Ang pelikula ay isang makapangyarihang instrumento na sumasalamin sa ating lipunan. Ngayong Women’s Month, ipagdiwang natin ang kababaihan sa pamamagitan ng panonood ng mga pelikulang nagpapakita ng kanilang determinasyon, boses, at pananaw.
Sa bawat eksena at linya, ang mga pelikulang ito ay nag-aanyaya sa atin na damhin at pahalagahan ang karanasan ng kababaihan. Sa sinehan man o sa harap ng ating mga screen, bawat kuwento ay paalala ng tapang at inspirasyon na hatid ng kababaihan sa ating lipunan.
Inilatag ni Kij Cabardo
Moral (1982) ni Marilou Diaz-Abaya
Kung nais mong makita kung paano lumaban ang kababaihan sa lipunang patriyarkal, ito ang tamang pelikula para sa iyo. Ipinakita sa kuwentong ito kung paano hinarap ng apat na kababaihan—Joey, Maritess, Sylvia, at Kathy, na ginampanan nina Lorna Tolentino, Anna Marin, Sandy Andolong, at Gina Alajar—ang mga hamon sa pag-ibig, karera, at kalayaan sa sarili, habang pinapahalagahan ang kanilang boses at desisyon sa buhay.
Inilatag ni Maia Martin
Sunday Beauty Queen (2016) ni Baby Ruth Villarama
Kung nais mong malaman ang mga totoong kuwento ng buhay ng mga Filipina domestic helpers sa Hong Kong, ang dokumentaryong ito ay para sa’yo. Sila ay naghahanap ng pag-asa at saya sa pamamagitan ng isang beauty pageant tuwing Linggo. Ipinapakita nito na hindi lang ang kanilang sakripisyo at homesickness, kundi pati ang tibay at optimismong kanilang pinanatili sa kabila ng hirap sa ibang bansa.
Inilatag ni Juliana Polancos
Billie and Emma (2018) ni Samantha Lee
Ito ay isang makabagbag-damdaming teen drama na pinangunahan nina Zar Donato bilang Billie at Gabby Padilla bilang Emma. Ang pelikulang ito ay sumusuri sa pag-ibig, kabataan, at mahihirap na desisyon tulad ng teenage pregnancy at pag-aalaga sa sariling katawan, lahat sa perspektibo ng LGBTQIA+ community. Sa pamamagitan ng natural at maikling mga eksena ng pagmamahalan at tahimik na tensyon, pinaparamdam nito ang bawat emosyon ng mga karakter sa manonood.
Inilatag ni Kamille Castillo
Liway (2018) ni Kip Oebanda
“Hindi naman magtatagal ang kadiliman.” Nasaan ang kababaihan noong Martial Law? Ang pelikulang ito ay umiikot sa kuwento ni Day, na ginampanan ni Glaiza de Castro, at ng kaniyang anak. Pinaparamdam nito sa atin ang kanilang sakripisyo, pag-asa, at nagpapaalala ng katotohanang nilimot ng ilan. Hindi lamang ito nagtuturo ng nakaraan, kundi nag-udyok din na pahalagahan ang hustisya at huwag kalimutan ang laban ng mga nakaraang henerasyon, lalo na ang mga kababaihan, para sa bayan.
Inilatag ni Zoie Sabanal
Lingua Franca (2019) ni Isabel Sandoval
Pag-ibig at takot sa buhay ng isang transgender immigrant. Ang pelikulang ito ay isang maingat at makabagbag-damdaming pelikula tungkol sa buhay ni Olivia na ginampanan ni Isabel Sandoval, isang transgender Filipina na nakikipagsapalaran bilang imigrante sa Amerika. Sa pamamagitan ng tahimik at detalyadong obserbasyon sa pang-araw-araw na buhay ni Olivia, ipinapakita nito ang tapang, pag-asa, at pag-ibig sa kabila ng takot at kawalang-katiyakan.
Inilatag ni Marcus Aquino
Iska (2019) ni Theodore Boborol
Ang pelikulang ito ay naglalarawan ng hirap at sakripisyo ng isang lola, si Iska, na ginampanan ni Ruby Ruiz, na nag-aalaga sa kaniyang apo na may espesyal na pangangailangan sa gitna ng kahirapan at kawalang-katarungan ng lipunan. Ipinapakita nito ang wagas na pagmamahal, tiyaga, at tapang ni Iska habang humaharap sa trahedya at maling akusasyon, na nagpapakita ng tunay na realidad ng mga Pilipino sa ganitong sitwasyon.
Inilatag ni Antoine Tanag
Leonor Will Never Die (2022) ni Martika Ramirez Escobar
Walang limitasyon sa edad sa pag-abot ng pangarap. Kung gusto mo ng pelikulang may masayang paglalakbay sa mundo ng pelikulang aksiyon ng Pilipinas, puno ng kulay, saya, at kakaibang imahinasyon, ang pelikulang ito ang para sa’yo. Makikita sa kuwento ni Leonor, na ginampanan ni Sheila Francisco, kung paano pinagsasama ang katotohanan at pantasya upang magbigay-aliw, magpatawa, at maghatid ng puso sa bawat eksena.
Inilatag ni Kij Cabardo
Sunshine (2024) ni Antoinette Jadaone
Ikaw ba ay babaeng puno rin ng mga pangarap? Hindi dapat limitahan ng kababaihan ang kanilang mga sarili dahil sa pamantayang inilaan sa kanila ng lipunan. Ang pelikulang ito ay nagpapakita ng tapang at determinasyon ng kababaihan, lalo na ng bidang si Sunshine na ginampanan ni Maris Racal, sa kabila ng mga limitadong oportunidad at mahigpit na regulasyon. Ito ay paanyaya sa lahat na pahalagahan ang serbisyong pangkalusugan para sa kababaihan.
Inilatag ni Zed Roxas
Sisa (2026) ni Jun Robles Lana
Isang pelikulang nagpapakita ng tapang at talino ng kababaihan sa gitna ng digmaan at kolonyal na pananakop, ang bida na si Sisa ay ginampanan ng beteran na aktres na si Hilda Koronel. Sa bawat eksena, mararamdaman ang pakikibaka, determinasyon, lakas, at ang tunay na boses ng kasaysayan. Ating damhin, pahalagahan, at ipagdiwang ang kababaihang madalas nakaligtaan ng kasaysayan.
Sa bawat kuwentong ating mapapanood, makikita natin kung paano nila hinaharap ang hamon, nagbibigay-inspirasyon, at binabago ang pananaw ng iba. Sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin at pagpapahalaga sa kanilang boses, sabay-sabay nating ipagdiwang ang kontribusyon ng kababaihan at ang patuloy nilang lakbay tungo sa mas makulay na kinabukasan.
