Layout By Zoie Sabanal
Layout By Zoie Sabanal.

Museo Balin Pamana: Ang pamana ng nakaraan para sa kinabukasan


Kilalanin ang istorya ng mga Botoleños mula sa pamana ng kanilang nakaraan.


By Mikaela Amira Barrosa | Thursday, 19 February 2026

Itinayo ang Balin Pamana bilang isang museo na maipagmamalaki at naglalayong maipalaganap ang kasaysayan ng Botolan, isang munisipalidad sa Zambales na tahanan ng sikat na Mt. Pinatubo. Ang museo ay opisyal na nagbukas sa publiko noong Mayo 4, 2022, at makikita rito ang iba’t ibang mga artifacts, kagamitan, at istorya na tatatak sa mga puso ng bawat bisita. 

 

Malilibot ang museo sa loob ng isang oras at maraming matutuklasan tungkol sa kasaysayan ng Botoleños—mga naninirahan sa Botolan. Sa iyong paglibot sa museo ay matutunan mo ang kasaysayan at pamumuhay sa Botolan, kasama na rin dito ang pagkilala sa mga bayani at ang mga ipinagmamalaking lugar sa Botolan. 

 

Kasaysayan ng Botolan

Ang Botolan ay nakapaloob sa probinsya ng Zambales na may populasyon na higit sa 84,000 na Botoleños, 20% nito ay mga katutubo. Hango sa isang uri ng saging na mabuto, maliit, at maitim na tumutubo sa Zambales ang “Botolan.”

 

Noong itinayo ang museo Balin Pamana, may nadiskubre silang pagkakaiba sa anibersaryo ng araw ng pagkatatag ng Botolan. Itinakda ito noon sa Mayo 4, ngunit kalauna’y natuklasan mula sa pagsusuri na ito talaga ay Mayo 16, 1736. 

 

Isang pang artifact na naka-display rito na nagsasaad ng kasaysayan ay isang bato mula sa Fort Playa Honda. Ito ay dating pinakakinatatakutan na kuta ng mga Espanyol na itinayo noong 1622 sa silangang bangko ng Ilog Paynauen upang pamunuan ang gitnang Luzon.   

 

Ang mga bayani ng Botolan

Sa susunod na bahagi ng paglilibot, makikita ang mga kagamitan na ginamit ng mga taong tinaguriang bayani ng Botolan. Bawat piyesa ng gamit ay may kalahok na kuwento na nagpapakita sa katatagan at kagalingan ng mga tao sa Botolan. 

 

Ang unang relikya ay ang uniporme ni PFC Peter John Ramos Villanueva. Isa siyangsundalo na nagbuwis-buhay upang masagip ang isang estudyante nang umatake ang New People’s Army (NPA) noong 2017 sa sports fest na ipinagdiriwang sa kanilang eskwelahan. Ang uniporme na makikita dito ay isa lamang sa kaniyang mga uniporme dahil ang orihinal na suot niya ay nabutas ng mga bala. Niyakap ni Villanueva ang bata upang maprotektahan ito mula sa mga bala, nabuhay ang bata ngunit nasawi si Villanueva kaya siya ay tinaguriang modernong bayani ng Botolan.

 

Sumunod na relikya naman ay ang kwintas ni Ka Carling Domulot, siya ay dating chairman ng Lubos na Alyansa ng mga Katutubong Ayta sa Sambales (LAKAS). Hindi siya nakatanggap ng pormal na edukasyon, ngunit bunga siya ng alternative learning system—programa ng Department of Education na nagbibigay edukasyon sa impormal na pamamaraan upang makarating sa malalayong komunidadna kanyang lalong ipinatibay upang matulungan ang mga kapwa katutubo. Dahil sa kanyang mga kontribusyon sa LAKAS ay nakapunta siya sa Greenland, upang magbigay ng talumpati kung saan siya ay nakatanggap ng papuri mula sa mga dayuhan. 

 

Ang huling relikya ay ang panulat (sign pen) ni Dr. Florentino Doble na isang mahusay na surgeon. Siya ang kauna-unahang taga-Botolan na naging chairman ng Professional Regulation Commission (PRC). Siya ang nakapagdala ng PRC sa iba’t ibang mga probinsya. 

 

Makikita ang kabayanihan mula sa kanilang kwento ng katapangan at kagalingan. Isa silang mga ehemplo na tinitingala at binibigyang puri ng mga tao sa Botolan.

 

Pamumuhay sa Botolan

Upang mabuo ang museo, nagbunga ang katas ng bayanihan dahil mula sa tulong ng mga komunidad sa Botolan kaya’t nakalikom sila ng mga artifacts na nagpapakita sa uri ng pamumuhay na mayroon sila sa Botolan. 

 

Magkakaibang mga relihiyon ang pumapalibot sa Botolan mula Katoliko hanggang sa mga Muslim. Kaya naman mayroon silang mga artifacts na mula sa iba’t ibang relihiyon tulad na lang ng Bibliya na isinalin sa Sambal Botolan—ang diyalekto na gamit sa Botolan—at sulat-kamay na script ng moro-moro—komedya tungkol sa tunggalian ng mga Kristyano at Muslim.

 

Makikita rin ang payak na pamumuhay ng mga taga Botolan mula sa kanilang mga pangkaraniwang kagamitan. Tampok sa museo ang ilan sa mga makalumang banga na kanilang pinaglalagyan ng kanin, o tubig. Isa sa mga banga sa museo ay minsang napagkunan ng tubig na ibinigay kay dating Pangulong Ramon Magsaysay noong siya ay bumisita sa Botolan. 

 

Huli sa lahat ay ang replika ng Rainmaker na gawa ng mga Ayta, na kanilang pinaniniwalaan na may kakayahang tumatawag ng ulan. Isa itong tubo na kapag binaliktad ay nagagaya ang tunog ng ulan—kung saan nang ito ay ipinasubok sa amin ay tunay na bumuhos talaga ang ulan matapos ang aming ikot sa museo.

 

Destinasyong pang-turista sa Botolan

Sa kahuli-huling porsyon ng paglilibot sa museo makikita ang miniature display ng mga destinasyon ng Botolan: Mt. Pinatubo at Tukal Tukal falls. Ang display na ito ay gawa ng mga lokal na artista mula sa Botolan upang maipamalas ang natatanging ganda ng kanilang lugar. 

 

Ang Mt. Pinatubo ay isa sa mga aktibong bulkan na kilala sa pag-sabog nito noong 1991. Sa kasalukuyan, isa itong kilalang lugar na inaakyat ng mga turista. Sa kabilang banda, ang Tukal Tukal falls naman ay kilala bilang “bibig ng impyerno” dahil sa lalim nito. Ang sumubok na tumalon dito ay nakaranas ng matinding lamig dahil walang current na tila ay hinahatak ang mga katawan nila.

 

Maituturing na sentro ng kultura ang Balin Pamana ng mga Botolan na maaaring tuklasin ng kahit sinumang interesadong bumisita rito. Ang kasaysayan ng isang lugar ay patuloy na nabubuhay sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pagkilala at pag-aalaga ng mga istoryang nakapalibot dito. 

 

Ang museo na ito ay hindi lamang taguan ng mga makalumang bagay, bagamat ito ay nagsisilbing tahanan ng mga kwento ng tao sa Botolan.