Ngayong National Nutrition Month, nagsisilbing paalala ang mga karaniwang pagkaing Pilipino na ang landas tungo sa mas malusog na pamumuhay ay maaaring magsimula sa sariling kusina at hapag-kainan.
Mula sa mga lutong-bahay na inihahanda araw-araw hanggang sa mga pagkaing iniluluto tuwing may espesyal na okasyon, nananatiling mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino ang pagkain. Ngunit higit pa sa lasa at alaala, marami sa mga karaniwang ulam na ito ang nagtataglay ng mahahalagang sustansyang kailangan ng ating katawan.
![072126 [komeko National Nutrition Month] Ginisang Munggo](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/e7ea2364-b3df-4f94-b273-514d0d295f9c.png)
Ginisang munggo
Isa ang ginisang munggo sa mga pangkaraniwang lutong-bahay sa Pilipinas. Madalas itong inihahain tuwing tanghalian o hapunan, at kilala bilang isang abot-kaya ngunit masustansyang ulam. Binubuo ito ng munggo na niluluto kasama ang bawang, sibuyas, kamatis, at maaaring lagyan ng dahon ng malunggay, dahon ng ampalaya, alugbati, o spinach. Sa iba't ibang bahagi ng bansa, dinaragdagan din ito ng tinapa, dilis, hipon, baboy, o chicharon upang mas maging malasa.
Higit sa pagiging masarap, ang munggo ay mayaman sa plant-based protein, fiber, iron, folate, at iba pang mahahalagang mineral. Kapag nilagyan ng malunggay o iba pang madahong gulay, nadaragdagan pa ito ng bitamina A, bitamina C, calcium, at antioxidants na mahalaga sa pagpapalakas ng resistensya at pagpapanatili ng mabuting kalusugan.
![072226 [listicle National Nutrition Month]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/4152d568-4019-4ba4-8437-2033565d3071.png)
Pinakbet
Ang pinakbet ay isa sa mga pinakatanyag na pagkaing gulay sa Pilipinas, lalo na sa rehiyong Ilocos kung saan ito nagmula. Ang pangalan nitong pinakbet ay hango sa salitang Ilokano na "pinakebbet," na nangangahulugang "pinalambot" o "pinalanta," na tumutukoy sa paraan ng pagluluto ng mga gulay hanggang lumambot at magsama-sama ang kanilang lasa.
Karaniwang sangkap ng pinakbet ang kalabasa, ampalaya, sitaw, okra, talong, at kamatis, na niluluto kasama ng bawang, sibuyas, at bagoong. Maaari rin itong lagyan ng baboy o hipon depende sa kagustuhan ng nagluluto, bagama't mayroon ding bersyong purong gulay. Dahil sa dami ng gulay na ginagamit, ang pinakbet ay mayaman sa fiber, bitamina A, bitamina C, potassium, at iba't ibang antioxidants. Nakatutulong ang mga sustansyang ito sa pagpapanatili ng malusog na paningin, pagpapalakas ng immune system, pagpapabuti ng panunaw, at pagbawas ng panganib ng ilang sakit.
![072126 [blip Ginataang Gulay]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/e6e30b76-250c-4065-8288-32c79bece16c.png)
Ginataang gulay
Ang ginataang gulay ay isa rin sa madalas na inihahain sa hapag-kainan. Ang aroma nito ay nagmumula sa pinakuluang gata ng niyog na isang sikat na pampalasa sa Pilipinas. Ang “ginataan” ay tumutukoy sa iba’t ibang putaheng may sangkap na gata ng niyog, at pinaniniwalaang naimpluwensiyahan ng mga Mehikano.
Unang napaunlad ito ng mga Bicolano na siyang nagbibigay ng ideya sa mga Pilipino ukol sa ganitong uri ng pagluluto. Madalas itong nilalagyan ng tuna, karne, at iba’t ibang gulay. Maaari ring bumuo ng kombinasyon ng iba’t ibang gulay tulad na lamang ng kalabasa, karne ng baboy o ‘di kaya’y lamang-dagat. Sa ibang bahagi ng Pilipinas, gumagamit sila ng bagoong at sili upang magdagdag ng kaunting anghang.

Adobong sitaw
Ang adobong sitaw ay isa sa mga baryasyon ng adobo. Ang adobo ay isa sa mga pagkaing naimpluwensyahan noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, kung saan ang pamamaraan ng pagluluto ay ang paggamit ng suka bilang pangunahing sangkap—sa pamamagitan ng pagpapakulo rito.
Ang karaniwang sangkap nito ay pinagsama-samang suka, toyo, dahon ng laurel, pamintang buo, at sitaw. Masasabing ang bersyon na ito ng adobo ay nakakadagdag ng mas maraming fiber, nakakatulong sa pagpapababa ng mataas na kolesterol sa pangmatagalang panahon na karaniwang kalakip sa pangkalahatang malusog na diet. Isa sa mga kagandahan nito ay ang pagtulong nito upang mas masubaybayan ang presyon ng dugo dahil sa maayos na sirkulasyon nito. Ang teknik sa pagluluto nito ay huwag masyadong palambutin ang sitaw dahil ang sustansyang taglay nito ay nawawala at nagiging malata.
![072226 [karilyon National Nutrition Month Laing]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/073b2879-870a-4341-a5e2-d4c8c0c12756.jpg)
Laing
Ang laing ay kilala sa Pilipinas sapagkat kakaiba ang amoy nito ngunit hitik naman ito sa sustansya. Masasabi ring ang lasa nito ay puno ng mga pampalasa at sariwang gulay. Ang pangunahing sangkap nito ay gabi, gata, at ang siling labuyo na kapag pinagsama ay nagiging malapot at may sipa ng anghang. Ang laing ay madalas ding ihandog tuwing may salo-salo, selebrasyon ng pista, at iba pang mga okasyon. Para sa mga Bicolano, sumisimbolo ito sa tradisyon ng rehiyon ng Bicol na naipasa mula pa sa mga naunang henerasyon.
Sa rehiyon ng Bicol nagsimula ang ganitong uri ng pagluluto sa gata na may sahog na maraming sili. Ang pagkain ng laing ay napatunayang nakatutulong sa pagbabalanse ng nutrisyon, sapagkat mataas ito sa potassium, folate, bitamina A, at bitamina C.
![072226 [komeko National Nutrition Month] Bulanglang](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/637fb4eb-fc91-4288-a9b4-92b675d57129.png)
Bulanglang
Ang bulanglang ay isang tradisyunal na pagkaing Pilipino na kilala sa magaan ngunit masustansyang sabaw nito. Bagaman may iba't ibang bersyon sa bansa, ang bulanglang ng Batangas ay karaniwang binubuo ng sari-saring gulay tulad ng kalabasa, sitaw, talong, okra, malunggay, at kamatis na niluluto sa simpleng sabaw. Sa ibang lalawigan, maaari rin itong lagyan ng isda o hipon upang madagdagan ang lasa at protina. Dahil binubuo ito ng iba't ibang gulay, ito ay mayaman sa dietary fiber, bitamina A, bitamina C, potassium, at iba't ibang antioxidants.
![072126 [listicle National Nutrition Month Ginisang Ampalaya]](https://db.thebenildean.org/uploads/the-benildean/originals/1754fe4a-8ad3-4b04-9b48-6ed74736545b.png)
Ginisang ampalaya
Ang ginisang ampalaya ay isa sa mga pinakakilalang lutong-bahay sa Pilipinas. Karaniwang niluluto ito gamit ang ampalaya, bawang, sibuyas, kamatis, at itlog, bagaman maaari rin itong dagdagan ng giniling na baboy, hipon, o tokwa. Kilala ang ampalaya sa mapait nitong lasa, ngunit sa tamang pagluluto ay nagiging mas balanse ang lasa habang napapanatili ang mahahalagang sustansya nito. Matagal nang bahagi ng lutuing Pilipino ang ampalaya at malawak itong itinatanim sa iba't ibang bahagi ng bansa. Ginagamit ito hindi lamang bilang gulay kundi maging sa tradisyunal na panggagamot.
Ang mga lutong-bahay na tulad na lamang ng ginisang munggo, pinakbet, ginataang gulay, adobong sitaw, laing, bulanglang, ginisang ampalaya at iba pa ay nagpapahiwatig na ang Pilipinas ay may mayamang pinagkukunan ng sustansya at sagana sa kulturang nananatiling buhay sa bawat tahanan. Sa mundong ating ginagalawan, ang pagtangkilik sa lutong-bahay ay isang kayamanang maipapamana natin sa makabagong panahon.
