Inilatag Ni Zoie Sabanal
Inilatag Ni Zoie Sabanal.

Sa pagitan ng kahapon at bukas: Saan tayo dapat makinig?


Sa bundok ng Zambales, ang mga Aeta ay patuloy na lumalaban, hindi lamang para sa kanilang lupang ninuno, kundi para sa pagpapanatili ng kultura na maaaring mawala sa gitna ng modernisasyon


By Louis Layacan | Wednesday, 4 March 2026

Sa loob ng gubat ng Zambales, kung saan ang mga puno ay naglalaman ng mga halamang gamot at ang lupa ay nagbibigay ng pagkain, ang mga Aeta ay patuloy na naninindigan. Hindi ito lamang pakikibaka para sa lupang ninuno, kundi laban para sa pagkakakilanlan na unti-unting hinahabol ng panahon. 

 

Mula sa mga kabataang natututo ng tradisyonal na sayaw hanggang sa mga nakatatandang naghahatid ng karunungan, ang kanilang mga kuwento ay salamin ng isang komunidad na ayaw kalimutan kung saan sila nanggaling.  Nakapanayam ng The Benildean ang mga katutubong aeta mula sa Lubos na Alyansa ng mga Katutubong Aeta ng Sambales (LAKAS), at si Tata Kasoy Liwanag ay nagbahagi ng kanilang karanasan—bawat isa ay may iba't ibang papel, ngunit iisa ang layunin at ito ang mapanatili ang kultura para sa susunod na salinlahi.

 

Tubag Jugatan at Yalong Cosme

Si Ka Tubag Jugatan, 44, ay pangulo ng LAKAS Pamayanan, habang si Yalong Cosme ay dating ingat-yaman at kasalukuyang adviser ng samahan. Pareho silang gumagampan ng mahalagang papel sa pagpapasa ng Indigenous Knowledge Systems and Practices (IKSP) sa mga kabataan. Ayon kay Jugatan, mahalaga ang pagpili ng mga tradisyong dapat ituro. 

 

"Sa aming kultura, may masama at may mabuti. Ang sabi nga namin, 'yung hindi maganda ay huwag isabuhay. Ang isasabuhay lang natin ay ang mga magaganda para ito ang manatili sa mga kabataan," aniya.  

 

Para kay Jugatan, ang hands-on na pagtuturo ay susi. "Mas maganda kasi 'yung hands on na pagtuturo—hindi lang kwento kundi ipinapakita kung anong klase ng kahoy, anong tawag at gamit nito," paliwanag niya. Ngunit sa likod ng pagtuturong ito ay mas malalim na pakikibaka. Ayon kay Jugatan, ang lupa ay hindi lamang lugar—ito ay buhay. "Para sa amin, ang lupa ay buhay. Ito ang aming classroom. Lahat ng kailangan namin ay galing sa lupa—gamot, pagkain, tirahan. Ngunit ang mga labas sa komunidad ay hindi ganoon mag-isip. Sobra-sobra silang kumuha," aniya. 

 

Samantala, si Yalong Cosme ay nagbahagi ng kasaysayan ng LAKAS at ng kanilang ritwal sa pagsasaka. "Nagsimula ang LAKAS bago pa pumutok ang bulkan, ayon sa kwento ng aming mga magulang. Layunin din ng LAKAS na itaguyod ang mga katutubong Aeta na biktima ng kawalan ng edukasyon at ng mapagsamantalang kalakalan," kwento niya. 

 

Ipinakita rin niya ang kaugnayan ng espiritwalidad sa kanilang kabuhayan. "Ang aming kaingin ay isang sistema ng agrikultura. Bago kami magtanim, may ritwal muna, kinakausap ang espiritu. Kung masama ang panaginip, hindi tinutuloy." Para kay Cosme, ang pagbabalik sa tradisyunal na kaalaman ay solusyon sa climate change. 

 

"Panahon na para balikan ang tradisyunal na pamamaraan. Sa climate change, pare-pareho tayong apektado. Dapat matuto tayong bumalik sa mga naunang sistema." Hindi rin siya tumitigil sa pagsusuot ng bahag bilang paninindigan laban sa diskriminasyon. "Sa pagbabahag namin, minsan ipinagbabawal sa mga establisimyento. Kaya ipinaliliwanag namin na ito ay bahagi ng aming kultura," aniya, na nagpapatuloy sa tradisyon "kahit saan ako magpunta" upang ipakita na ang pagiging Aeta ay bahagi ng pambansang identidad.  

 

Ang mga lider tulad nina Jugatan at Cosme ay nagpapakita na ang pagpapanatili ng kultura ay hindi hadlang sa pag-unlad. Sa halip, ito ay pundasyon kung saan maaaring magtayo ng mas matatag na kinabukasan—isang kinabukasan na nakabatay sa respeto sa kalikasan, pagkakakilanlan, at kolektibong pagkilos.

 

Kababaihang Aetas

Sa gitna ng mga hamon ng kahirapan at kakulangan, ang mga kababaihan ng LAKAS Pamayanan ay patuloy na lumalaban—hindi lamang para sa kanilang pamilya, kundi para sa buong komunidad. Sa panayam ng The Benildean, ibinahagi nila ang kanilang mga karanasan sa kabuhayan, edukasyon, at pagpapanatili ng tradisyon.  

 

Karamihan sa mga kababaihan ay umaasa sa maliit na negosyo tulad ng pagtitinda ng merienda at pagtatanim. Ngunit sa tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE), nakatanggap sila ng training sa dressmaking at makakatanggap ng livelihood programs. 

 

"Ititrain din namin yung mga kapwa namin kababaihan na hindi nakasama doon sa training na yun. Para lahat ay mabigyan ma'am ng kahit konting pagkakakitaan," anila. Ang sistemang ito ay sumasalamin sa kolektibong kultura ng LAKAS, kung saan ang tagumpay ng isa ay tagumpay ng lahat. Ngunit higit sa kabuhayan, ang kanilang pangarap ay edukasyon. 

 

"Pangarap namin dito sa aming pamayanan na ang bawat pamilya, kahit isa man lang magkaroon ng isang profesional na anak," anila. May 10% contribution system ang LAKAS, kung saan ang mga nakapagtapos at nagtatrabaho ay nagbibigay ng bahagi ng kanilang kita para sa mga aktibidad ng pamayanan. Ito ay nag-iinspire sa mga kabataan na magpatuloy sa pag-aaral. Sa usapin ng tradisyon, ipinagmamalaki ng mga kababaihan ang kanilang kaugalian sa panliligaw. "Inaharana at sinusuyo pa yung pamilya ng babae," anila. 

 

"Yung kumbaga, hindi pa napapasagot yung babae, nanunuyo na yung lalaki. Kung anong trabaho ng magulang ng babae, kailangan doon siya, tumutulong siya. Kahit wala pang kasiguraduhan na gugustuhin na siya ng babae." Sa kabila ng modernisasyon, ang ganitong tradisyon ay patunay na ang pagpapahalaga sa pamilya at respeto ay nananatiling bahagi ng kanilang kultura.  

 

Gayunpaman, malaki ang kanilang inaasahan mula sa gobyerno. "Yung hindi panandalian lang ang pangangailangan. Yung magbibigay sila ng pasimula na kung saan sana mapapalago na yun ng bawat mamamayan dito sa lakas," anila, na nanawagan ng sustainable na tulong at hindi temporary aid. Higit sa lahat, hinahangad nila ang sapat na suporta sa edukasyon para sa kolehiyo, dahil ito ang susi sa pag-angat ng komunidad. 

 

Ang mga kababaihan ng LAKAS ay nagpapakita ng tibay ng loob at dedikasyon na dapat maging inspirasyon. Ipinapakita nila na ang pagbabago ay nagsisimula sa maliit na hakbang—mula sa pagtitinda hanggang sa pagsusulong ng edukasyon. Ang kanilang kwento ay paalala na walang hadlang na hindi kayang lampasan kapag ang komunidad ay nagkakaisa.

 

Tata Kasoy Liwanag

Si “Tata Kasoy" Liwanag, 76, ay kilala bilang tour guide at trainer ng Pamulaklakin Forest Trail, kung saan itinuturo niya ang Indigenous Knowledge Systems and Practices (IKSPs)  sa mga bisita at estudyante. Sa kabila ng kanyang edad at ng kanyang bali sa buto mula sa aksidente, si Tata Kasoy ay patuloy na nagtuturo. Mula sa wood carving hanggang sa paggamit ng halamang gamot, ang kanyang kaalaman ay bunga ng mga taong pinag-aralan ang kalikasan. 

 

"Pagka di ka marunong mahuhuli ng isda o pagkain dito sa bundok, iiyak yung mga bata. Bakit iiyak? Kasi walang jollibee dito," biro niya, na nagpapakita ng realidad ng buhay sa bundok—kung saan ang kaalaman ay kabuhayan. 

 

Ngunit sa likod ng kanyang mga kwento ay malalim na pagmamahal. Si Tata Kasoy ay nag-aalaga sa kanyang asawang may Alzheimer's disease sa loob ng limang taon. "Inaalagaan ko ang asawa ko, ganyang ang tunay nagmamahalan—hanggang sa dulo," aniya. Ang kanyang dedikasyon ay sumasalamin sa kultura ng Aeta—kung saan ang pagmamahal at paggalang ay hindi nagtatapos kahit sa harap ng pagsubok.  

 

Sa usapin ng kinabukasan ng mga Aeta, malinaw ang panawagan ni Tata Kasoy: edukasyon. "Ako, dito sa Pamulaklakin, kailangan ko sa tribong Aeta, ang balang may pag-aaral ng abogasya. Dahil sa lugar namin, sa laki ng nasasakupan ng lupain ng aming mga ninuno, sino pa ang magtatanggol nito?" tanong niya. Para sa kanya, ang abogado ay numero uno, kasunod ang doktor, nurse, at guro. 

 

"Mag-aral na mabuti. Education is number one," ani Tata Kasoy, na nananawagan sa mga kabataan na tapusin ang pag-aaral bago mag-asawa. Bilang tribal elder, tumatanggap si Tata Kasoy ng honorarium mula sa gobyerno na ginagamit niya para sa kanyang pamilya. Ngunit para sa kanya, ang tunay na yaman ay ang kaalaman na maipapasa sa susunod na henerasyon. 

 

Si Tata Kasoy ay simbolo ng dedikasyon at pag-asa. Sa kabila ng kanyang edad at personal na pagsubok, patuloy niyang ibinabahagi ang kanyang kaalaman upang makatulong sa susunod na henerasyon. Ang kanyang buhay ay paalala na ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa kayamanan, kundi sa mga naiwan mong aral at kontribusyon sa iyong komunidad.