Layout By Kij Cabardo
Layout By Kij Cabardo.

HERSTORY LIVE!: Pagpunto sa Lakambini Bill


Laban, kababaihan! Isulong ang karapatan ng bawat kababaihan at itaguyod ang pantay na pagtrato sa mga Lakambini ng kasalukuyan. #PassTheLakambiniBill, buhayin at ipagmalaki ang kahalagahan ng bawat babae sa lipunan upang protektahan ang kasaysayan.


By Azlene Maglente | Tuesday, 6 October 2026

Upang itaguyod ang pag-aaral at pagkilala sa mga bayaning kababaihang Pilipino, ginanap ang HERSTORY LIVE! The Lakambini Bill Digital Press Launch, na naglalayong palawakin ang kaalaman at kamalayan hinggil sa kanilang mga kuwento at pakikibaka, noong ika-30 ng Setyembre sa Zoom.

 

Kasama rito si Akbayan Rep. Dadah Kiram Ismula na naghain ng Lakambini Act of 2026, isang panukalang batas na naglalayong gawing rekisito ang pagtuturo ng kasaysayan, papel, at ambag ng mga kababaihang Pilipino sa lahat ng antas ng paaralan sa bansa.

 

Nagsimula ang talakayan sa pangunguna ng punong-abala na si Angel Romero, isang peminista, manunulat, artista, at tagapagtaguyod ng karapatang pantao at karapatan para sa LGBTQIA+. Bukod dito, siya rin ay isang lead ng Shoutout Pinas, isang feminist-led, non-stop, at non-profit na organisasyon sa ilalim ng Pelikulove na nakasentro sa kababaihang Pilipino at tinig ng mga nasa laylayan.

 

Makalipas ang 90 taon nang nilagdaan ang Commonwealth Act No. 34 noong 1936, nananatiling mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas ang pagkakaloob ng karapatang bumoto sa mga kababaihan. Nagsilbi itong mahalagang marka sa pakikibaka ng mga kababaihan upang makamit ang kanilang karapatan sa demokrasya at pakikilahok sa politika.

 

Tungo sa pagkilala sa bayaning kababaihang Pilipino

Inihayag ni Rep. Ismula ang kaniyang pasasalamat sa mga dumalo at siyang kumakatawan sa Akbayan Reform Bloc na bumubuo ng House Bill No. 5 o Lakambini Bill. Kabilang dito sina Rep. Chel Diokno, Rep. Perci Cendaña, at Dumagat Rep. Kaka Bag-ao. Ang layunin sa likod ng panukalang batas ay matugunan ang pagkakabura ng ilang pahina ng kasaysayan na tumatalakay sa mga ambag ng kababaihan. Ito ay isinusulong upang matiyak na mabibigyan ng sapat na pagkilala ang mga kababaihang patuloy pa ring lumalaban para sa bayan. 

 

Nag-iwan ng pagninilay si Rep. Ismula para sa mga manunulat na patuloy na lumalaban para sa malayang pamamahayag: “Sanay tayong magbasa mula sa mga heneral at mga lider na humubog sa ating bansa. Pero kung papansinin natin, tila laging kulang ang kuwento. Palaging naroon ang ating mga kababaihan sa frontliners ng pagbuo, pagtatanggol, at pagpapabuti ng Pilipinas, pero napakarami sa kanila ang mga pangalan ay naiwan at nabura.”

 

Mukha ng mga Lakambini

Binigyang-diin sa talakayan ang mga katutubong bayani—na karamihan ay matatagpuan mula sa Mindanao—na bihira lamang mabigyan ng pagkilala. Mula rito, naibahagi ang kuwento ni Oriang, isang mahalagang kinatawan ng kababaihan sa Rebolusyong Pilipino at tagapangalaga ng mga lihim na dokumento ng Katipunan.

 

Napag-usapan din ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng batas na ito, hindi lang sa mga kababaihang lumalaban, kundi pati na rin sa kabuuang kasaysayan ng mga bayaning kababaihan. Dagdag pa rito ang pagbanggit sa kakulangan ng representasyon ng kababaihan sa salaysay at pagbabalewala ng mga ito bilang huwarang bayani.

 

Boses ng mga kababaihan para sa kasalukuyan 

Sa bahagi ng Q&A, ibinahagi ni Elora Españo, isang aktres na gumanap bilang batang Oriang sa Lakambini: Gregoria de Jesus, ang kaniyang kagalakan sa pamamagitan ng isang pahayag: “Discuss a lot of things about women, for women.” 

 

Nagpapaalala ito sa mga kababaihang Pilipino na hindi pa tapos ang laban sapagkat wala pa ring sapat na tugon mula sa gobyerno at hindi pa napapahalagahan ang karapatang pangkababaihan.

 

Ibinahagi rin ni Natasha Kintanar, isang awtor at tagapagtaguyod ng pamana, ang ilan sa kaniyang mga nailimbag na libro, na pinamagatang “Bayani Biographies: Gregoria de Jesus” at “Bayani Biographies: Theresa Magbanua,” pati na rin ang nalalapit na paglabas ng librong “Bayani Biographies: Josefa Llanes Escoda,” kung saan tinatalakay ang 30 taong pakikibaka at hamon ng kababaihang Pilipino para sa kanilang karapatang bumoto.

 

Nanawagan siya sa mga kababaihan na hindi na marapat pang paabutin sa susunod na henerasyon ang laban para mas makilala ang mga babaeng nagtaguyod sa Pilipinas. “It should not take another 30 years for us to recognize women’s stories in our classrooms,” aniya.

 

Hindi lamang sa pamamagitan ng pagsulat maipamamalas ang kasaysayan ng bansa, lalong-lalo na kung ito ay para sa kababaihan. Napapakita rito na ang sining ay puwedeng magbago ng anyo upang maging makasaysayan. Bukod sa paggising nito sa kamalayan ng sanlibutan, ginagawa nitong tao ang mga bayani na tila kinakausap ang imahinasyon natin. 

 

Sa pahayag naman ni Lalaine Mengge, isang lider-kabataan ng Oriang, kaniyang ibinahagi ang layunin niya kung maipapasa ang Lakambini Bill at bigyan ng sapat na paghanga ang bawat sakripisyo ng mga bayaning kababaihan.

 

“Doon sa [pagtalakay] sa history sa curriculum natin, makikita na ‘yung women heroes are mentioned naman, pero side characters lang sila sa istorya. So, kung maipapasa ‘yung Lakambini Bill, mahuhubog ‘yung ating mga kabataan na ‘yung katapangan ay walang kasarian, at ang katapangan ay hindi para sa mga lalaki lamang,” aniya.

 

Sa huling paalala pa ni Kintanar: “When we teach complete history, including women, we reclaim the true meaning of Lakambini. Women have always been the leaders, strategists, and nation builders. Nation building was never a solo effort. Katuwang ang kababaihan sa pagbuo ng bayan.”

 

Inaanyayahan ang mga kababaihan na paigtingin ang pwersa at lagdaan ang petisyon tungkol sa Lakambini Bill, sapagkat layunin nitong suportahan ang karapatan ng kababaihan. Hinihikayat din ang mga mambabatas na isulong ang isang panukalang-batas na magbibigay ng pormal na pagtuturo tungkol sa mga bayaning kababaihan.

Last updated: Tuesday, 6 October 2026