Sa likod ng bawat kurtina sa entablado ay ang mga kuwentong binubuhay ng mga artista at artisano.
Pag-arte, pagkanta, at pagsasayaw—dahil sa tatlong talentong pinagsama-sama sa iisang sining, dahilan upang matawag na “triple threat” ang mga performer sa teatro. Ngunit hindi nabubuo ang isang produksyon sa liwanag ng entablado lamang. Kaakibat nito ang mga direktor, manunulat, prop makers, stage directors, at technical directors na sama-samang nagbibigay-buhay sa bawat pagtatanghal. Dahil dito, nagiging isang kolektibong sining ang teatro.
Sa Pilipinas, pinapangunahan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Philippine Center of International Theater Institute ang pagdiriwang ng World Theater Day sa pamamagitan ng mga pagtatanghal at iba pang programang pangkultura, bilang plataporma sa pagsusulong ng pagkakaunawaan at pagpapahalaga sa mga kultura.
Entabladong Sumasalamin sa Lipunan
Nagsimula ang teatro sa mga ampitheater ng sinaunang Gresya bilang bahagi ng kanilang mga relihiyosong pagdiriwang. Sa paglipas ng panahon, lumaganap ang impluwensyang ito hanggang sa makarating sa Pilipinas. Sa ating bansa, ang pagtatanghal ay matatagpuan na sa mga katutubong ritwal at epikong bayan na pinamumunuan ng mga babaylan bago pa man ang kolonyalismo. Sa pagdating ng mga Kastila, nahaluan ito ng mga temang relihiyoso gaya ng Senakulo hanggang sa sumikat ang Sarsuwela at mga dulang sedisyoso na naging sandata para sa kalayaan. Ang ebolusyong ito ang nagsilbing pundasyon para sa mga artistang Pilipino sa kasalukuyan.
Ang World Theater Day ay nagsimula noong 1961 sa inisyatibo ng International Theatre Institute (ITI). Idinaraos ito tuwing Marso 27, ang petsa kung kailan nagbukas ang season para sa Theatre of Nations sa Paris noong 1962. Bahagi ng pagdiriwang ang World Theater Day Message, kung saan ang isang kilalang personalidad, tulad ng kauna-unahang mensahe mula kay Jean Cocteau, ay nagbabahagi ng pagninilay tungkol sa kapangyarihan ng teatro sa pagbubuklod ng mga bansa.
Theater Kid: Unang Hakbang sa Entablado
Magkaiba man ang pinanggalingan, nagtatagpo ang mga alagad ng teatro sa iisang simula–ang pagmamahal sa sining at ang unti-unting pagtuklas sa entablado bilang tahanan ng kanilang pagkatao.
Ang pagtatanghal ay madalas nagsisimula sa murang edad sa pamamagitan ng mga role play at skits sa paaralan. Mula elementarya, tumambad na agad ang teatro sa buhay ni Loid Edmun E. Aquino, unang-taong estudyante sa kolehiyo na kumukuha ng programang Theater Arts sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB) at dating miyembro ng Teatro Lasalyano - Caviteño. Mula sa Chamber Theater hanggang sa deklamasyon, natuklasan niya ang lalim ng pag-arte–hindi lamang bilang aliwan kundi bilang paghahatid ng mensahe. Katulad niya, si Reuss Aleistair Lunar, ikatlong-taong estudyante sa kolehiyo na kumukuha ng programang Bachelor of Arts in Multimedia Arts at miyembro ng Dulaang Filipino, ay maagang nahilig sa sining ng pagtatanghal. Bata pa lamang ay mahilig na siyang umawit, sumayaw, at magtanghal. Mula noong nakapanood siya ng isang musikal noong pitong taong gulang ay naging malinaw ang kanyang pangarap na makatapak sa entablado. At maging si Karen Nicole P. Buagas unang-taong estudyante sa kolehiyo na kumukuha ng programang Business Administration - Marketing Management sa DLS-CSB at dating miyembro ng Teatro Lasalyano-Caviteño; ay nagsimula sa simpleng pag-arte sa mga role play noong elementarya.
Samantala, bagaman hindi nagsimula sa pagkabata, natuklasan ni Cyra Noelle M. de Guzman, unang-taong estudyante sa kolehiyo na kumukuha ng programang Multimedia Arts sa DLS-CSB, ang kaniyang pagmamahal sa teatro sa pamamagitan ng Star Workshop ng Benilde Culture and Arts, kung saan naunawaan niya ang proseso at lalim ng paglikha ng isang produksyon.
Sa Likod ng Entablado
Ang tunay na nagbibigay-buhay sa teatro ay ang mga kuwentong hindi laging naipapakita–samot-saring sakripisyo, pagod, at dedikasyon ng mga taong bumubuo rito.
Para sa kanila, ang teatro ay isang patuloy na proseso ng malikhaing pagtuklas. “Papel ko sa mundo ng teatro? To create. I really love creating stories,” pagbabahagi ni Aquino. Sa kabila ng pagiging baguhan sa kolehiyo, dala niya ang paniniwalang ang teatro ay bukas na espasyo para sa walang hanggang mga ideya. Binigyang-diin naman ni Lunar ang kanyang papel bilang artista at alagad ng sining, habang ibinahagi ni de Guzman ang kahalagahan ng pakikilahok sa buong proseso–sa entablado man o sa likod nito. Sa kabila ng mabigat na responsibilidad, nananatiling matatag ang kanilang ugnayan sa teatro.
Gayunpaman, iisa ang lumitaw na hamon sa kanilang mga salaysay–pagod, pagdududa, at pagkawala ng spark sa sining. Naranasan nina Aquino, Lunar, at Buagas ang burnout at pagdududa sa sarili, lalo na sa pagharap sa mas mabigat na tungkulin. Ngunit sa tulong ng kanilang komunidad, natutunan nilang bumangon at muling yakapin ang kanilang pagmamahal sa teatro.
“The show must go on,” saad ni Samantha Lorraine Sampang, unang-taong estudyante sa kolehiyo na kumukuha ng programang Accountancy at dating miyembro ng Teatro Kristiyano, sa kabila ng kakulangan sa badyet at oras at hindi pagkakaunawaan. Para sa kanya, kailangang magpatuloy dahil hindi hihinto ang oras.
Para mabawasan ang kani-kanilang mabibigat na alalahanin, nagsasagawa sila ng mga ritwal bago sumalang sa entablado. “May “hype circle” din kami upang magbigay ng lakas ng loob sa isa’t isa bago umakyat sa entablado.” Ibinahagi ito ni Jasmin Daphne C. Cacanindin, unang-taong estudyante sa kolehiyo na kumukuha ng programang Multimedia Arts sa DLS-CSB. Para sa kanila, mahalaga ang espasyong puno ng tiwala at pagkakaisa. Sa grupo nila Aquino at de Guzman sa Stage Productions Operations Team (SPOT), ang ritwal ay hindi lamang nasa aksyon kundi sa paniniwala–isang kolektibong diwa ng “kaya natin ’to,” na sinasandigan ng pananampalataya at panalangin sa bawat simula ng pag-eensayo, pagpupulong, o produksyon.
Sa kabuuan, ang pagpapanatili ng pagmamahal sa teatro ay umiikot sa iisang pinanggagalingan–ang komunidad, layunin, at patuloy na pagkatuto sa proseso ng sining. Para kina Aquino, Buagas, at Lunar, ang teatro ay hindi lamang indibidwal na gawain kundi isang kolektibong proseso. Samantala, pinagbubuklod nina Cacanindin, Sampang, at de Guzman ang kanilang layunin na magkuwento at magbigay-boses sa mga karanasang may saysay para sa mga manonood.
World Theater Day sa Pilipinas
Sa Pilipinas, may legal na batayan ang pagdiriwang na ito sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 1262, na nagtatakda na ang Marso 21 hanggang 27 ng bawat taon ay ang UNESCO-ITI World Theatre Week upang pagtuunan at itanghal ang papel ng dulaan sa edukasyon at pambansang pagkakaisa. Inaatasan nito ang NCCA na pangunahan ang mga aktibidad na nagtataguyod sa pilosopiyang Theatre for All.
Dahil dito, itinuturing din ang Marso bilang Women and World Theatre Month. Ang selebrasyon ay umaabot sa lahat ng rehiyon sa Luzon, Visayas, at Mindanao sa pamamagitan ng mga festival at kumperensya upang mas mapatatag ang dulaan bilang instrumento ng pagbabago. Kabilang din dito ang pakikipag-ugnayan sa radyo gaya ng programang Balintataw upang mapatatag ang dulaan bilang instrumento ng edukasyon at pagbabago.
Higit pa sa pormal na pagdiriwang, ang dulaan ay nagsisilbing buhay na imbakan ng ating pagkakakilanlan at isang mabisang instrumento sa pagpapahalaga sa sining at kulturang Pilipino. Para kay Aquino, malaki ang papel ng teatro sa pagpapalalim ng ating identidad dahil ito ay nag-uugnay sa atin sa ating mga ninuno. Naniniwala siya na muling nabubuhay ang ating kasaysayan at naipapasa ang ating kultura sa susunod na henerasyon.
Ang kaisipang ito ay binigyang-diin din ni Cacanindin, ang teatro ay nagsisilbing buhay na salamin ng ating mga tradisyon at karanasan bilang isang bayan. Para sa kaniya, ito ay hindi lamang basta libangan kundi isang paraan ng edukasyon at pagmulat upang hindi makalimutan ng mga kabataan ang kanilang pinagmulan. Binigyang-diin naman ni Lunar na ang teatro ay isang repleksyon ng mga pinagdadaanan ng mga Pilipino kung saan nabibigyan ng pagkakataon ang bawat isa na ibahagi ang kanilang mga karanasan—mula sa kasaysayan hanggang sa mga isyung panlipunan sa kasalukuyan.
Sa gitna ng mabilis na pagbabago ng panahon, nananatiling mahalaga ang dulaan upang mapangalagaan ang ating mga natatanging kaugalian. Ayon kay de Guzman, tinitiyak ng mga pagtatanghal na ang ating musika, mga sayawing pambayan, at mga alamat ay naipapakita sa paraang madaling maunawaan ng mga tao ngayon. Dagdag pa rito, naniniwala si Buagas na ang sining na ito ang nagpapanatiling buhay ng ating kulturang unti-unti nang naglalaho sa kamalayan ng marami. Para sa kaniya, ang pagpapahalaga sa mga kurso sa teatro sa mga paaralan ay isang mahalagang hakbang upang masigurong ang bawat kuwento ay patuloy na magbibigay-inspirasyon at magpapatibay sa ating pagkakakilanlan.
Sa bawat pagbukas ng ilaw at muling pagtaas ng kurtina, mananatiling buhay ang teatro bilang sining na nagbubuklod at nagpapanatili sa alab ng ating kultura. Hangga’t may mga kuwentong isasalaysay at mga taong handang magsakripisyo sa likod ng entablado, patuloy na magliliwanag ang sining na ito sa puso ng bawat Pilipino.
