Nothumb
Nothumb.

Sa isang dapit hapon


Sa bawat mapaglarong isipa’y isang dibuho ang maaaring malikha.


By Benildean Press Corps | Friday, 4 July 2014

Sa bawat mapaglarong isipa’y isang dibuho ang maaaring malikha. Isang gawang sining na maaaring makapagbigay ng tuwa’t saya sa buhay nino man.

Sa isang dapit hapon

Isa sa mga ito ay ang taunang Virgin Labfest (Labfest) na itinatanghal sa Cultural Center of the Philippines. Layunin ng theater festival na ito na maipalabas ang mga dulang “untried, untested, unpublished, and unstaged” ng iba’t ibang mandudula. Para sa taong ito, sa temang Harvest, ipinagdiriwang ng Labfest ang isang dekadang pagpupunyagi at paghirang sa mga natatanging bagong dula and mandudula ng bansa. Hindi biru-biro ang paghahanda ng mga kalahok dito, kaya naman isa ito sa pinakaabangang arts festival sa bansa. Patunay na rito ang dagliang pagkaubos ng mga tiket hindi pa man nagbukas ang festival.

Isa sa mga tampok na dula ngayong taon ay ang “Sa Lilim” ni Reya Laplana na animo’y hiyas ng naturingang festival dahil sa kakayahan nitong magsulat ng isang dula sa murang edad na labinganim. Sa katunayan, si Reya ay isang Benildean at frosh ng Bachelor of Arts in Fashion Design and Merchandising (AB-FDM). Bagama’t mahiyain at hindi gaanong nagsasalita, ang gawa ni Reya ay may subtleties at konteksto ng isang batikang mandudula.

Totoo nga talaga ang kasabihang age doesn’t matter. Pinatunayan niyang may maturity s’ya sa paglikha ng kwento tungkol sa matalik na magkaibigang babae, sa pagdiskubre ng kani-kanilang sekswalidad at mga sarili sa gitna ng samu’t saring problema. Silang magkaibigan na sa huli ay nagkaroon ng lakas ng loob na aminin sa sarili at isa’t isa ang mga salitang nababalot sa hiya at takot. Mga damdaming mahirap aminin sa isang dapit-hapon; isang bagay na hindi kailanman maaring kalimutan kahit sa paglipas ng mahabang panahon. Tinalakay n’ya ang sensitibong paksa ng may pag-aaruga at pag-acknowledge sa sentimyento ng mga teenagers at kababaihan.

Bukod sa magandang kwento nito, kaabang-abang rin ang mga eksena ni Hani at Lai na tiyak magbibigay saya at lungkot sa inyong mga damdamin.

Kahit hindi ganoon kagarbo ang disenyo ng produksyon, mananatili pa rin itong kamangha-mangha dahil sa namumukod-tangi nitong kwento.

Ang dula ay pinanungahan nina Isabelle Martinez at Allison Segarra, sa direksyon ni Jenny Jamora.

Bisitahin ang https://www.ticketworld.com.ph/Online/virginlabfest10 para sa karagdagang impormasyon. Tatakbo ang festival hanggang ika-6 ng Hulyo, 2014.

 

 

 

Last updated: Wednesday, 9 June 2021