot dito—isang bagay na hindi niya sinasang-ayunan. Binigyang-diin din niya na isang pribilehiyo ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman upang matukoy ang tama at mali. 

 

Bilang bahagi ng kabataan, naniniwala siyang dapat pagtuunan ng pansin sa darating na halalan sa 2028, ang edukasyon, lalo na para sa mga hindi nagkakaroon ng sapat na oportunidad na makapag-aral, upang magkaroon sila ng kakayahang pumili ng mga lider batay sa wastong kaalaman. 

 

Sa isang salita, inilalarawan niya ang diwa ng EDSA bilang “consistent,” sapagkat nananatili itong paalala ng kolektibong lakas ng mamamayang Pilipino.

 

Katotohanan bilang pananagutan sa bayan

Sa kabilang dako, matagal nang dumadalo sa mga paggunita ng EDSA si Ernie Flores ng Liberal Party Kabalikat Chapter—“mga dekada na rin,” aniya. Para sa kaniya, ang pagtatangkang baguhin ang kasaysayan ng EDSA ay isang kasalanan sa taumbayan, sapagkat ang katotohanan ay dapat mamalagi at hindi napapalitan ng maling naratibo. Iginiit niyang kailangang ipagpatuloy sa kasalukuyan ang sinimulang laban ng mga naunang henerasyon at panatilihing buhay ang diwa ng pagkakaisa at pagkilos.

Hinggil naman sa kabataan, pinuri ni Flores ang pagiging malikhain at mapanuri ng bagong henerasyon sa pakikilahok sa lipunan. Aniya, “Nagiging creative ang mga kabataan sa nangyayari sa lipunan at patuloy silang nagbabasa at natututo sa kasaysayan.” Binanggit niya rin ang paalala ni Dr. José Rizal na, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan,” bilang inspirasyon upang gamitin natin ang ating kaalaman at kritikal na pag-iisip sa pagtukoy ng tama at mali sa kasalukuyang politika. Para kay Flores, ang kabataan ay may tungkuling ipagpatuloy ang diwa ng EDSA—hindi lamang bilang alaala, kundi bilang aktibong paggiit sa pananagutan sa pamahalaan.

 

Tuloy ang diwa, tuloy ang gawa

Nang makapanayam naman ng The Benildean si Didith Rodrigo mula sa Ateneo de Manila University upang ilarawan ang diwa ng EDSA sa isang parirala, agad niyang sinabi na “Patuloy pa rin.” Para sa kaniya, ang diwa ng EDSA makalipas ang 40 taon ay ang patuloy na paglaban sa mga suliranin na naging mitsa ng pag-aalsa noong 1986, kaya at hindi maaaring tumigil ang mamamayan sa paggiit ng pagbabago. 

 

Ayon sa kaniya, “[Dahil] ang mga suliranin na naging mitsa noong 1986 ay patuloy pa rin hanggang ngayon. Kaya kailangan tumuloy pa rin tayo. Hindi tayo pwedeng tumigil.”

 

Dagdag pa niya, noong panahon ng EDSA ay nasa kolehiyo pa lamang siya at inakalang tuluyan nang magiging maayos ang pamahalaan matapos maibalik ang demokrasya. Subalit sa kaniyang pagninilay, ang ilang suliraning naranasan noon ay patuloy pa ring hinaharap ng bansa sa kasalukuyan. Kaugnay nito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng edukasyon bilang instrumento ng katotohanan.

 

Ayon pa sa kaniya, “Napakahalaga ng edukasyon—instrumento talaga ng katotohanan. Hanggat maaari sana, i-improve natin ang education system para maibahagi sa mga kabataan ‘yung totoong nangyari noong Martial Law.” 

 

Sa huli, dapat nating isapuso na hindi sapat ang pag-alala lamang, bagkus kailangan ang malinaw at matapang na paninindigan. Ang pagtatangkang paliitin ang kabuluhan ng People Power at baluktutin ang kasaysayan ay tahasang pagyurak sa sakripisyo ng mga Pilipinong lumaban sa diktadura. Hangga’t nananatili ang korapsyon, dinastiyang politikal, at malawak na kahirapan, hindi pa tapos ang laban na sinimulan noong 1986. 

 

Ang kasaysayan ay hindi dapat binubura para sa kapakinabangan ng iilan, sa halip ay dapat gawing sandigan upang itulak ang mas makatarungan at mas makataong kinabukasan para sa lahat ng mamamayan.