Litrato Ni Enrique Silverio
Litrato Ni Enrique Silverio.

Mga mukha sa likod ng bahaghari


Sa kabila ng mga umiiral na hamon, pinatibay ng #PrideMarch2026 ang paniniwala na ang lipunang bukas at makatao ay posible sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at paninindigan.


By Jewel Mae Jose | Sunday, 28 June 2026

Hanggang saan na nga ba ang narating ng laban para sa inklusibong lipunan sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga pagkilos tulad ng Pride March 2026?

 

Sa panahon kung kailan patuloy na hinahamon ang mga usapin ng pagkakapantay-pantay at karapatang pantao sa bansa, muling naging lunsaran ng sama-samang pagkilos ang Pride March 2026 na ginanap sa University of the Philippines Diliman noong Hunyo 27. Libu-libong miyembro ng LGBTQIA+ community at iba’t ibang organisasyon ang nagsama-sama upang ipagdiwang ang kanilang identidad at ipahayag ang kanilang paninindigan sa mga isyung patuloy na nakaaapekto sa kanilang sektor at sa mas malawak na lipunan.

 

Isinulong din sa protesta ang panawagan para sa pagpasa ng SOGIE Equality Bill, pagtatanggol sa karapatang pantao, paglaban sa korapsyon, at pagsusulong ng isang lipunang tunay na inklusibo.

 

Panawagan para sa pagpasa ng SOGIE Equality Bill

Kabilang sa mga dumalo sa Pride March 2026 si Jillian, 18 taong gulang, na ikalawang beses nang nakilahok sa taunang pagdiriwang. Ayon sa kaniya, mas naging handa sila ngayong taon kaya naging mas maayos ang kanilang karanasan. Inilarawan niya ang pagdalo bilang isang “masaya at fulfilling” na karanasan, lalo na dahil nagkaroon siyang muli ng pagkakataong makiisa sa adbokasiyang isinusulong ng komunidad.

 

Isa sa mga pangunahing isyung binigyang-diin ni Jillian ay ang pagpasa ng SOGIE Equality Bill. Aniya, marami pa ring maling pananaw hinggil sa panukalang batas dahil iniisip ng ilan na para lamang ito sa LGBTQIA+ community. Ipinaliwanag niyang layunin nitong protektahan ang lahat laban sa anumang uri ng diskriminasyon.

 

Nang tanungin kung ano ang nais niyang sabihin sa kaniyang mas batang sarili, ibinahagi niyang mahalagang maging totoo sa sariling pagkatao. “Be who you are,” aniya. Ikinuwento rin niyang minsan siyang naging ‘closeted’ at kinailangan ng matinding lakas ng loob bago niya tuluyang tinanggap at ipinakita ang kaniyang tunay na identidad.

 

Walang edad ang paglaya sa sariling identidad

Sa edad na 60, unang beses na naranasan ni Ronnie ang pagdalo sa Pride March. Inilarawan niya ang karanasan bilang kapanapanabik, na nagpapakita ng saya at enerhiyang kaniyang naramdaman sa gitna ng libu-libong taong nagkakaisa para sa iisang layunin.

 

Gayunman, kinilala rin niyang magkakaiba ang sitwasyon ng bawat miyembro ng LGBTQIA+ community. Ayon sa kaniya, may mga taong handang ipakita ang kanilang tunay na identidad, ngunit mayroon ding pinipiling manahimik dahil sa mga panganib at diskriminasyong maaari pa rin nilang maranasan.

 

Bilang mensahe sa kaniyang mas batang sarili, hinikayat niya itong maging matatag sa sariling pagkatao. “It must be you. Just go out your egg shell. If you really want to, then go for it. Stand for it!” aniya.

 

Pagkakaroon ng komunidad bilang sandigan

Para naman kay Ally De Lozano, 26 taong gulang, naging bahagi na ng kaniyang buhay taun-taon ang pagdalo sa taunang Pride March. Bagama’t unang beses niyang dumalo nang mag-isa ngayong taon, hindi niya naramdaman ang pag-iisa dahil nakahanap siya ng mga taong nagsilbing pamilya sa buong selebrasyon.

 

Isa rin siya sa mga naniniwalang panahon nang maipasa ang SOGIE Equality Bill upang magkaroon ng mas matibay na proteksiyon laban sa diskriminasyon. Para kay Ally, ang Pride March ay isang pagkakataon upang muling ipanawagan ang pantay na karapatan para sa lahat.

 

Sa kaniyang mensahe para sa mas batang sarili, hinikayat niya ang mga kabataang LGBTQIA+ na huwag matakot sa kanilang identidad.  Para sa kaniya, nagsisimula ang tunay na paglaya sa pagtanggap sa sarili. 

 

Ayon kay Ally, “Embrace who you are. Do not hide sa closet. Accept yourself wholeheartedly.”

 

Sa kabuuan, ang Pride March 2026 ay nagsilbing mahalagang paalala na ang usapin ng pagkakaiba-iba at pagkakapantay-pantay ay patuloy na dapat isulong sa lipunang Pilipino. Ipinakita ng mga kuwento nina Jillian, Ronnie, at Ally na ang pagtanggap sa sariling identidad ay may iba’t ibang proseso ngunit nag-uugat sa iisang hangarin na mabuhay nang malaya at walang diskriminasyon. 

 

Sa kabila ng mga hamon tulad ng maling pananaw at patuloy na pag-iral ng diskriminasyon, nananatiling mahalaga ang panawagan para sa pagpasa ng SOGIE Equality Bill bilang hakbang tungo sa mas inklusibong proteksiyon para sa lahat. Higit pa rito, ipinamalas ng Pride March na ang komunidad ay nagsisilbing sandigan at espasyo ng pagkakaisa kung saan ang bawat isa ay may lugar na tinatanggap at pinapahalagahan. 

 

Sa huli, ang ganitong mga pagkilos ay nagpapatibay ng adhikain para sa isang lipunang higit na bukas sa dignidad ng bawat indibidwal anuman ang kanilang kasarian at identidad.