Mahigit isang siglo matapos matatag ang ating kasarinlan, nananatiling bukás ang tanong kung ang kalayaang ipinagdiwang noon ay ganap bang nararamdaman ng bawat Pilipino ngayon.
Sa paggunita ng ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12, muling nagtipon ang libu-libong Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang alalahanin ang makasaysayang deklarasyon ng kasarinlan ng Pilipinas mula sa kolonyal na paghahari. Idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang araw bilang isang special non-working holiday, habang pinangunahan niya ang seremonya ng pagtataas ng watawat sa Rizal Park bago dumalo sa programang ginanap sa Quirino Grandstand.
Ngunit lampas sa mga seremonyang opisyal, naging makulay rin ang pagdiriwang sa lansangan. Sa kahabaan ng Kalaw Avenue, nagmartsa ang iba’t ibang sektor at progresibong grupo upang ipahayag ang kanilang mga panawagan hinggil sa mga usaping panlipunan at pampulitika. Para sa marami, ang Araw ng Kalayaan ay hindi lamang paggunita sa nakaraan, kundi isang pagkakataon upang tanungin din ang kasalukuyan: tunay na nga ba tayong malaya?
Ang kalayaan sa gitna ng mga hamon sa demokrasya
Kabilang sa mga dumalo sa paggunita ay si Nicole Meneses, Chapter President ng National Eagle Scouts Association of The Philippines (NESAPh) Jose Protacio Rizal Chapter, na naniniwalang mahalagang panatilihing buhay ang kamalayan ng mga Pilipino sa kanilang kasaysayan.
Ayon kay Meneses, bahagi ng kanilang mga pagpapahalaga bilang mga miyembro ng Boy Scouts of the Philippines ang patuloy na paggunita sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng bansa. Para sa kaniya, hindi lamang ito payak na pag-alala sa mga bayani kundi pagkilala rin sa mga sakripisyo at pagsisikap ng mga naunang henerasyon upang makamit ang kalayaang tinatamasa ngayon.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-aaral ng kasaysayan, lalo na para sa mga kabataan. “Hindi tayo makasusulong kung hindi tayo matututo mula sa mga pangyayari noon,” ani Meneses. Sa panahon kung saan mabilis ang pagkalat ng impormasyon at disimpormasyon, nananatiling mahalagang sandigan ang kasaysayan upang maunawaan ang mga hamon ng kasalukuyan at maiwasang maulit ang mga pagkakamali ng nakaraan.
Nang tanungin tungkol sa kahulugan ng kalayaan, nagbigay si Meneses ng mas malawak na pananaw hinggil dito. Para sa kaniya, mahalagang isaalang-alang hindi lamang ang pambansang soberanya kundi maging ang kalayaan mula sa mga restriksiyong politikal na maaaring humahadlang sa pag-unlad ng lipunan. Aniya, mas nagiging makahulugan ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan kapag iniuugnay ito sa mga kontemporaryong isyung kinakaharap ng bansa, kabilang ang mga usaping nagaganap sa pambansang pamahalaan at mga demokratikong institusyon.
Kapansin-pansin na bagama’t kinikilala niyang malaya ang Pilipinas bilang isang nagsasariling bansa, naniniwala siyang nananatiling bukas ang usapin ng kalayaan sa iba pang aspeto ng lipunan. “Kung pag-uusapan ang pagiging isang malayang bansa na may sariling soberanya, masasabi kong oo. Ngunit sa ibang aspeto ng kalayaan, marami pa tayong kailangang pagnilayan at pag-usapan.”
Kabataan bilang tagapagmana ng kasaysayan
Para naman kay Rosemarie Tabayoyong, Pangasinan Junior Journalist Guild Girl Consultant, mahalagang makibahagi ang mga kabataan sa mga paggunita tulad ng Araw ng Kalayaan upang mas maunawaan ang ugat ng kanilang pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Para kay Tabayoyong, hindi sapat na alalahanin lamang ang nakaraan. Kinakailangan ding gamitin ang mga aral nito upang makabuo ng mas makatarungan at responsableng kinabukasan.
Higit pa rito, naniniwala siyang isa sa pinakamalalaking hamon sa kasalukuyan ay ang kalagayan ng pamahalaan at ang lumalawak na pagdududa ng mamamayan sa mga institusyon ng gobyerno. Umaasa siyang maririnig ng mga nasa kapangyarihan ang mga panawagan ng kabataan at ng sambayanan.
Nang tanungin kung tunay na malaya ang Pilipinas sa kasalukuyan, diretsahan niyang sinabi na hindi pa ganap ang kalayaang tinatamasa ng bansa. “Umaasa ako na sa mga susunod na panahon, at sa tulong nating mga kabataan, mas makakamit natin ang isang lipunang tunay na malaya mula sa mga suliraning ating kinakaharap.”
Nagbigay rin siya ng mensahe sa kapwa kabataan na maging mapanuri at responsable sa pagpili ng mga lider sapagkat ang mga desisyong ginagawa ngayon ay may makakaapekto sa direksiyong tatahakin ng bansa.
Sa kabuuan, ipinapakita ng paggunita sa ika-128 Araw ng Kalayaan na ang kalayaan ay nananatiling isang adhikaing patuloy na ipinaglalaban ng bawat henerasyon. Sa pananaw ng mga kabataan, malinaw na hindi lamang sapat ang pagkakaroon ng pambansang soberanya kung nananatili pa rin ang mga suliraning humahadlang sa ganap na kalayaan. Sa kabila ng watawat na patuloy nating itinataas bilang simbolo ng kasarinlan, ang tunay na kalayaan ay makakamit lamang kung mapapalaya ang mamamayan mula sa kahirapan, kawalan ng pagkakapantay-pantay, at iba pang anyo ng suliraning panlipunan. Sa ganitong paraan, nagiging ganap ang diwa ng kalayaan sa sariling bayan.
